"Antigas naman ng ulo mo e! Makinig ka naman sakin! We don't have time for those right now, Antonio.. Please.." Tumulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata. "Please, let me save you.."

Pangatlo ay noong nakita ko siyang umiyak. Pakiramdam ko nadurog ang aking puso noong nalaman ko ang kwento sa likod ng mga luhang iyon. Sa tuwing ikinukwento niya ang tungkol sa kanyang natatandang kapatid, nakikita ko ang takot sa kanyang puso. Dahil doon, nagkaroon ako ng kagustuhang protektahan siya. Kaya sobrang takot ang naramdaman ko noong muntik na siya galawin ng isang guwardiya sibil.

Pang-apat ay noong iniligtas niya si Santiago na muntik niya pang ikapahamak. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman noon. Pinaghalong galit at lungkot. Hindi ko tuloy namalayang nasaktan ko siya noong kinampihan ko si Bernarda. Parang dinurog ang puso ko noong nakita ko ang sakit sa kanyang mga mata.

Panglima ay noong sinabi niya sa aking mahal niya ako. Sa sobrang kasiyahang aking naramdaman, tila ba nakalimutan kong kailangan namaing tumakas at umalis ng Kalookan. Nakalimutan kong may problema kaming kinakaharap.

"Na-nasabi ko na sa aking sarili noon, na ilalaan ko ang buong buhay ko sa bayan. Handa na akong harapin ang kamatayan."

Pang-anim ay noong nakita ko siyang pinalilibutan ng libo-libong alitaptap. Nagmistula itong mga bituin na bumaba mula sa kalangitan at pumalibot sa kanya. Para bang siya'y lumabas sa isang nobela. Noong bumaba siya sa hagdan, suot ang magandang kasuotan at nakapusod ang kanyang buhok. Tila ba bumagal ang galaw ng lahat habang pababa siya ng hagdan at ang mga mata nami'y nakitingin lamang sa isa't isa. Para bang kami lamang ang tao sa buong paligid. Para bang amin ang gabi.

"Ngunit, noong dumating ka... nagbago ang lahat. Ikaw ang da-dahilan kung ba...kit nais kong magpa...tuloy sa buhay.  Naitanong ko sa aking sarili."

Noong tinitigan ko ang iyong mga mata, hinayaan kitang pasukin ang aking buhay at kilalanin ang aking pagkatao. Noong nakita ko ang iyong mga ngiti, bumilis ang tibok ng aking puso. Noong hinawakan mo ang aking mga kamay, parang ayoko ko ng bumitaw. Noong niyakap mo ako, sinabi ko sa aking sarili na sana habangbuhay na lamang tayong ganun. At noong dumampi ang iyong mga labi sa aking labi, nakita ko ang hinaharap ko kasama ka. Magkahawak-kamay.... habangbuhay.

Sa edad na labing-pito, sumali ako sa isang sekretong organisasyon na ang layunin ay mapalaya ang bayan mula sa kamay ng mga dayuhan, ang Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga anak ng bayan. Sumali ako sa rebolusyon at inilibing na ang isang paa sa buhay. Inihanda ko na ang sarili sa kung ano man ang maaaring mangyari sa akin sa oras na sumiklab na ang digmaan.

Ngayon ay tatlong taon na akong myembro ng Katipunan. Simula pa lamang pagkabata, ipinangako ko sa aking sarili na poprotektahan ko ang mga taong mahalaga sakin kahit na kaakibat nito'y kamatayan. Tinanggap ko na ang kapalaran ko kaya hindi na ako maaaring maghangad ng kahit na anupamang bagay.

"A..ayos lang ba kung maging makasarili ako, kahit isang beses lang? Ano nga ba... hah...ang itsura ng hinaharap? Ang hinaharap na kasama ka?"

Ngunit, unang beses sa buong buhay ko, inisip ko kung ano nga ba ang kinabukasan ko pagkatapos ng digmaan. Ang hinaharap ko kasama siya.

"N-naalala mo ang tanong mo sa akin noon? Kung may makilala akong tao mula sa hinaharap, ano ang itatanong ko? Malaya ba ang hinaharap?"

Tumango siya at binigyan ako ng isang malungkot na ngiti. "Oo, malaya. Malaya ang hinaharap. Nagbunga ang lahat ng pagsasakripisyo niyo."

Pinilit kong ngumiti, "Kung mabubuhay man akong muli, kung itinadhana man tayo sa isa't isa, hintayin mo ako sa hinaharap, Kristin... Ha-hahanapin kita... kahit saang sulok man ng mundo. S-sa hinaharap,  tutuparin ko ang aking pangako."

"No. Huwag mong sabihin 'yan. Ililigtas kita. Aalis tayo dito, gagamutin ka ni Corazon, makikita mo pa sina aling Isay."

Ngunit siguro nga'y ito na ang aking kapalaran. Simula pa lamang ito na ang daang dapat kong tahakin. Ang isakripisyo ang sarili ko para sa iba.

"S-sa susunod na buhay... S-sa loob ng sampung libong taon.. Habangbuhay... Mamahalin kita."

Unti-unti ng nandidilim ang paningin ko pero hindi ko inalis ang tingin sa kanya. Huwag ka ng umiyak. Gusto kong punasan ang mga luha sa kanyang pisgi ngunit hindi ko na maigalaw ang aking mga kamay.

Ito ba talaga ang gusto ko? Simula pa lamang, inialay ko na ang aking buhay para sa inang bayan. Simula pa lamang, tinanggap ko na ang kapalaran ko. Habang nakikipaglaban ay hinihintay ko ang kamatayan. Hindi ko ito iniiwasan. Akala ko, iniisip ko ang kapakanan ng iba ngunit hindi pala. Napakamakasarili ko dahil naghahangad akong iwan ng malupit na mundong ito habang ang aking mga mahal sa buhay ay pilit na gumagapang upang mabuhay.

Ngunit, ngayon, hindi ko kaya. Hindi ko kayang iwan ang mga taong mahalaga sa akin. Hindi ko kayang iwan si Kristin.

Wala na akong maramdaman. Hindi ko na maramdaman ang lupang kinauupuan ko. Hindi ko na maramdaman ang patak ng ulan na dumadampi saking balat. Hindi ko na maramdaman ang sakit ng aking mga sugat. Hindi ko na maramdaman ang init ng palad ni Kristin. Tanging sakit na lamang sa aking dibdib, ang humihinang tibok ng aking puso habang sinasakop na ng dilim ang ang aking buong paningin.

Ito ba ang gusto ko? Ang ialay ang aking buong buhay, maging ang aking hinaharap para sa bayan?

"Antonio! No... no... Huwag mo kong iwan. Please! Paano na ang mga taong mahal mo? Sina aling Isay? Sina Corazon at Santiago? Si Rafael? Ang supremo? Si Bernarda? A-ako... Paano na ako? Hindi ko kaya! Hindi ko kayang wala ka!'

Ito ba ang gusto ko?

"Hindi ba't gusto mong makita ang hinaharap kasama ako, then, ipapakita ko sayo. Hindi man ako nagmula sa panahong ito, hindi ko alam kung paano pero hahanap ako ng paraan so just please, stay with me!"

Ang iwanan ang mga mahal ko sa buhay?

"Please... huwag mo din akong iwanan.."

Hindi... Ayoko.

G-gusto ko pang mabuhay.

My Handsome KatipuneroWhere stories live. Discover now