Chapter 23

20.9K 389 7
                                    


LATE nang dumating si Theo sa birthday party ng Tita Amy ni Stormy dahil inabot siya nang ilang oras sa pag-aayos ng sarili niya. Gusto niyang siguruhin na guwapo siya nang gabing iyon dahil balak na niyang magtapat ng totoong damdamin niya kay Isay.

Iniwasan niya ito nang mga nagdaang araw dahil inatake siya ng karuwagan pagkatapos ng halikan nila sa apartment nito. Sa tuwina ay abot-abot ang kanyang kaba tuwing natatanaw niya ito. Hindi niya alam kung paano niya ito haharapin at kung ano ang sasabihin niya rito. Tinugon man nito ang halik niya ay hindi siya sigurado sa magiging feelings nito kapag sinabi niya rito na hindi na sila maaaring maging magkaibigan lang.

Nag-ipon muna siya ng lakas ng loob at tinimbang ang mga bagay-bagay. Pinag-isipan niyang mabuti kung kaya na ba talaga niyang i-risk ang friendship nila para sa damdamin niya. Handa ba siya sa mga consequence na maaari niyang harapin kapag tinawid niya ang pagkakaibigan nila at dinala niya iyon sa mas malalim na lebel? Maiintindihan kaya siya ni Isay?

Nakatulong nang malaki ang pagkakaroon nila ng distansiya para ma-realize niya ang ilang mga bagay. Una, mag-iiba talaga ang takbo ng buhay niya kapag wala ito sa tabi niya. Ikalawa, kung na-miss niya ito nang umalis ito nang walang paalam noon, ngayong dumistansiya siya rito ay mas masidhi at mas malalim ang pangungulilang nararamdaman niya. Sa bawat minuto ay hinahanap-hanap niya ito. Gusto uli niya itong hagkan nang paulit-ulit. Kahit saan siya tumingin ay nakikita niya ito kaya kung wala pa siyang gagawing hakbang, malamang ay mabaliw na siya.

Ikatlo, lalo siyang naliwanagan nang dahil sa halik na iginawad ni Zyrah sa kanya noong nasa library sila. Sinusundan-sundan pala siya nito at naghahanap lang daw ito ng tamang oras para makausap siya nito nang sarilinan. Inignora kasi niya ang lahat ng tawag at text nito. Alam daw nito na may bago nang babae sa buhay niya pero hindi pa rin daw ito sumusuko. Hindi raw sila bagay ni Isay. Ipinipilit nito na silang dalawa ang bagay. Paalis na sana siya nang basta na lang siyang niyakap at hinalikan nito.

Hindi niya gusto ang halik na iyon ngunit kapagkuwan ay ipinagpasalamat na rin niya na ginawa nito iyon dahil na-realize niya na wala na siyang ibang halik na gugustuhin kundi ang halik ni Isay. Wala na siyang ibang mga labing hahanap-hanapin kundi ang mga labi nito.

He realized he was really in love with Isay—his cute little thing, his best friend.

Handa na siyang panindigan ang damdamin niya. Sinabi sa kanya ni Stormy na darating si Isay sa party. Gagamitin niya ang masayang okasyon na iyon para sa rebelasyon niya.

Kumaway siya nang makita niyang dumating na si Matt. Hindi pa man ito nakakarating sa mesa nila ay dumating na rin si Isay ngunit hindi agad ito pumasok. Nanatili ito nang ilang sandali sa entrance ng bulwagan habang may kausap ito sa cell phone. Ngiting-ngiti ito na para bang masayang-masaya.

Kumunot ang noo niya. Sino ang kausap nito para ngumiti ito nang ganoon? Mayroon na bang iba na pumalit sa puwesto niya habang iniiwasan niya ito?

Pagkatapos nitong makipag-usap sa cell phone, maaliwalas ang mukha na naglakad na ito papasok. Inilibot nito ang paningin nito. Nang makita nito ang kinaroroonan nila ay ngumiti ito—si Matt ang nginitian nito at hindi siya. Pakiramdam niya ay tinadyakan siya ng kabayo sa dibdib. Nagsisisi siya kung bakit nagpadaig siya sa karuwagan niya. Para lumampas ang tingin nito sa kanya, ang ibig sabihin niyon ay masama talaga ang loob nito sa kanya.

"Hi," masiglang bati nito paglapit nito sa mesa nila.

Kay Matt pa rin ito nakatingin kaya naisip niyang si Matt lang ang binati nito. Tila nilipad ng hangin ang inensayo niyang speech dahil sa malamig na trato nito sa kanya. Paano na? Baka kapag nagtapat siya rito ay rejection lang ang mapala niya, mawala pa ang friendship nila.

Patuloy ang pagdating ng mga bisita. Namataan niya ang ilan sa mga instructor nila sa unibersidad. Naroon din siyempre ang kapatid ni Stormy na si Sir Jude. Nakita rin niya si Ma'am Janis at ang iba pang faculty members.

Ilang minuto pa ang lumipas at dumating na rin si Stormy. Lumapit ito sa tita nito at iniabot dito ang isang regalo na katamtaman ang laki, pagkatapos ay gumala sa paligid ang paningin nito. Nagsalubong ang mga kilay niya nang huminto ang mga mata nito kay Isay. Tila nagagalak namang tumayo si Isay at lumapit kay Stormy.

"There you are, sweetie!" magiliw na sabi ni Isay at hinagkan nito sa mga labi si Stormy.

Sigurado siya na kung nagulat si Matt—dahil sa sulok ng mga mata niya ay nakita niya na tila nalaglag ang mga panga nito—ay mas nagulat siya. Hindi. Understatement ang "gulat" na naramdaman niya.

Nang tugunin ni Stormy ang halik ni Isay at niyakap nito ang huli, literal na huminto siya sa paghinga. Tila huminto rin sa pagtibok ang puso niya. Hindi na siya magugulat kung bigla na lang siyang bubulagta sa sahig dahil sa atake sa puso.

Ngunit malupit ang kapalaran. Hindi siya inatake sa puso. Nanatili siyang buhay sa puwesto niya.Gustong-gusto niyang sugurin si Stormy ngunit ano ang karapatan niyang gawin iyon? Hindi naman niya girlfriend si Isay. Napakasakit isipin na kung kailan handa na siyang magtapat ay huli na ang lahat.

Hindi siya makapaniwalang si Isay ang babaeng tinutukoy ni Stormy nang minsang magkuwento ito sa pinoproblema nito. Kaya pala hindi nito pinangalanan ang babae. Ang tinutukoy pala nito na komplikasyon ay siya.

Nag-walk out siya sa party. Palayo na siya sa lugar na iyon sakay ng kotse niya nang mapagtanto niya na umiiyak siya.

ffffffffffffff3

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon