Chapter 9

20.9K 424 2
                                    


NAPUKAW si Miliza sa pagkakatulala nang ilapag sa harap niya ng kung sino ang mga bulaklak. Ngumiti siya sa lalaki. Tumango lang ito sa kanya at mabilis na lumayo. Matalino talaga si Santi. Bagong mukha na naman ang nagdala ng mga bulaklak sa kanya. Marahil ay sinasadya ni Santi na iba-iba ang mag-abot niyon sa kanya para ilihis ang hinala ng mga kaklase nila.

Napabungisngis siya nang tingnan niya ang note card na kalakip ng mga bulaklak. Blangko na naman iyon.

"Hi, babe."

Kasabay ng bulong na narinig niya ay naramdaman niya ang mabilis na paghalik sa pisngi niya. Huli na ang pagsinghap niya. Dinampot niya ang notebook niya at pinaghahampas niya si Santi niyon.

Tawa ito nang tawa. Nahulaan niya na gusto lang nitong mang-asar. Alam nito na nahihirapan na siyang magpalusot sa mga kaibigan niya tuwing nawawala siya sa paningin ng mga ito para makuha niya ang bulaklak na ibibigay niya kay Trini.

"Sumosobra ka na, Santi. Napapagod na 'ko sa laro mo. Sa susunod na inisin mo pa 'ko, tiyak na hindi mo magugustuhan ang gagawin ko," pagbabanta niya.

Itinaas nito ang dalawang kamay sa anyong tila sumusuko. "Sorry," sabi nito, saka sumeryoso. "Pinagselos ko lang naman ang best friend slash crush mo. Ang sama kasi ng tingin sa 'kin, eh."

"S-si Theo?" Biglang pumasok sa isip niya ang tagpong hinalikan siya ni Theo. Mula nang mangyari iyon ay hindi na siya matahimik. Lagi niya iyong naiisip. At sa tuwina ay bumibilis ang tibok ng puso niya.

Tumango ito. "Nakasalubong ko siya kanina. Ang sama ng tingin niya sa 'kin. Sa tingin ko, iniisip niya na nililigawan kita. Alam ba niya na kay Trini mo ibinibigay ang natatanggap mong flowers?"

"Hindi."

"Kaya pala nagseselos siya. Sinundan niya 'ko ng tingin hanggang dito."

"Kaya mo ba 'ko ninakawan ng halik ay dahil nakatingin siya?"

Nakangising tumango ito. "Kalimutan mo na 'yong kiss, wala 'yon."

"Hindi siya nagseselos." Malamang ay curious lang si Theo. Hindi pa kasi niya sinasabi rito kung sino ang nagbibigay ng mga bulaklak sa kanya at kung para kanino talaga ang mga iyon. Lagi siyang kinukulit nito tungkol doon pero hindi siya mapilit nito na magkuwento rito. Ang katwiran niya, lalaitin lang nito ang "special someone" niya. Naisip niya ang ideya na mayroon siyang "special someone" para hindi magkaroon ng pagkakataon si Theo na ipamukha sa kanya na hindi niya deserve na mabigyan ng maraming bulaklak. Nahuhulaan niyang si Santi ang pinaghihinalaan nito dahil ito lang ang pinakamalapit na lalaki sa kanilang magkakaibigan.

Nang mga sumunod na sandali ay si Trini na ang naging topic nila ni Santi. Attentive na pinakinggan nito ang lahat ng mga kuwento niya tungkol sa kaibigan niya.

Pagkatapos nilang magkuwentuhan ay inasar niya ito para makaganti siya sa ginawa nito sa kanya kanina. Ngunit tinawanan lang siya nito. Masaya raw ito kaya walang epekto rito ang kahit anong pamimikon niya rito.

Magkasabay silang pumasok sa classroom nila. Ito na ang nagdala ng mga bulaklak. Kunwari ay inutusan niya ito na iabot nito iyon kay Trini.

Pinigil niya ang mapangiti nang makita niya na nanginginig ang mga kamay nito habang lumalapit ito kay Trini.

"Ikaw ba si Mr. Blank, Santi?" tila namamanghang bulalas ni Trini.

Nang bumungisngis si Pam, nahulaan niya na pinagti-trip-an lang ng mga ito si Santi. Pinigil niya ang mapabunghalit ng tawa nang ubohin si Santi. Mayamaya ay sinundot-sundot na ng mga kaibigan niya ang tagiliran ni Santi habang nagtatawanan ang mga ito. Talo na naman ang torpeng si Santi sa kapilyahan ng mga kaibigan niya.

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now