Chapter 15

20.4K 391 0
                                    

"IT'S GOOD-BYE then, Zyrah," paanas na sabi ni Theo habang sinusundan niya ng tingin ang papalayong si Zyrah. Iniwan siya nito sa cafeteria pero wala siyang pakialam.

Ito ang pinakamatagal niyang date—two and a half months. Namamasa ang mga mata nito habang nakikiusap ito kanina sa kanya na subukan daw nilang pumasok sa isang seryosong relasyon. Mahal daw siya nito. Gagawin daw nito ang lahat mapasaya lang siya nito. Nakita niyang gumuhit sa mga mata nito ang sakit nang isang matabang na ngiti ang isinagot niya rito.

Gustuhin man niyang pagbigyan ito ay hindi maaari dahil wala talaga siyang nararamdaman para dito. Lalo lang itong masasaktan. Kaya minabuti niyang tapusin na ang namamagitan sa kanila para magkaroon ito ng chance na makahanap ng tamang lalaki para dito.

Hindi si Zyrah ang unang babae na naglitanya sa kanya kung gaano siya ka-insensitive pagdating sa feelings ng mga babae. Hindi rin ito ang unang babae na nagtanong sa kanya kung may puso siya dahil kung manakit daw siya ng babae ay parang walang anuman sa kanya. Sarkastikong ngiti lang ang itinutugon niya sa mga ito.

Wala siyang pakialam sa opinyon ni Zyrah tungkol sa kanya. Hindi niya kasalanan kung nagkagusto ito sa kanya. Zyrah was pretty, hot, and oh so willing. Hindi niya kasalanan kung napagod na siya sa pag-iwas sa mga flirtation nito kaya pinagbigyan na niya ito. At lalong hindi niya kasalanan na umasa ito na maaari silang magtagal dahil sa una pa lang ay nilinaw na niya rito na hindi siya ang tipo ng lalaking nagseseryoso sa isang relasyon. He was into casual affairs. No emotions involved. No strings attached.

Tama nga siguro ang daddy niya. Malaki raw ang ipinagbago niya mula noong...

Dagli niyang pinutol ang pagdaloy ng mga alaala sa isip niya. Ilang taon na siyang nasasaktan dahil sa mga alaalang iyon.

Enough, Theo, move on, man, for heaven's sake!

Pabagsak na inilapag niya sa mesa ang hawak niyang inumin. Ilang minuto pa siyang nanatili roon bago siya nagpasyang lumabas. Nasiguro niyang naghihintay na sa kanya ang mga kaibigan niyang sina Stormy at Matt. Nahiling niya na sana ay maging mas exciting ang junior year nilang tatlo.

Tumakbo siya patungo sa building kung saan sila magkaklase para sa first subject niya.

"Hey, bro!" bati ni Matt na nakasalubong niya sa corridor. Kasama rin nito si Stormy. "This is the gateway to hell," sabi nito, sabay turo sa isang pinto.

"Si Mr. Simentro ang magiging professor natin sa unang subject, bro!" sabi ni Stormy. Ito ang pinakamatangkad sa kanilang tatlo. Kapatid ito ni Sir Jude, isa sa mga professor sa university na iyon.

Si Mr. Simentro ay ang terror na naging professor nila noong nagdaang taon. Walang hindi nakakakilala sa matandang professor sa buong Engineering department.

"Good news 'yan, hindi tayo mabo-bore," nakangising sabi niya.

Lahat ng mga estudyanteng hawak nito ay gising na gising ang diwa dahil masyado itong istrikto. Halos buong klase ay nangangatog ang tuhod dito pagdating sa recitation.

Wala naman silang problemang tatlo kay Mr. Simentro dahil okay naman ang grades na nakuha nila rito—mas mababa nga lang kompara sa ibang subjects nila. Ang sabi nga ni Matt, 'they were in the right room and at the right time, dealing with the right instructor.' Hindi raw nagkakalayo ang mga IQ nila sa IQ ni Mr. Simentro.

Sumilip siya sa nakabukas na pinto. Nakita niya na may ilan doon na hindi pamilyar ang mukha. Niyaya na niya ang mga kaibigan niya na pumasok na sila sa loob.

"Kausap mo si Zyrah kanina?" tanong ni Stormy.

"Yup!"

"Let me guess," singit ni Matt. "Wala na kayo."

Nagkibit-balikat siya.

"Saan tayo?"

Itinuro ni Matt ang puwesto niya. Sumunod siya sa piniling puwesto ng mga ito. Tulad ng dati, sa likuran niya pumuwesto ang mga ito. Bagong mukha ang katabi niya. Ngumiti ito at binati sila.

"I'm Anthony," pagpapakilala nito sa sarili. "Transferee."

Tumango siya at nakipagkamay rito. "I'm Theo." bumaling siya sa dalawang kaibigan niya sa likuran. "My friends, Matt and Stormy."

Pagkatapos niyon ay nagkuwentuhan na silang apat. Mukhang sa semester na iyon ay magiging apat na silang magkakaibigan.

Ikinuwento ni Anthony na may isang MJ sa buhay nito—ang babaeng sentro ng atensiyon nito. Nakita niya kay Anthony ang kanyang sarili at kay MJ si Isay.

Nang mga sumunod na araw ay nagkasalubong sila ni Santi. Nalaman niya mula rito na freshman din sa university na iyon si Isay. Nasa College of Business ito kasama ang mga kaibigan nito noong high school.

Nang marinig niya iyon, pakiramdam niya ay saglit na nagbago ang ikot ng mundo niya. Iniwan na siya ni Santi ngunit hindi pa rin niya nagawang kumilos sa puwesto niya.

Ilang hakbang lang ang pagitan ng building ng College of Business at College of Engineering and Architecture. Anumang oras ay maaari silang magtagpo ni Isay.

Hindi niya nasupil ang awtomatikong pagbabago ng ritmo ng pintig ng puso niya.

\CRzS3

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon