Chapter 14

20.9K 405 4
                                    


Three years later...

ILANG segundong pinagmasdan ni Miliza ang front view ng university. Halo-halo ang emosyong nararamdaman niya habang nakatitig siya roon. Sa mga nakalipas na taon ay hindi niya naisip na babalik uli siya sa Maynila para mag-aral. Lalong hindi siya makapaniwala na sa university na iyon iikot ang kuwento ng college life niya. Ang akala niya ay sa Davao na siya mananatili habang-buhay.

Hindi niya gustong balikan sa kanyang isip ang magkasunod na trahedya sa buhay niya noon. Ngunit nanatiling buhay sa alaala niya ang mga iyon, lalo na ang pangyayaring naglayo sa kanila ni Theo noon...

Mas masahol pa sa nasabugan ng bomba ang pakiramdam ni Miliza nang matanggap niya ang tawag ni Mama Lannie. Nabaril daw ang kanyang ama ng matandang inaalagaan nito na may sakit sa isip. Dead on arrival daw ang kanyang ama sa ospital. Nanghina ang buong katawan niya. Pakiramdam niya ay namatay rin siya nang sandaling iyon. Masakit ang dibdib niya at halos hindi siya makahinga. Hindi siya maaaring iwan ng kanyang ama nang ganoon kaaga.

Wala na siyang naintindihan sa mga sumunod na sinabi ng madrasta niya. Hanggang sa nagpaalam na ito ay hindi na siya nakapagsalita ng kahit ano. Iyak siya nang iyak hanggang sa nawalan siya ng malay.

Pagdilat niya ay isa pang masamang balita ang natanggap niya mula kay Tita Lenna. Mula sa pamamasyal ng mga ito ay isinugod daw nito sa ospital ang Ate Lia niya. Saka lang niya nalaman na mayroon palang malubhang sakit ang ate niya. May leukemia raw ito. Pilit lang na itinatago nito iyon dahil gusto raw nito na mamuhay nang normal tulad ng mga kaedad nito. Kaya pala madalas itong dapuan ng sakit. Ang akala niya ay ordinaryong trangkaso lang iyon. Kaya pala hindi siya isinasama nina Tita Lenna sa lakad ng mga ito ay dahil nagpapagamot si Ate Lia.

Pakiramdam niya ay namatay siya sa ikalawang pagkakataon nang sabihin ni Tita Lenna na hindi na magtatagal si Ate Lia. Hindi man sila naging close tulad ng tunay na magkapatid ay mahal niya ito.

Gusto niyang itanong sa kawalan kung ano ang mabigat na kasalanang nagawa niya para mangyari sa kanya ang magkasunod na dagok na iyon? Paano niya kakayanin ang lahat? Ano na ang mangyayari sa kanya pagkatapos ng lahat ng iyon?

Umuwi sa Pilipinas si Mama Lannie dala ang abo ng kanyang ama. Napakasakit sa kanya na hindi man lang niya nakita kahit ang bangkay ng kanyang ama pero wala na siyang magagawa pa.

Nakakaisang linggo pa lang ang madrasta niya sa bahay nila nang mag-collapse ito. Marahil ay hindi na rin nito kinaya ang pagdadalamhati. Kaya nang gabing iyon ay nag-volunteer siyang bantayan ang stepsister niya sa ospital.

"Matagal ko nang mahal si Theo, Zhang," pag-amin ni Ate Lia sa kanya.

Napatitig siya rito. "M-mahal mo si Theo?"

Tumango ito. "Naiinis ako sa 'yo, alam mo ba 'yon? Dahil pareho kayo ng papa mo na mang-aagaw. Inagaw ng papa mo ang mama ko sa 'kin. At ikaw naman, inagaw mo ang nag-iisang lalaki na gusto ko. Kahit kailan ay hindi niya 'ko tinapunan ng kahit katiting na atensiyon dahil ikaw lang ang nakikita niya. Ayaw niya 'kong makasama kahit sandali, pero ikaw, kulang na lang ay patirahin ka niya sa bahay nila.

"Bakit? Ano'ng meron kayo ng papa mo para mas mahalin kayo ng mga taong mahal ko, ha? Kung may sapat lang akong lakas para ipaglaban ang mga mahal ko, hindi ko kayo basta hinayaan na lang. Pero wala na, eh. May taning na ang buhay ko at kahit ano'ng gawin ko, mamamatay akong talunan." Sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha nito. Ngunit mayamaya ay tumalim ang pagkakatingin nito sa kanya.

Ilang sandali na nanatili lang siyang nakanganga. Hindi niya alam kung ano ang iisipin at sasabihin niya. Hindi niya inakala na mayroon pala itong itinatagong galit sa kanilang mag-ama. At lalong hindi niya naisip na may kinalaman din si Theo sa galit nito sa kanya.

"Magkaibigan lang kami ni Theo kaya kung gusto mo siya—"

"Wala na ang papa mo kaya wala ka nang kaugnayan sa 'min. Umalis ka na! Layuan mo na ang pamilya ko. Ayokong makita ka sa mga natitirang araw ko sa mundo!"

"Ate Lia..."

Umubo ito nang sunod-sunod at tila nahirapan itong huminga. Kapagkuwan ay kumalma na rin ito. "Habang nakikita kita, lalo kong nararamdaman na napakamalas ko. Heto ako, mamamatay na hindi man lang naging masaya samantalang ikaw, nasa 'yo ang lahat ng oras sa mundo para maging masaya, tuparin ang mga pangarap mo, at makasama si Theo. Umalis ka na! Ayaw na kitang makita pa! I hate you!" Hysterical na umiyak ito.

Natilihan siya. Ilang segundo ang lumipas bago niya nagawang lumabas ng silid upang tumawag ng doktor.

Hindi niya inakala na bibigyan siya ng dahilan ng kapalaran para umalis sa poder ng madrasta niya. Natagpuan siya ng kapatid ng lolo niya sa ina. Namatay ang kanyang ina pagkatapos siyang ipanganak nito at mula noon ay hindi na nagkaroon ng balita ang mga kamag-anak ng kanyang ina sa kanya. Bago raw namatay ang lolo niya ay ibinilin daw nito sa kapatid nito na si Lolo Corjoe na hanapin siya.

Nagsilbing lead sa mga imbestigador na inupahan ni Lolo Corjoe para mahanap siya ang napabalita sa TV na pagkamatay ng kanyang ama.

Tama si Ate Lia. Ngayong patay na ang Papa niya ay wala na siyang kaugnayan sa mga ito. Tama lang siguro na sumama siya sa mga tunay niyang kadugo.

Pagkatapos ipakita ni Lolo Corjoe sa kanya ang mga larawan ng kanyang ama kasama ang babaeng ayon dito ay kanyang ina at ang positive result ng DNA test nila na nagpapatunay na magkadugo sila, ay sumama agad siya rito papunta sa Davao.

Hindi na siya nagpaalam kay Theo. Gusto niyang ibigay nito ang buong atensiyon at panahon nito sa Ate Lia niya. Alam niya na hindi nagustuhan ni Theo ang huling pag-uusap nila sa ospital...

Ipinilig niya ang kanyang ulo upang putulin ang pagdaloy ng masasakit na alaala sa isip niya.

Binigyan siya ni Lolo Corjoe ng dalawang option—kung sa California o sa Maynila siya mag-aaral. Mas pinili niyang mag-aral sa Maynila kaysa sa ibang bansa dahil baka mamatay siya sa lungkot doon. Pinagbigyan nito ang hiling niya na bigyan siya ng kalayaan na mamili ng unibersidad na gusto niyang pasukan.

Nag-enroll siya sa unibersidad kung saan naka-enroll ang mga kaibigan niyang sina Trini, Pam, Santi, at Theo—kay Santi niya nabalitaan na doon din pala ito pumapasok.

"Theodore Knight," mahinang usal niya. "Kumusta ka na?"

Mula nang umalis siya sa poder ng madrasta niya ay naputol na rin ang komunikasyon nila. Hindi na niya ipinaalam dito kung nasaan siya dahil laging mabigat ang pakiramdam niya tuwing naaalala niya na namatay ang stepsister niya na may galit sa kanya. Alam niya na wala siyang kasalanan pero nagi-guilty pa rin siya. Ang guilt na iyon ang naging dahilan kung bakit hindi na siya nakipag-ugnayan kay Theo.

Magkikita uli sila nito. Nang maisip niya iyon ay naramdaman niya ang pamilyar na pagkabog ng dibdib niya. Sa kabila ng mga lumipas na taon ay naroon pa rin pala ang damdaming iyon...

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon