Chapter 3

22.3K 424 5
                                    


NAGULAT si Miliza nang makita niya ang paparating na si Santi. Hindi na ito mukhang nerd kundi isang cool teenager. Nakasuot ito ng walking shorts at simpleng T-shirt na napaparesan ng leather slippers. Clean-cut na ang hairstyle nito at wala na itong suot na salamin. Aaminin niya na lumabas nang husto ang totoong hitsura nito—guwapo pala ito.

"Santi?" halos nakangangang paniniguro niya. "Ano'ng nangyari sa 'yo?" Pinagmasdan uli niya ito mula ulo hanggang paa.

Tumawa ito. "Nagulat ka ba? Pinaghandaan ko ang date natin para hindi ka mapahiya."

"'Sus! Nahiya tuloy ako sa 'yo, nag-effort ka pa. Pero okay, ha? Ang guwapo mo ngayon!" sincere na puri niya rito. Tumawa siya nang malakas nang mag-blush ito. "Namumula ka!"

Nakipagtawanan din ito sa kanya. Marunong din pala itong makipagkulitan. Sa tingin niya ay misunderstood lang ito, o kaya ay walang nagbigay rito ng chance na maipakita nito ang totoong pagkatao nito.

"May gusto akong baguhin sa plano mo," sabi nito habang naglalakad sila patungo sa isa sa mga fast-food restaurant sa mall na iyon. "Treat ko ang date na 'to."

"Pero—"

"Sige na, first date ko 'to with a girl, eh."

"Bakit, boys ba ang mga ka-date mo dati?" nakangising biro niya.

Nagkatawanan uli sila.

"Share na lang tayo," suhestiyon niya. "Inistorbo kita, eh. At saka para hindi ako ma-guilty."

Nagkibit-balikat ito. "Kung 'yon ang gusto mo."

Pumasok na sila sa fast food.

"Paano nga pala malalaman ni Swelley na nag-date tayo?"

"Magpapadala 'yon ng mata niya rito. Ang usapan namin, dito kita dadalhin para kumain, 'tapos saka tayo manonood ng sine."

Tumango lang ito. Magkasunod na pumunta sila sa counter para um-order.

Habang kumakain sila ay nadiskubre niya na masarap pala itong kausap. May sense ang mga sinasabi nito at marami siyang natutuhan dito.

Bago sila naghiwalay ay nagpasalamat pa ito sa kanya. Nag-enjoy raw ito sa "date" nila. Nagpasalamat din siya sa oras na ibinigay nito. Siya man ay nag-enjoy rin na kasama ito.

NA-SHOCK ang lahat ng mga kaklase ni Miliza pagpasok ni Santi sa silid-aralan nila. Ngunit hindi pinansin ni Santi ang panunukso ng mga kaklase nila rito. Dumeretso ito sa puwesto nito at umupo. Itinuloy nito ang routine nito tuwing papasok ito—ang pagbabasa ng mga libro nito na para bang iyon na lang ang natitirang gawain sa mundo.

Mayamaya ay lumingon ito sa direksiyon niya at ngumiti sa kanya. Gumanti siya ng ngiti rito. Pagsapit ng break ay apat na silang magkakasama nina Pam at Trini sa paborito nilang tambayan sa library.

Pinagmasdan nina Pam at Trini si Santi. Pinuri ito ni Trini.

Natawa siya nang mag-blush si Santi at halos hindi makapagsalita. "Basta ako, mas gusto kita ngayon, Santi," nakangiting sabi niya. Masaya siya sa positibong pagbabago nito.

"Me, too," ani Pam.

Ngiting-ngiti si Trini habang patuloy pa rin ito sa pagsipat sa mukha ni Santi. "Wala kang pimple. Ang ganda ng lips at eyes mo..."

Pulang-pula na si Santi habang panay ang lunok.

Nagkatawanan sila ni Pam sa trip ni Trini.

1a65f0040963f3

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon