"Oo!" bulalas nito. "Gano'n ang nangyari sa classmate ko!"

"S-sige, g-gamutin na natin ang sugat ko."

Ngumiti ito nang maluwang at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya. Iginiya na siya nito papasok sa gate, pagkatapos ay pinaupo siya nito sa isa sa mga upuan na nasa hardin.

"Diyan ka lang, ha? Hintayin mo 'ko," bilin nito. Dinala nito si Bee sa grupo ng mga aso na nasa bandang kanan niya. Napakarami palang alagang aso nito.

Sinundan niya ito ng tanaw hanggang sa makapasok na ito sa bahay nito. Mayamaya ay bumalik na ito dala ang lalagyan ng mga gamot.

"Sorry, ha. nasa palengke kasi si Yaya. Hindi ko mahanap ang medicine kit pero nakakita ako ng alcohol at Betadine sa drawer ni Mommy." Umupo ito sa harap niya.

"Ayoko ng alcohol!" malakas na pagtutol niya. Naaalala niyang noong nilagyan ng papa niya ng alcohol ang sugat niya sa tuhod ay pumalahaw siya dahil sa hapdi.

"Ako'ng bahala, hindi ka masasaktan," naka-ngiting sabi nito. "Hihipan ko para hindi mo maramdaman ang hapdi. Okay lang na umiyak ka, ako lang naman ang makakakita, eh. Pupunasan ko na lang ang mukha mo mamaya. Ang importante ay magamot natin ang sugat mo,"

"Ayoko talaga," naiiyak na sabi niya.

"Wala pa nga akong ginagawa, umiiyak ka na," panunudyo nito. "Hindi 'to masyadong masakit."

"Masakit yan, eh!" Napaluha na siya nang tuluyan nang makita niyang nilalagyan na nito ng alcohol ang bulak na hawak nito. "Ayoko niyan sabi, eh!"

"Umiiyak na ang baby." Tila natutuwa pa ito na makita siyang umiiyak. Mukhang hindi naman ito naaawa sa kanya. Hinawakan nito ang braso niya at sinipat iyon. Gamit ang bulak, inalis nito ang mga dumikit na alikabok sa mga galos niya sa braso at siko.

"Tumingin ka sa 'kin, Miliza," utos nito. "Marami akong nunal sa mukha, bilangin mo. Meron pa akong malaking nunal na nakatago, hanapin mo. 'Pag nahulaan mo kung nasa'n 'yon, bibigyan kita ng premyo."

"Premyo?"

Tumango ito. "Chocolates."

Paborito niya ang chocolates. Hahanapin niya ang nunal nito.

"Ilang nunal na ang nakita mo?"

"Isa pa lang."

"Lima 'yan. Hanapin mo 'yong iba."

"Isa pa lang ang nakita ko—aray!" hiyaw niya nang maramdaman niyang kumirot ang sugat niya. Pinilit niyang bawiin ang bisig niya rito pero mahigpit ang pagkakahawak nito roon.

Nilinis nito ang sugat niya at paulit-ulit na hinipan hanggang sa nabawasan ang sakit, pagkatapos ay pinahiran nito iyon ng betadine. Humihikbi pa rin siya nang matapos ito.

"Ang dami ng luha mo," sabi nito. Nakatingin ito sa mukha niya habang hinihipan nito ang mga sugat niya.

Sinimangutan niya ito.

"Okay na. Safe ka na sa infection." Hinila nito ang upuan palapit sa upuan niya, pagkatapos ay pinunasan nito ang mga luhang naglandas sa mga pisngi niya. "Ang pula na ng ilong mo, o." Marahang pinisil nito ang ilong niya. "Sorry, ha? Huwag ka nang magalit sa 'kin. Kung hindi ko ginawa 'yon, hindi malilinis ang sugat mo." Inayos nito ang magulong buhok niya at inipit sa mga tainga niya ang mga hibla na tumabing sa mukha niya.

"Hindi naman ako galit sa 'yo," sumisinghot na sabi niya.

"Kung hindi ka galit, bakit hindi ka nagte-thank you?"

Saglit na tiningnan niya ito. Lalo itong gumuwapo at nagmukhang mabait nang ngumiti ito.

Niyakap niya ito. "Thank you."

Tumawa ito nang mahina. Niyakap din siya nito. "Friends na tayo?"

"Friends forever." Iyon ang madalas niyang marinig sa mga dalagitang kapitbahay nila kapag nakikipagkuwentuhan ang mga ito sa mga kaklase ng mga ito.

Bahagya itong kumalas sa kanya at direktang tumingin sa mga mata niya. "Gusto mo 'kong maging friend forever?"

Nakangiting tumango siya.

"Sabi mo 'yan, ha? Wala nang bawian." inilahad nito sa harap niya ang hintuturo nito.

Kumurap-kurap siya. Hindi niya ito maintindihan.

"Seal ng forever friendship natin," paliwanag nito. Kinuha nito ang kamay niya at pinagdikit nito ang dulo ng mga hintuturo nila. "Sumumpa ka na ako lang ang best friend mo forever."

Bumungisngis siya. Itinulak niya ang hintuturo nito.

Pinagdikit uli nito ang mga hintuturo nila. "Hindi puwedeng maghiwalay ang mga daliri natin hangga't hindi ka sumusumpa."

"Sige na nga," pagsang-ayon niya. "Ikaw lang ang best friend ko, promise!"

"Promise ko rin na aalagaan kita. Hindi ka na iiyak dahil hindi kita hahayaang madapa at masugatan. Kapag nasaktan ka habang wala ako, gagamutin ko ang lahat ng sugat mo pagbalik ko. Bubuhusan ko pa rin ng alcohol pero hihipan ko para hindi mo maramdaman ang sakit."

"Ang bait-bait mo pala..." Ngiting-ngiti siya habang nakatitig sa mukha nito. Magkadikit pa rin ang mga daliri nila. Namilog ang mga mata niya nang halikan nito ang magkadikit na dulo ng mga hintuturo nila. "B-bakit may kiss?"

"Seal ng vow ko," nakangiting sagot nito. Tila nakangiti rin ang mga mata nito.

"Ay, ako rin!" Ngumuso siya hanggang sa umabot sa dulo ng mga daliri nila ang mga labi niya. Hindi niya alam kung bakit kahit ngayon lang niya ito nakilala ay gusto na niyang maging kaibigan ito.

Natatawang pinindot ng hintuturo nito ang tungki ng ilong niya. "Ang cute-cute mo."

Bumungisngis siya. Hindi na niya sasabihin dito na bukod sa gusto niya itong maging kaibigan ay crush niya rin ito...

"Hi, Miliza!"

Bumilis ang tibok ng puso niya nang biglang lumitaw sa gate si Theo.

"Hindi ako puwedeng lumabas ngayon, eh. Binabantayan ko si Mommy kasi may lagnat siya."

Bumalik siya sa tapat ng gate nito. "Gano'n ba? Sige, alagaan mo ang Mommy mo," nakangiting sabi niya. Sapat na sa kanya na nakita niya ito nang araw na iyon.

"Ingat ka!" pahabol na bilin nito.

Nakangiting tumango siya.

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon