26th Chapter

1.4K 42 4
                                    

PUMITO si Emil habang nakasilip sa bintana ng sinasakyan niyang Porsche. Nasa harap niya ang mataas na gusali kung nasaan ang opisina ng Turning Point. Nasa ika-dalawampung palapag iyon. Sa klase ng gusaling iyon, halatang bigatin ang nasabing magazine.

Nilingon niya si Kenneth na nasa driver's seat. Seryoso ito habang pina-park ang kotse niya. "Kenneth, I want a building like that." Ito kasi ang manager niya at ito rin ang humahawak sa mga kinikita niya sa bawat laban niya. Huminto na ito sa pagbo-boksing dahil hindi raw iyon ang passion nito.

"Gagawin mong keychain?" pambabara nito sa kanya.

Natawa lang siya. Kilala niya si Kenneth kaya alam niyang ang ibig nitong sabihin ay walang kuwenta ang gusto niyang mangyari. Nakakatuwa dahil magaling humawak ng pera si Kenneth, hindi gaya niya na gastador lalo na no'ng unang beses na nakahawak siya ng malaking halaga. Gano'n yata talaga ang mga taong unang beses na nakakatikim ng kaginhawaan – nagiging masyadong magastos. Aaminin niyang sabik din siya sa pera noon, pero dahil kay Kenneth ay natutunan niyang kontrolin ang sarili niya at nakakapag-ipon na rin siya ngayon.

Hinagis ni Kenneth ang shades niya. "Isuot mo 'yan. Ikaw ang nagpumilit na huwag magdala ng bodyguards, kaya ilayo mo ang sarili mo sa fangirls mo na parating handang lapastanganin ang puri mo."

Muli ay natawa siya. Bentang-benta talaga sa kanya ang mga biro ni Kenneth, kaya siguro tumagal ang pagkakaibigan nila. Sinuot niya ang shades niya at sinaklob din niya sa ulo niya ang hood ng jacket niya bago siya bumaba ng kotse.

Pagkatapos kausapin ni Kenneth ang mga receptionist nila ay may dumating agad na tao mula sa Turning Point para sunduin sila. Bading na writer yata ng TP iyon na nagngangalang "Brent." Nakakatawa ang itsura nito habang titig na titig sa kanya. At nang ngitian niya ito, bigla na lang itong impit na tumili.

"Naku, Sir, pasensiya na," agad na hinging-paumanhin ni Brent. "Ngayon ko lang kasi na-gets ang meaning ng killer smile. This way po tayo."

They walked across the building's lobby. No'n napansin ni Emil na may grupo ng press do'n. Natigilan sila sa paglalakad dahil nakaharang ang mga iyon sa mga elevator na gagamitin nila. Nagkatinginan sila ni Kenneth at sinenyasan siya nitong huwag magpapahalata. Pero taliwas sa inaakala nila, hindi siya ang habol ng mga iyon. When he looked further, napansin niyang may isang matangkad na lalaking pilit na ini-interview ng press.

Pero ang mas pumukaw sa atensiyon niya ay ang babaeng yakap-yakap ng lalaki. Hindi niya nakikita ang mukha ng dalaga dahil nakasubsob iyon sa dibdib ng binata, pero may kung anong pamilyar dito. Lalo na sa maalon nitong buhok. Somehow, he felt the urge to run his fingers through that long, wavy hair.

Napasinghap si Brent. "Ehmeged! Si Sir Echo..."

Pumito si Kenneth. "Wow. So, that's Echo Roque, huh? May eskandalo rin pala ang EIC niyo. Anyway, it's not safe for Emil to be near the press. Wala ba tayong ibang puwedeng daanan?"

"We can use the stairs, Sir," sabi ni Brent at naglakad na papuntang hagdan, pero panaka-naka ay binabalingan pa rin nito si Echo at ang kasama nitong babae.

"Kilala mo ba kung sino 'yong babaeng pinoprotektahan ng boss mo?" tanong niya kay Brent. "Mukha kasing nag-aalala ka sa kanya."

"Yes, Sir. Editor ho namin si Miss Sava, eh."

Bigla siyang natigilan sa paglalakad nang marinig ang pangalang iyon. Sa gilid ng mga mata niya ay nakita niyang natigilan din si Kenneth at napatingin sa kanya. Marahas na nilingon niya ang direksiyon ng press. Hindi pa rin makalakad si Echo at ang yakap-yakap nitong babae dahil sa mga nagpupumilit na press, na ngayon ay pinapaalis na ng mga guwardiya.

"Emil, saan ka pupunta?" narinig niyang tanong ni Kenneth pero hindi niya iyon pinansin.

Naramdaman niya ang mabilis na paggalaw ng mga paa niya papunta sa babaeng iyon na may maalong buhok, kasabay ng pabilis ding pabilis ng tibok ng puso niya.

Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya, at kung bakit parang may malakas na bagay na humahatak sa kanya papunta ro'n. All he knew was he needed to get to her.

Her... that woman could be Sava.

Pero habang palapit siya ng palapit ay unti-unti rin siyang bumalik sa huwisyo, lalo na ng marinig niya ang mga tanong ng media kina Echo at sa babae.

"Echo, totoo bang may relasyon kayo ng isa sa mga editor mo?"

"Ilang beses na kayong nagkitang magkasama sa iba't ibang lugar. Anong masasabi ng asawa mo tungkol sa pagiging malapit mo sa katrabaho mo?"

"Miss Monliva, hindi ba't kapatid mo ang dating aktres na si Mava Monliva? Nasa'n na siya ngayon? Anong masasabi niya sa sitwasyong kinahaharap mo?"

Miss Monliva.

Muling natigilan si Emil pero sa pagkakataong iyon ay dala na ng labis na panghihina. Tama nga ang hinala niya. Si Sava ang babaeng iyon. Dumako ang tingin niya kay Echo. May relasyon ito at si Sava kahit may asawa na pala ang tarantadong lalaki?

Hindi niya inakala na matapos ang maraming taon, muli niyang mararamdaman ang pagkawasak ng puso niya dahil pa rin sa babaeng naging dahilan ng pagkabigo niya noon.

"Sava..." Napalakas yata ang pagkakatawag niya sa dalaga dahil napatingin sa kanya ang ilang reporter. Mukhang nakilala agad siya ng mga ito dahil bigla-bigla ay siya na ang inuulan ng tanong ng media.

Palingon na sa kanya si Sava nang may kung sinong humila sa kanya kaya nawala sa dalaga ang atensiyon niya. Si Kenneth iyon na pilit siyang kinakaladkad palayo sa press na ngayon ay sa kanya na nakabuntot.

"Ano ba kasing nasa isip mo at lumapit ka ro'n?" galit na tanong ni Kenneth sa kanya, saka nito sinigawan ang mga guwardiya ng "walang silbi" dahil hindi mapigilan ng mga ito ang mga reporter na nakasunod sa kanya.

Pero ng mga sandaling iyon, pakiramdam ni Emil ay nakalutang siya sa kawalan. Muli niyang nilingon ang direskyon ni Sava. Nakita niyang nakasakay na ito sa elevator kasama si Echo. Tumakas marahil ang mga ito nang siya na ang pagkaguluhan ng press.

Naramdaman yata ni Sava na may nakatingin dito kaya lumingon ito sa direksiyon niya. Halos nabingi siya sa lakas ng tibok ng puso niya nang sa wakas ay magtama ang mga mata nila. Halatang nagulat ito nang makita siya, gaya ng pagkabigla niya kanina.

Pakiramdam niya ay biglang bumagal ang ikot ng mundo. Binawi niya ang braso niya mula kay Kenneth at muli siyang pumihit paharap sa direksiyon ni Sava nang makita niya itong humakbang palabas ng elevator. Handa na sana siyang salubungin ito pero paghakbang niya paabante ay humakbang naman paatras si Sava hanggang sa mapasandal ito sa steel wall.

Unti-unting sumara ang pintuan ng elevator pero hanggang sa huling segundo ay nanatili silang magkatitigan ni Sava. Gayunman, wala nang kumilos para tawarin ang distansiya sa pagitan nila.

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now