Chapter 6

6.6K 235 8
                                    

Napatalon si Maximus mula sa terasa ng kaniyang inuupahang bahay patungo sa bahay ni Bemery nang makita ang tatlong armadong lalaki na patungo sa bahay ng dalaga. Madilim na ng mga oras na iyon ngunit nakita pa rin siya ng mga ito at pinaputukan kaagad siya. Gumanti rin siya sa mga ito gamit ang kaniyang dalawang baril ngunit parang may suot yata na bullet proof vest ang mga ito at hindi man lang natakot. Napaisip siya. Isa lang ang ibig sabihin nito, nalaman na ng mga kalaban kung sino ang may hawak sa memory card na hinahanap nila. Lihim siyang napamura nang mabilis na nakailag ang mga ito at hindi man lang natamaan. Mabilis niyang tinadyakan ang bintanang salamin sa gilid ng bahay upang makapasok sa loob. Alam niya kasing naroon na si Bemery dahil nakita niya ito kanina. Nahiwagaan pa nga siya sa sarili noong una kung bakit gumaan ang kaniyang pakiramdam nang makita itong dumating.

Nakayuko siyang lumundag paloob ng bahay at bigla siyang napadapa nang magpaulan ulit ng bala ang tatlo. Natagpuan niyang may tama si Bemery sa balikat doon sa komedor at patakbo niya itong sinalo bago mabagok ang ulo nito sa sahig kasabay niyon ay ang pagganti niya sa isang armado na nakasunod na pala sa kaniya. Tinamaan iyon at bumulagta. Dali-dali niyang pinunit ang dulo ng kaniyang tshirt at ginamit ang telang nakuha doon bilang tali sa balikat ng dalaga upang mabawasan kahit konti ang pagdaloy ng dugo mula doon. Pagkatapos niyon ay kinarga niya ito at dali-daling lumabas ng bahay gamit ang pintuan nito sa kusina.

"Shit!"

Napamura siya ng makitang lumalakas ang daloy ng dugo mula sa balikat nito. Maging ang kaniyang suot ay puno na rin ng dugo. Doon na siya sobrang kinabahan. Halos paliparin na niya ang kaniyang motorbike na pinapatakbo lamang niya gamit ang kaliwang kamay dahil yakap ng kanan niya ang katawan ng dalaga.

"Bem...hold on...please..."

Ilang saglit ang lumipas at nakarating siya sa pinakamalapit na ospital. Kaagad na isinugod sa emergency room ang dalaga. Mabilis rin itong dinaluhan ng mga nurses at doctor na naroon ng mga sandaling iyon nang makita ang kritikal na tama nito. Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Maximus ng mga sandaling iyon. Naramdaman niyang nanginginig ang kaniyang mga laman nang makita kung paano ito dali-daling kinabitan ng oxygen ng isang nurse na naroon. Maya-maya ay isinakay na ito sa stretcher at patakbong isinugod sa operating room.

"Dok, what is happening?" paasik na tanong niya sa doctor habang tumatakbong nakasunod dito.

"Mapanganib ang sobrang pagbleeding ng pasyente mo. Kung nahuli ka lang ng ilang sandali, baka hindi na ito humihinga dahil sa mabilis na pagbaba ng blood oxygenation levels niya."

Parang nabingi ang binata sa narinig. Naiwan siyang natutulala kasabay niyon ang pagsara ng pinto ng operating room.

"Sir, dito na lang po kayo." narinig niyang wika ng isang nurse. Nakuyom niya ang kaniyang palad.

Wala sa sariling napaupo siya sa plastic chair na nasa labas ng silid na iyon. Sapo ng kaniyang dalawang kamay ang kaniyang mukha at nakatukod iyon sa kaniyang mga tuhod. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at lihim na nag-usal ng panalangin.

"Excuse me sir..." Napapitlag si Maximus nang marinig iyon. Kaagad siyang nag-angat ng tingin at tumayo.

"Sir, masyadong maraming dugo ang nawala sa pasyente ninyo. Kailangan na siyang abonohan ng dugo ngayon kaso wala kaming stock ng type A positive eh."

"What? Anong klaseng ospital ba 'to?" Humulagpos ang galit ng binata sa narinig. Bigla ang pagsalakay ng kaniyang inis sa tatanga-tangang ospital na ito.

"Baka may kamag-anak kayo sir..." parang naupos ang nurse sa lakas ng kaniyang boses. Hindi sumagot ang binata at sandaling tumalikod. Pagkaraan ng ilang sandali ay humarap uli ito.

Love To The Max ( An Action-Romance Story)Where stories live. Discover now