Paglalim ng Gabi'y Napuno ng Minsan

1.8K 22 0
                                    


Paglalim ng Gabi'y Napuno ng Minsan
by Ly Chasen

Ni minsan kaya,
naligaw ka rin sa wall ko?

Tutal kahit papa'no,
kilala mo ako
bilang ang babaeng may gusto sa 'yo.
Ni minsan kaya,
naisip mong tingnan
kung active pa ba ako?
'Yung adik na 'di lang isa,
kundi maraming beses na nag-confess sa 'yo.

Ni minsan ba,
napadaan ako sa isip mo
kahit wala akong halaga?
Ni minsan ba,
hinanap mo ang presensya ko
kasi kahit paano'y napangingiti kita?
Ni minsan ba,
nagtaka ka
kung ba't ako biglang nawala?
Kung bakit naglaho
na parang bula?

Kahit minsan lang,
napagtanto mo kayang
pwede namang ako nalang?
Kasi sa puso ko
alam mong ikaw ay may puwang.

Minsan lang sa buhay mo--
kahit minsan lang ako,
tapos siya 'yung madalas.
Minsan lang sa buhay mo--
kahit minsan lang,
isipan mo ay aking nalandas.
Minsan lang sa buhay mo--
kahit minsan lang,
at hindi hanggang sa buhok mo'y
isa-isa nang malagas.
Minsan lang sa buhay mo--
kahit minsan lang,
at hindi umabot sa iyong pagkaagnas.

Minsan; gaano kadalas ang minsan?
Hanggang saan aabot
ang dulot nitong kasiyahan?
Hindi walang hanggan; ang minsan
ay may hangganan.
Pait
ang kabayaran.

Marahil ay makabubuti na rin sa parte ko
na wala manlang ni minsan.
Minsan
na pwede kong asahan.
Asahan
at sa huli'y mabigo
kaya't masasaktan.
Masasaktan
katulad ng kasalukuyan kong nararamdaman.

Nasasaktan
kasi habang iniisip ko
kung ni minsan ba ako'y iyong napansin,
Iniisip mo
kung bakit hindi ka niya magawang lingunin.
Nanghihina habang pinapangarap na ni minsan pagbabalik ko'y iyong hilingin,
Pinapangarap mo naman
na ikaw din ay kaniyang mahalin.

Ni minsan
ay hindi naging pareho
ang nararamdaman natin sa isa't-isa.
Kung pareho ma'y
alay mo ang iyo
sa kabilang banda.
Ni minsan
ay walang minsan
na nabigyan mo ako ng minsan.
Kasi wala akong puwang.
Puso mo'y
siya ang tanging nilalaman.

Angel in DisguiseWhere stories live. Discover now