Nakaw na Sandali

14.3K 118 4
                                    


"Mga nakaw na sandali
Mga sandaling
   puno ng pighati
Masilayan lamang
   ang iyong mga ngiti
Damdamin ko
   ay hindi ko rin mawari.
Hahaha!
Nakakatawa.
Bakit ko nga ba ito nadarama?
Gayong matagal na kayong nagsasama
Kayo
   ng babaeng lubos mong sinisinta
Kitang-kita
   sa iyong mga mata.

Oo,
   alam ko.
Alam ko
   kung anong meron kayo
Halos ipagsigawan niyo 'yun sa mundo
Kaya't hindi ko alam
   kung ba't nadarama ko parin ito.
Bakit iniisip kong hindi ka masaya?
Gayong namumutawi iyong ngiti
   sa tuwing kasama mo siya.
Bakit iniisip kong binabalewala ka niya?
Gayong matalino ka
   at hindi ka naman siguro
      tanga.
Ewan.
Siguro'y lumilikha ako ng sarili kong pinaniniwalaan
Kasi hindi ko maiwaksi ang katotohanan
   na sa iyo
      ay mayroon akong nararamdaman.
Oo.
Mayroon ako sa iyong nararamdaman
Na hindi malalaman
   ng kahit na sino man
Na mananatiling lihim
   magpakailanman
Pagka't ito
  ay walang patutunguhan.
Walang patutunguhan
   kasi hindi mo ako magugustuhan
   kailanman
Kaya't palihim nalang kitang pagmamasdan
Habang hindi pa nakatingin
   ang iyong kasintahan
Habang may ngiti ka pang maitatapon
   ng pandalian
Panandalian.
Ngiting hindi ako ang dahilan
Ngiti.
Mga nakaw na sandali
Kasalanang
   sa tiwala ay babali
Hindi.
Hindi maaari.
Maaari.
Oo,
   maaari
Maaaring mawala
   koneksyong kakaunti
Ayoko.
Kaya sige
   magpakatatag kayo.
Hindi ko nais na sabihin ito.
Masakit.
Masakit sa loob-loob ko.
Pero
   ayokong masira
      ang pangalan ko sa'yo
Ayos lang ako.
Tama.
Ayos nga lang ako.
Ayos lang akong tingnan kayo
At tahimik na mangarap
   na mapapasa'kin ka rin sa hinaharap
Mapapasa'kin ka rin.
Kung hindi ma'y
   siguro ayos lang din
Taimtim nalang akong mananalangin
Hanggang sa kahuli-hulihang liwanag ng bituin
Kaligayahan mo
   ang tangi kong hihilingin."

--- Ly Chasen

Angel in DisguiseWhere stories live. Discover now