Kabanata II

367 25 0
                                    

Nang magising si Millie sa higaan niyang dahon, wala ang karaniwang sigla sa katawan at mata niya.

Matamlay siyang umupo, naghanda para sa araw, at bumati sa mga kapwa dwende.

Bakas ang pagtataka kay Algo. Nang-uusisa ang tingin niya sa mga magulang ng kaibigan ngunit wala rin sa mga ito ang kasagutan. Tila hindi naman sila nawawatasan ni Millie.

Pagkakain ay dumiretso itong lumabas mula sa punso.

Umaga na. Nagsimula na sa kani-kaniyang mga gawain ang ibang mga dwende. Masagana ang ani ng mga pananim. Mainam para sa panahon na iyon.

"Hello, Millie!"

"Magandang umaga!"

"Tara, Kaibigan, laro tayo!"

Likas na palakaibigan ang mga kagaya nila. Ngunit sa umagang iyon, sadyang wala siya sa sarili.

Patuloy sa paglalakad si Millie, hindi iniinda ang paligid. Hanggang sa matumba siya sa kaniyang puwitan.

"Aray!" Tinaas niya ang tingin. Nabunggo siya sa mala-kalabaw na balat ng isang alan.

Nakatatakot ang tingin nito sa kaniya. Bilang isang dwende, para siyang langgam sa tabi nito. Kalahati man ng taas ng normal na bampira, mas lalo pa itong naging kakila-kilabot sa mga pakpak na kadikit ng braso nito.

"Millie! Mag-ingat ka naman! Pa'no kung matapakan kita?" bulalas ng alan. Malalim ang boses nito, nakasisindak.

"Sorry na, Tinc. Hindi kasi kita nakita," paliwanag niya nang kakamot-kamot sa batok.

Nagpatuloy sa gawain si Tinc. Nilalagay ang mga troso sa iisang lagayan.

"Nakita mo 'ko. Malalim lang talaga ang iniisip mo."

Hindi niya ito maipagkakaila. Alam niya sa sarili ang bumabagabag sa kaniya.

"Mauuna na 'ko, Millie. Kailangan ko pang dalhin ang mga ito sa mga walang hiyang mga pureblood na iyon. Ihahatid ko ang pagkain sa ibang mga alan. Pakisabi sa mga kapwa mong dwende, salamat."

Tumango siya.

Sa kanilang maliit na mundo sa kagubatan, ang mga kagaya niya ang namamahala sa pagkain. Pinoproteksyonan naman sila ng iba pang mga lahi.

O ayon ang akala niya, dahil ngayon ay hindi na siya sigurado sa kung sino siya.

"Millie!" Hinihingal si Algo nang makahabol sa kaniya. "Ang bilis mo!"

Tama. Mabilis nga siya.

"Bakit, may kailangan ka?"

"Aba, ang sungit mo naman yata! Si Chloe pa rin ba?"

Hindi na siya muling sumagot pa. Nagpatuloy siya sa paglalakad, walang direksyong tinatahak.

Habang papalapit sa puso ng kagubatan ay mas namamayani ang katahimikan. Hindi ito nakababalisang katahimikan. Mayroong bagay rito na nakapagpapagaan ng loob.

Kaya naman nailabas ni Millie ang kanina pang bumabagabag sa kaniya.

"Paano kung... itim na dwende pala ako?"

Suminghap si Algo, huminto sa paglalakad. "Paanong mangyayari 'yon? Ikaw ang piiiiinakamabait na dwendeng kilala ko!"

Narating nila ang isang lamang tubig. Sa katahimikan ay nanaig ang tunog ng paghampas ng tubig mula sa talon. Umaga man ay tila kumikinang ito dala ng linis nito.

Hindi ito nahahawakan ng mga taga-labas. Mula pa man noon ay pinoprotektahan na ito ng mga nilalang ng kagubatan.

"Hindi naman imposible."

Hindi nakasagot si Algo. Tanging ang panoorin si Millie ang magawa niya. Kita nito ang lungkot sa mga mata ng kaibigan.

"Mukhang may mga bisita ako a."

Halos mapatalon ang dalawang dwende sa hindi pamilyar na boses.

Biglang lumitaw ang isang lalaki sa gilid ni Millie. May mahaba at dilaw na buhok. Makinis na kutis at puting kasuotan. Mukha itong diwata.

"I-isang banwaanon?" malakas na bulong ni Algo na siyang nagpatawa sa misteryosong lalaki.

"Tawagin ninyo akong Castiel."

"Panginoong Castiel?" alay ni Millie.

Ngumiti lamang ang banwaanon.

"Kailangan mo ba ng payo, munting kaibigan?" tanong nito sa babaeng dwende na muling nagpabigla rito. "Bakas ito sa 'yong mukha."

Nagbaba ng depensa si Millie, bumagsak ang mga balikat at bumuntong hininga.

"May masama akong nagawa sa kaibigan ko. Hindi ko naman sinasadya at alam kong alam niya 'yon at okay na rin naman siya pero... natatakot lang naman kasi ako na baka maulit tapos mas malala sa susunod."

"Bakit sa tingin mo may mga dwende? Bakit may kagaya ko, mga taong lobo? Kasi bawat isa sa 'tin ay may papel na dapat gampanan. Alam kong alam mo sa sarili mo kung saan ka nararapat, Millie."

Nanlaki ang mga mata niya sa pagbanggit ng pangalan niya. Hindi naman niya kinontra ang sinabi nito at sa halip ay pinagnilayan ang bawat salitang binitiwan nito.

"Kailangan ko pa ng oras."

Ngumiti si Castiel. "Na sa 'yo ang desisyon, Kaibigan."

"Mas magiging simple sana ang lahat kung nakasama tayo sa migrasyon ng mga ada," singit ni Algo. "'Yon ang pangarap ng bawat nilalang sa kagubatan na 'to."

"Simple, oo," tugon niCastiel. "Pero ang ilan sa atin ay hindi ang mamuhay nang simple ang hanap.Hindi ba, Millie?"

Bad Blood: MetamorphTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon