Kabanata VII

295 39 3
                                    

NATATANDAAN ni Chloe ang gusaling nasa harap niya ngayon habang nagtatago sa madilim na eskinita. Nanggaling na siya rito nang dukutin ni Margeau ang kaniyang matalik na kaibigan na si Millie.

Pinanood niya kung paanong dumiretso si Oswald sa entrada nito na parang nakagawian na niya ang magpunta rito. Problema naman ngayon ni Chloe kung paano makapapasok lalo pa't may dalawang guwardiya rito na nagpapalakihan ng mga katawan.

Nangungunot na ang noo niya nang mahagip ng kaniyang mata ang isang pamilyar na mukha. "Josh!" tawag niya rito at sa isang iglap ay nasa tabi na siya nito.

"Woah! Ginulat mo naman ako!" nakahawak sa dibdib na pahayag nito.

Ngumiti si Chloe at niyakap ang braso ng binata. "May photo shoot ka?" pasimple nitong usisa habang ginigiya ang kaibigan papasok sa loob na nakatingin sa kaniya na parang may sira siya sa ulo.

Nang nasa loob na ay kaagad bumitiw si Chloe sa pagkakakapit dito na halatang kinadismaya nito. "Problema mo?"

"May kilala kang Oswald Riley?" muling pagbubukas niya ng konbersasyon habang inaaral ang paligid.

Malamlam ang ilaw na nanggagaling mula sa aranya. Kulay ginto hindi lang dahil sa pintura, kung hindi pati na rin sa pumapaligong ilaw, ang paligid. Nakahilera ang mga kulumna sa gilid ng daanan at pumapagitna sa mga ito ang iba't ibang uri ng sining gaya ng iskultura at mga plorera.

"Sir Connor?" sabad ng babaeng eskribyente. "Naghihintay na po sila sa taas."

"Kung ano man 'yang kalokohang pinaplano mo," umiiling na bulong ni Joshua sa dalaga, "Sumunod ka na lang."

Palihim namang napangiti si Chloe. Dinala siya sa ika-siyam na palapag ng lalaking bampira. Kaagad silang sinalubong ng glamorosong mundong ginagalawan ng binata. Kung akala niya'y nasanay na siya sa atensyon, hindi siya naging handa sa mga ilaw na nanggagaling sa iba't ibang direksyon, sa ingay na pumapalibot sa kaniya, sa kabuuang sensasyong dala ng paligid.

Tila inaatake ang kaniyang diwa, higit pa sa pakikipag-isa sa kaniyang nobyo. "Thanks, Sab," anas niya.

"Ano 'yon?" ani Joshua.

Bago pa man siya nakasagot ay nahila na ang kaniyang kasama sa gitna ng silid kung saan nakatutok ang atensyon ng lahat na naroon. Inayos ang buhok nito, nilagyan ng kulay ang kaniyang mukha, at tinatapatan siya ng iba't ibang damit upang makita ang babagay sa kaniya.

Ngunit parang bata ito kung bumungisngis kay Chloe, natawa na lamang siya.

Aalis na siya upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Oswald. Humanap siya ng pagkakataon na maging abala ang kaibigan saka tumalikod para pumuslit. Ngunit napaatras siya nang biglang pumasok ang grupo ng mga lalaking may bitbit na malaking kahong nakabalot sa puting tela.

Tuluyan siyang natigilan sa pag-asulto ng pamilyar na amoy ng karagatan.

Bagama't huminto siya, hindi tumigil ang oras para sa kaniya. Dumiretso ang mga lalaki sa gitna ng silid, katabi ng entabladong kinatatayuan ni Joshua.

Nang tanggalin ang puting saplot ay nanlaki ang mga mata ni Chloe sa nakita; isang naligaw na sirena. Si Elena.

Namumutla ito. Namamayat. Walang buhay ang mga matang nakatulala sa kawalan.

Muntik nang bumigay si Chloe at lumapit dito—muntik nang makalimot sa tunay niyang pakay kung hindi niya naramdaman ang presensya sa malapit.

Pumikit siya, nagpanggap na walang nakita, saka hinanap ang direksyon ni Oswald sa sulok na tahimik na nagmamasid.

Nang magtama ang mga mata nila ay huli na para makatakas ang lalaki. Malakas ang pwersang humampas sa kaniya sa pagdating ng pureblood. Tumama ang kaniyang likuran sa dingding habang ang kaniyang lalamunan ay naiipit ng braso ni Chloe.

Bad Blood: MetamorphTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon