Kabanata XXIII

185 35 3
                                    

"Sabrina, maghugas ka na ng mga plato, anak," utos ng isang manang. Ang mukha niya'y may mga adornong linya dala ng edad at ang buhok ay nakapusod sa likod. Nangayupapa ang suot niyang bestida na napaglumaan na rin ng panahon.

Tumayo si Sabrina mula sa pagbabasa ng libro at sumunod dito. "Wala na naman si Papa," komento pa nito nang madaanan ang ginang.

"Kasama no'n si Tito Roland mo. Sinasanay nila 'yong mga... alam mo na. Hindi ka pa nasanay."

Habang sinasabunan ang mga plato ay napa-buntong hininga siya. Sinilip niya ang keyk na inihanda ng kaniyang ina para sa kaniyang kaarawan. Bakit nga ba hindi pa siya nasanay?

Nang isagawa ang eksperimento sa kapatid niyang si Tristan noong ilang buwan pa lamang ito sa mundo ay halos hindi na niya ito nakita't nakasama. Lumaki ito kasama ng ibang debonair, na nag-resulta mula sa pag-aaral sa katawan ng kaniyang ama. At bilang kakaiba kaysa sa normal na tao, minabuti nina Anderson na ilayo ang mga ito.

Mas malaki ang porsyento ng pagtatagumpay ng mga sumunod na eksperimento ni Zachary Pierce kapag mga bata ang gamit. Dahil dito, sina Anderson at Roland lamang ang matatandang debonair.

Ngunit kasabay rin ng pagdala kay Tristan sa ibang tahanan ay ang paglayo ng loob ng dalawang lalaki sa pamilya.

Bagamat noong mga bata sila ay nakakalaro pa niya ang kapatid at madalas pa itong tuksuhin, nag-iba na ang ihip ng panahon ngayong nag-dalaga at binata na sila. Bawat pagsasanay ay mas seryoso, buhay ang nakataya. Wala nang panahon sa mga laro. O kasiyahan.

"Bakit kasi si Tristan pa? Bakit hindi na lang ako?"

"Ano 'yon, Anak?"

Nabigla siya. Hindi niya akalaing masasambit ang mga hinaing ng kaniyang puso. "Wala po..." mahina niyang tugon dito.

Nang maka-sigurong tulog na ang ina, nag-pasya siyang bisitahin ang bundok na pinagsasanayan ng mga ito dala ang isang plato ng handa niya sa araw na iyon.

Tahimik nang gabing iyon. Tanging mga kuliglig lamang na humuhuni sa tabi-tabi ang naririnig.

Pinagmasdan niya ang bilog na buwan at napatigil para hangaan ang kagandahan nito.

"Aking luningning." Lumabas ang isang matipunong lalaki mula sa kadiliman ng mga puno.

"Rowan, na sa'n sila?"

Ngumiti lamang si Rowan, iyong tipong ngiti na matipid ngunit malaman. Iyong ngiting nakalaan lamang para sa iisang tao. "Happy birthday nga pala." Inabutan niya ang dalaga ng pulang rosas.

Hindi niya alam na mayroong ganoon sa isla. Nag-init ang mukha niya hindi dahil sa hiya para sa sarili, kung hindi para sa binata. "Salamat." Tinanggap niya ang bulaklak. "Ngunit sinabi ko na sa 'yo, hindi ko maibabalik ang nararamdaman mo."

Naglaho ang ngiti ni Rowan. Kumamot siya sa batok. Ngunit kahit yumuko ay napansin ni Sabrina ang pagsasalubong ng mga kilay nito. "Ayos lang. Kaya ko namang maghintay."

"Hindi mo naiintindihan." Saglit siyang tumigil. Hindi niya gusto ang patutunguhan nito at sa araw na ito. Hindi niya rin gusto ang pagdidilim ng timpla ng mukha ni Rowan. "M-may iba akong mahal."

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari.

Ang pagbagsak niya sa lupa. Si Rowan sa ibabaw niya. Ang panglalaban niya rito habang pina-plantahan siya nito ng mga halik na labag sa kaniyang kalooban. Mga kamay sa kaniyang pulsuhan. Leeg. Tiyan. Hita. Dibdib.

Bad Blood: MetamorphTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon