CHAPTER NINE

2.6K 87 3
                                    

"USAP-USAPAN sa buong campus 'yong away n'yo ni Yelena," bungad sa kanya ni Page, paglapit nito.

Lunch break. Imbes na kumain ay mas pinili ni Ren na tumambay sa school garden. Simula sa klase hanggang sa mga sandaling iyon, wala na siyang inisip kung hindi si Yelena. Sinubukan niya ulit itong kausapin, pero umiiwas talaga sa kanya ito. She's mad at him. At kilala niya si Yelena kapag nagagalit, matigas ang puso nito at matatagalan bago siya kausapin. Hindi na mahihintay ni Ren ang ganoon katagal.

"Parang Koreanovela ah, love square!" sabi naman ni Aven.

"Love Square?" ulit niya.

"Oo, love square. Si Stefani, ikaw ang gusto. Kaya lang, ang gusto mo si Yelena. Kaso ayaw niyang maniwala na gusto mo siya dahil kay Stefani. Si Wil naman always to the rescue kay Yelena," paliwanag ni Yoon.

"Alam mo, Pare. Payong kaibigan lang, kung ako sa'yo, stop defending Stefani. Sabihin na natin na totoo na wala siyang ginagawa. Pero huwag mo siyang dedepensahan sa harap ni Yelena, kaya hindi naniniwala 'yong isa na mahal mo siya dahil palagi kang kampi kay Stefani," ani Makaio.

Bumuntong-hininga si Ren. Alam na niya iyon ngayon, ginagawa lang naman niya ang tama para sa isang kaibigan. Pero hindi niya namalayan na iyon din ang magiging dahilan para lumayo ang loob sa kanya ni Yelena.

"Saka totoo ba 'yong sinabi ni Yelena? Did you really kiss Stefani? Narinig ko pa na usapan ng ibang estudyante na kayo na daw ni Stef, dahil iyon daw ang sabi niya kay Yelena," tanong naman ni Adam.

"What? Sinabi ni Stefani 'yon?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Oo, narinig mismo ng isang kaklase ko na sinabi ni Stefani 'yon," sagot ni Adam.

"Damn!" inis na bulalas niya.

"Is that true?" tanong pa ni Makaio.

"Hindi! Of course, not!" mabilis na tanggi niya.

"Hindi mo ba narinig na sinabi 'yon ni Stefani kanina?" nagtatakang tanong ni Aven.

Umiling siya. "Ang nakita ko lang ay iyong sinadya ni Yelena na banggain si Stefani," sagot niya.

"Isa pa, alam n'yo naman na si Yelena lang ang gusto ko noon pa! At hindi pa rin nagbabago iyon, hanggang ngayon. Kinakampihan ko si Stefani dahil kaibigan ko siya! And I didn't kiss her, for goodness sake! She tried to kiss me, pero tumanggi ako. Kung may hahalikan man ako, si Yelena lang at wala ng iba," aniya.

Bumuntong-hininga si Ren. "Mabait ako kay Stefani, pinakikisamahan ko siya dahil ang pagkakakilala ko sa kanya ay mabait siya. Isa pa, she saved my life once, tumatanaw lang ako ng utang loob," sabi pa niya.

"Deal with Stefani later, dahil sa tingin ko, base sa mga kuwento sa akin ni Julianna. Mukhang may tinatago nga iyang babae na iyan," sabi ni Hajime.

"Dude, para saan pa na miyembro tayo ng Love Confessions Society kung hindi natin magagamit ito sa mga ganitong pagkakataon. Magaling tayo sa pag-obserba ng mga tao sa tuwing may misyon. Why don't we use that ability? If you want, we will investigate Stefani. Kapag napatunayan natin na totoo ang mga sinabi ni Yelena tungkol sa kanya, then malaki ang posibilidad na may kinalaman siya sa nangyaring sunog," suhestiyon naman ni Dawson.

Bumuntong-hininga siya. "Sige," pagpayag niya.

Napalingon si Ren kay Steven ng umakbay ito sa kanya. "Ang importante ngayon, paano mo mapapatunayan kay Yelena na siya nga ang mahal mo?" anito.

Love Confessions Society Book 1: Ren Cagalingan (UNEDITED) (APPROVED UNDER PHR)Where stories live. Discover now