IX- Freezing Confidence (Part One)

Magsimula sa umpisa
                                    

"Ah, eh... Salamat..." Nakaka-conscious man, pero hinayaan ko na lang iyon.

"Wow, iba na talaga ang famous," ratsada namang muli ni Cassy, at hindi ko na lamang siya pinansin.

Ngunit ang makulimlim na atmospera dulot ng panahon ngayong araw ay mas pinalamlam pa sa pagdating ni Sir Spencer na katulad ng dati, napakalamig pa rin ng kaniyang ekspresiyon sa mukha. Saka siya umupo sa sulok, nag-earphones at nanahimik.

At do'n naman nagsidatingan sina Sir Lysandre at ang dalawa pang mga EIC mula sa Onward! at Ang Parola.

"Pakilista na lang ang names n'yo para sa attendance," anunsiyo naman ni Miss Mitzi na nagpapasa sa amin ng kapirasong papel at saka ito fi-nill-up-an.

"By 7:30 AM ay aalis na tayo, kaya guys, galingan natin! Laban lang!" ani Angelica na siyang EIC ng Ang Parola na nagpa-motivate pa sa amin. Kung alas siyete y media ang alis namin, mukhang makararating na kami roon na mga bandang alas otso na.

Ngunit ang sinabing 7:30, 7:50 na nakarating ang school bus na may logo at pangalan ng USF na siyang maghahatid sa amin sa Raphaelio Colleges. Medyo malaki rin ito katulad ng isang standard na bus. Filipino time nga naman.

Pagkasampa ay umupo ako sa may bandang dulo, malapit sa bintana at nagpalumbaba habang nakikinig ng kanta sa aking headphones. Nagdasal pa muna ang lahat bago pinaandar ang bus at nagbigay ng kaunting paalala. Para tuloy kaming magfi-field trip, ngunit nasa San Fernando rin naman ang pupuntahan namin.

Habang nasa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, abala naman sa pagkuha ng larawan itong si Cassy at niyaya pa akong makipag-selfie pa sa akin, kahit mukha akong timang sa litrato.

Ngunit mas mukha palang timang kaysa sa akin sina Klayton at Joenell na nagme-make-face sa bintana sa mga nadadaanang sasakyan. Pinag-uusapan pa nga nila ang paghahanap ng magagandang chicks sa Raphaelio Colleges--nagbabaka-sakaling maka-iskor--kaya patuloy ang hagikhikan nila; at dahil doon, sermon ang inabot nila kay Sir Yuzon.

Inalukan din ako ng tsitsirya ni Sir Lysandre ngunit tumanggi ako. Field trip nga talaga ang senaryo dahil sa iba't ibang mga aktibidades ng ilan kong mga kasamahang nasa loob ng bus.

Pero... iyon nga, napasandal na lamang ako sa kinauupuan ko. Naroon pa rin ang kaba... Naroon pa rin ang alinlangan ko sa sarili ko patungkol kahihinatnan ng kompetisyong ito.

---

Mala-school festival ang bumungad sa amin pagbaba ng sinasakyang bus sa may parking lot. Paano ay pinalamutian ng mga banderitas ang buong paligid ng Raphaelio. Naka-flash pa nga sa malaking LCD screen nila sa main gate ang WELCOME, CAMPUS JOURNALISTS!

Kung titingnan, mukhang mas malawak ang sakop ng USF kaysa sa paaralang ito, pero mas modernong tingnan ang architectural structure ng mga gusali.

"Guys, this is it, pancit!" Magkahalo ang kaba at excitement na nararamdaman ni Cassy na inaalog pa si Klayton, at habang dala-dala ang aming bag (pati na ang aking eyebags), tinatahak namin ang main lobby ng Raphaelio. Kanina pa nga niya ito sinasabunot. Sadista lang?

At iyon nga, kasabayan din namin ang iba ang mga contestant na nagmula pa sa iba't ibang paaralan sa buong City of San Fernando. Kaya iyon, naroon ang culture shock at para bang nasa iba akong mundo. Paano kung maligaw ako rito? Baka bihira lang akong makakita ng taga-USF. Nakakapanibago lang.

"Hinay-hinay ka naman diyan. Baka hindi na ako maging fresh nito sa pinanggagagawa mo," pagmamaktol ni Klayton na panay ang ayos ng buhok niyang nagmukhang binayo ng buhawi. "Press Con ito 'di ba? So I should look fresh today! See?" Nilakasan pa nga niya ang boses niya para marinig ng ibang tao ang punchline niya at lumingon-lingon pa nga't umaasa na may makaka-gets ng kaniyang joke.

The Graphophiles' Joint | Volume OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon