VI. Madarama ang Drama II

128 6 5
                                    


Mula nang mawala ang mga magulang ko iniwasan ko nang pumasok sa mga ospital.

Nakakaramdam ako ng kakaiba kapag nakikita 'to, at sa amoy palang na sumasalubong sa'kin pag pumapasok sa mga pinto nito, nahihilo at kulang na lang masuka ako; at ang kinakatakutan ko pa ay kapag nangyari 'yon, baka hindi na ko makalabas dito ng humihinga...kagaya nina Tatay at Nanay.

Naaalala ko pa 'yong gabi na mawala sila sa'kin: madilim at malakas ang ulan no'n. Hinihintay ko ang pagbalik nila sa isang handaan at pinangakong papasalubungan nila ako ng paborito kong pagkain. Sa biglang pagkidlat ng langit tumunog ang telepono at sinagot 'to ni Lolo Honesto. Ilang saglit lang ay nakita ko ang paglaki ng dalawang mata niya bago ibinaba ang receiver na walang salita at napatitig lang 'to sa bintana. 

Tinanong ko kung sino 'yon, pero dumaan ang ilang minuto bago 'to sumagot at ang nasabi niya lang,

"Sey...aalis tayo." 

At umalis nga kami, at sa punto na 'yon putol-putol na ang alaala ko. Hindi ko na maalala kung paano kami nakarating sa opsital at kung ano pa nangyari nung mga oras nandun kami sa loob.

Ang naalala ko lang ay ang amoy ng disenfectant, ang pagtayo ko sa isang tabi habang kausap ni Lolo ang mga pulis—na noon ay hindi ko alam kung bakit nandun sila—at ang mga ingay ng tao sa loob ng emergency room, pero kahit magulo ang paligid ang atensyon ko ay nakatutok lang sa isang doktor na papalapit sa'min, at naaalala ko pa ang malungkot niyang tingin na binigay sa'kin bago nito hinarap si Lolo. 

Naging mabilis ang pag-uusap ng dalawa at hindi ko na 'to narinig dahil sa ingay ng kuwarto, at pagkatapos nila hindi na nakapagsalita si Lolo. Lumipas na naman ang ilang minuto bago lumapit 'to, lumuhod sa harap ko, at sinabi sa'kin ang naging kapalaran ng mga magulang ko.


"Wala na sila, Sey."  


Naaksidente sila pauwi. Hindi na nakaabot si Nanay sa mga pinto ng ospital. Si Tatay sinubukan pang lumaban at hinanap daw ako nito, pero tuluyan na ring ipinikit ang mga mata niya—ilang minutong pagitan bago ang pagdating namin.

Mag-isang pinuntahan ni Lolo ang mga labi nila—ang mga labi ng nag-iisa niyang anak at manugang. Habang ako naman ay tahimik lang umupo sa isang tabi, walang nararamdaman nung mga oras na 'yon, at sa murang edad palang natuto akong lokohin ang sarili sa realidad. 

Inisip ko lang noon ay lalabas kami ni Lolo sa ospital kasama sina Tatay at Nanay, at sabay-sabay kaming uuwi sa tahanan namin kung saan masaya kaming kakain ng pasalubong nila para sa'kin. Pero, nung oras na lumabas kaming dalawa sa mga pintuan nito, doon na bumagsak ang mga luha ko kasabay ng pagbagsak ng katotohanan—ang katotohanang hindi ko na sila makakasama muli;


Ang katotohanang patay na ang mga magulang ko.


At ngayon, habang hinihintay naman si Lolo ang gumising, bumabalik na naman ang mga kinatatakutan ko—ang takot na magiging mag-isa na lang ako; ang takot na mababawasan na naman ang isang taong malapit sa akin; ang takot na marinig na naman ang mga salitang 'yon:


Wala na siya, Sey.


"Ms. Lafuente?"

Napatingin ako sa nars. Ngayon ko lang napansin nasa chapel kami ng ospital. Mula nung umaga hindi ako mapakali sa kakahintay sa pagising ni Lolo Honesto. Dinala ako siguro dito ng mga paa ko para kumalma, at para na rin sabihing hindi ako nag-iisa.

The Pres. & IWhere stories live. Discover now