What Ifs...

327 61 10
                                    

What Ifs . . .

"Aimee ko!"

Napalingon ako sa taong sumigaw at nakita ko ang isang lalaking tumatakbo patungo sa direksiyon ko. Kumakaway siya habang nakangiti. Punong-puno ng pagmamahal at kasiyahan ang kanyang mga mata. Iba talaga kapag in love.

Itataas ko na sana ang kamay ko upang kawayan siya pabalik pero bigla niya akong nilagpasan. Sinundan ko siya ng tingin at nakita ko na lumapit siya sa isang babae. Sinalubong naman siya ng yakap ng babae, pagkatapos ay nagtitigan silang dalawa habang nakangiti. Ang saya nilang pagmasdan. Nakikita ko na mahal na mahal nila ang isa't isa. Ang sweet.

Iniwas ko na ang paningin ko sa kanilang dalawa, yumuko, saka pinunasan ang magkabilang gilid ng mga mata ko. Isang eksena na naman mula sa nakaraan ang nakita ko. Muli kong itinaas ang ulo ko saka ngumiti. Ngumiti ako kahit na sa loob-loob ko'y nasasaktan ako. Dito naman ako magaling, e—ang magpanggap na masaya kahit na hindi.

Huminga ako nang malalim at pinagmasdan ko ang buong parke. Nandito 'ko sa parke na nasa loob ng subdivision na aming tinitirhan. Wala pa ring pagbabago ang parke, sampung taon na ang nakalilipas mula nang huli ko itong makita pero hanggang ngayon ay maganda at malinis pa rin ito. Kung meron mang nagbago, 'yon ay ang mas gumanda, umayos, at luminis pa ito. Mabuti pa 'tong parke, gumanda. E, 'yong relasyon namin? Ayon, nga-nga.

Naupo muna ako sa isang upuan at pinagmasdan ang papalubog na araw. Mabuti pa ang araw, kahit na lumulubog tuwing hapon, siguradong lilitaw pa rin sa umaga. E, 'yong relasyon namin? Simula noong lumubog ito ay hindi na uli lumitaw.

Napanguso ako. 'Yong totoo, puwede ko na bang palitan si Angelica Panganiban sa pagiging hugot queen?

Habang pinagmamasdan ko ang paglubog ng araw ay hindi ko na napigilang alalahanin ang mga araw na kasama ko siya—si Michael, ang lalaking hinihiling ng mga babaeng mahihilig humugot. He was my childhood best friend, first crush, first love, first boyfriend, and my knight in shining armor. Second year high school nang maging kami at dahil magkakaibigan ang mga magulang namin ay hindi sila tumutol sa relasyon namin. Isa pa nilang katwiran noon ay kabataan na kami, normal lang na maranasan namin ang mga ganoong bagay.

Maganda ang naging relasyon namin ni Michael. Maraming estudyante ang naiinggit sa amin dahil perfect couple raw kami. Relationship goals nga raw ang relasyon namin.

Walang nagbago sa amin ni Michael kahit na naging mag-jowa na kami. Sweet, laging nag-aasaran, tinuturuan ko siya sa academics at tinuturuan naman niya ako na maglaro ng mga sport. Akala ko ay mananatili na kaming ganoon. Akala ko ay panghabambuhay na kaming mag-aasaran, pero hindi ko naalalang walang permanente sa mundo. Lahat ay nagbabago.

One day, kami ang nag-aasaran. The other day, sumali ang tadhana sa pag-aasaran namin. And in the end, napikon kami.

First year high school pa lang kami ay varsity na ng basketball si Michael. Nang mag-fourth year kami ay siya na ang naging team captain kaya naman naging sobrang busy siya. Nabawasan ang oras niya sa relasyon namin. Kahit weekend ay hindi ko na siya nakakasama. Bumabawi naman siya tuwing may libre siyang oras pero hindi naging sapat sa akin 'yon. Hindi ako nakontento sa mga ginagawa niya para sa akin.

"Aimee, do we have a problem? Nandito nga ako sa tabi mo pero hindi mo naman ako pinapansin. Tumakas lang ako sa practice kaya please? Pansinin mo naman ako," panunuyo ni Michael.

"So isinusumbat mo pa sa akin 'yang pagtakas na ginawa mo?" walang ganang tanong ko.

"What? No! Its just that, I don't understand why you're ignoring me. Kapag nagkukulang ako sa oras sa date natin, nagagalit ka. Kapag gumagawa naman ako ng paraan, hindi mo naman ako pinapansin. Hindi ko na maintindihan, Aimee."

Ramdam na ramdam ko ang frustration ni Michael. To be honest, hindi ko na rin maintindihan kung ano ba'ng gusto kong mangyari sa relasyon namin. Para bang . . . nawawalan na ako ng gana.

"See? You're doing that again. You're ignoring me. Ano ba, Aimee? Hindi ko na alam kung ano'ng dapat kong gawin para makabawi sa 'yo. I'm doing everything para lang makabawi sa mga kasalanan ko noon, para makabawi sa mga araw na nawawalan ako ng oras sa 'yo. Pero tingnan mo—"

Huminto siya sa pagsasalita kaya napatingin ako sa kanya.

"Let's break-up."

"A-ano?" Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko inaasahang sasabihin niya 'yon.

"I'm tired, Aimee. Pagod na ako sa pambabalewala mo. I'm doing everything for you . . . Tumatakas ako sa practice namin, nagsisinungaling ako kay Coach na may sakit ako para lang makapag-date tayo. I'm buying you gifts, I'm doing surprises for you, pero ano'ng ginagawa mo? You're ignoring my calls, my chats, my texts!"

"Michael . . . n-no . . . S-sorry, hindi ko—"

"Let's end this, Aimee. Let's break-up. Pagod na ako sa paghahabol sa isang tao na pilit lumalayo sa akin."

At dito sa mismong parke na 'to natapos ang relasyon naming dalawa.

Lumipas ang ilang buwan, natapos na ang laban nila sa basketball. Humingi sa akin ng pangalawang pagkakataon si Michael, pero hindi ko siya pinagbigyan. Hindi dahil sa hindi ko na siya mahal, pero dahil noong mga oras na 'yon ay naghahanda na ako sa pag-alis. Nakakuha ako ng scholarship sa ibang bansa, sa pangarap kong university, at kung bibigyan ko ng pangalawang pagkakataon si Michael ay baka hindi ako makaalis.

Nakakainis! Kung kailan handa na siyang magsimula kaming muli at kung kailan maibibigay na niya sa akin ang buong oras niya ay saka naman ako aalis. Pero kagaya ng ginawa ni Michael ay pinili ko ang pangarap ko. Naisip ko noon, gaganti ako sa kanya. Pinili niya ang pangarap niya kaysa sa akin kaya gagawin ko rin 'yon sa kanya. Gusto ko siyang magsisi sa pagsuko niya sa akin noon.

Pero sa huli ay ako pa ang nagsisi.

Noong nasa ibang bansa na ako, naisip ko na hindi naman talaga ako sinukuan ni Michael. Ako ang unang bumitaw. Kung hindi ako nawalan ng gana sa aming relasyon, kung hindi ko siya binalewala, hindi naman niya ako susukuan. Hindi niya ako bibitiwan. Sinubukan kong makipag-ayos kay Michael kahit na nasa ibang bansa ako pero hindi ko na siya mahanap. Sinabi sa akin ng mama ni Michael na umalis din siya ng Pilipinas at ayaw niyang malaman ko kung nasaan siya. At hanggang ngayon, sampung taon na ang nakalilipas, ay hindi pa rin kami nagkikita.

Pinunasan ko ang mga luha ko. Akala ko ay naka-move on na ako kay Michael, pero hindi pa rin pala. Akala ko ay ayos na ako kaya ako bumalik ng Pilipinas pero bakit ngayong inaalala ko ang lahat ay masakit pa rin?

Napakarami kong tanong na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot. Paano kung inintindi ko si Michael noon? Paano kung hindi ako nawalan ng gana sa aming relasyon? Paano kung sinuportahan ko na lang siya sa pangarap niya imbis na magtampo sa kawalan niya ng oras? Paano kung hindi ko siya binalewala? Kami pa rin kaya hanggang ngayon? Masaya pa rin ba kami kagaya ng dati? Patuloy pa rin ba kaming mag-aasaran gaya ng ginagawa namin noong mga bata pa kami? Napakaraming tanong, pero alam ko namang hindi na 'to masasagot.

Kasalanan ko ang lahat. Kasalanan ko kung bakit ako nagkakaganito ngayon, kaya dapat unti-unti ko na lang tanggapin. Kailangan kong tanggaping hindi ko na maibabalik ang oras. Hindi ko na kayang baguhin ang mga nangyari noon. Kung ano man ang nangyari sa relasyon namin ni Michael ay habambuhay ko na iyong pagsisisihan.

Pinunasan kong muli ang mga luha ko at tumayo. Gabi na, kailangan ko nang umuwi. Maglalakad na sana ako pero hindi ko naituloy. Natigilan ako sa kinatatayuan ko at hindi ko maalis ang paningin ko sa taong nasa harapan ko. Halata rin sa mga mata niya ang gulat. Naramdaman kong muli ang mga luha ko na nag-uunahang bumagsak.

"Aimee . . ."

Muling bumalik ang mga tanong sa isipan ko. Paano kung hindi ako gumanti? Paano kung hindi ako umalis? Paano kung binigyan ko ng pangalawang pagkakataon si Michael? Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan, babaguhin ko ang desisyon ko. Babaguhin ko ang mga nangyari at hindi ko hahayaang mawala sa akin ang lalaking pinakamamahal ko. Hindi ko pakakawalan ang lalaking nasa harap ko ngayon.

"Michael . . ."

The Broken PlaylistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon