Operation: 'MJ' (21 to end)

Start from the beginning
                                        

“Natural,” nakangisi pa ring turing ng salarin, “d’yan sa ibabaw ng mesa.”

Ang mesa ay nasa dakong kanan ng pinto. Ang ibig sabihin ay matatalikuran ni Ramir ang kinauupuan ni Alipio. Tamang-tama sa kanyang balak. Kaya nga marahan siyang tumalikod at lumakad patungo sa kinalalagyan ng mesa. Bigla siyang umikot, inihagis ang tray ng pagkain, padapang tumalon sabay bunot sa sandata. Ilang ulit niyang kinalabit ang gatilyo.

Si Alipio naman, nang dahil sa pagkabigla, ay medyo nahuli sa pagkalabit sa gatilyo ng hawak na baril. Ang tatlong punlong nagbuhat sa baril ni Ramir ay tumamang lahat sa katawan ni Alipio. Punlo sa unang putok naman ni Alipio ang tumama sa kanang balikat ni Ramir.

Ang mga putok ng baril na iyon ang naging dahilan kung bakit patakbong sumaklolo ang dalawang pulis na nagbabantay sa labas. Nang makapasok sila ay nakita nila ang pagsipang ginawa ni Ramir sa hawak na sandata ni Alipio. 

Dinala si Alipio sa klinika ng barko. Doon siya nilapatan ng gamot. Sa payo ng duktor ay nanatili sila sa barko hanggang makarating sa Cebu. Inilipat si Alipio sa ospital doon ng isang araw bago pa pinayagang sumakay ng eroplano. Sa Maynila ay ipinasok siya sa ospital ng bilibid hanggang siya ay gumaling.

Si Ramir naman ay inihanda ang lahat ng kailangang ebidensiya sa pagkamatay ni Lery at Pepe. Matapos maihanda ay nagsampa ng panibagong habla laban kay Alipio. 

23

Mabilis na lumipas ang mga araw. Nalalapit na ang nakatakdang kasal ni Ramir at Maribeth. Palibhasa’y nag-iisang anak na babae, ay abala ang mag-asawang Magno at Anita sa kanilang paghahanda para lumuwas ng Maynila.

“Kailan ba natin dapat lumuwas?” Tanong ni Aling Anita sa asawa.

Binilang ni Mang Magno sa kanyang daliri ang mga araw na kailangan nila sa Maynila bago ang kasal. “Siguro’y dapat tayong lumuwas ng mga 27 ng Nobyembre,” wika niya matapos ang ilang sandaling pagkwenta. “Marami pa tayong aasikasuhin doon. Bibili pa tayo ng ireregalo sa kanila.”

“Oo nga pala.” Parang namalik-matang turing ni Aling Anita. “Regalo..., hindi pa natin napag-uusapan ang tungkol doon. Ano nga ba ang marapat nating ibigay sa kanila?”

Sandaling namag-itan sa kanila ang katahimikan. Nag-iisip sila. Si Mang Magno ang unang nagsalita.

“Ano nga ba ang naiisip mong ibigay?” Tanong niya sa asawa.

“Wala nga akong maisip eh..,” anang tinanong, “ano ba ang sa palagay mo ay marapat?”

Muling nag-isip ang matandang lalaki. “Siguro..,” aniya, “ay isang bagay na laging ginagamit.., ‘yun bang magpapagaan sa gawain ng ating anak.”

“Tulad ng washing machine?” Mungkahi ni Aling Anita.

Lumabi si Mang Magno. “Tiyak na kukuha sila ng katulong.., kaya bigyan mo man ng washing machine, ang katulong lang ang makikinabang.”

“Eh ano ang sa palagay mo ang dapat?”

“Bahala na! Pagdating natin doon ay tiyak na makakaisip tayo. Sa ngayon, ang dapat gawin ay kumuha ng tiket sa eroplano para matiyak ang ating pagluwas.”

Ganoon din ang nangyayari sa mag-asawang Teo at Julia. Pinag-uusapan din nila ang araw na dapat silang nasa Maynila para sa kasal ng anak.

“Ilang taon na ba ngayon si Ramir?” Tanong ni Mang Teo sa asawa.

Inirapan siya ni Aling Julia. “Anak mo ay hindi mo alam?” Banat nito at saka ipinagpatuloy ang ginagawang pagtitiklop ng damit. “Isipin mo na siya ang panganay nating anak,” patuloy nito, “at ipinagbuntis ko siya dalawang taon matapos tayong makasal.”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 18, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now