17
Agad naghain ng motion si Atty. Delgado para mabigyang ng piyansa ang kanyang klienteng si Speaker Salitre. Nguni’t ang motion ay tinanggihan ng hukuman dahil sa ang kaso ay may kasamang pagpatay. Hindi man si Speaker ang gumawa noon ay nasasakdal naman siya bilang mastermind ng plano.
Ang bagay na ito ay hindi kaila kay Solidad. Ngayon ay lalong nag-ibayo ang kanyang alalahanin. Nakakulong ang dalawang mahal niya sa buhay. Ang lahat ng iyon ay dahil sa kanyang pangarap na maging Unang Ginang. Para siyang maloloka sa tuwing sasagi sa kanyang isipan ang ibinunga ng kanyang mithiin. Ano ang dapat niyang gawin? Totoong malalim ang problema. Hindi niya maarok.
Isang bagay lamang ang pumasok sa kanyang isipan. Kailangang gawin niya iyon para mawakasan ang dinadalang suliranin. ‘Yun lamang ang isang bagay na dapat gawin para tuluyang mawala ang bumabagabag na ito sa kanyang pagkatao.
Kumuha ng pluma at papel bago lumapit sa mesa. Naupo at kasabay ng pagtulo ng luha ay sinimulan niya ang pagsulat.
Napagkasunduan ng magkasi na sa isang malapit na resort mag-weekend. Kaya ng umagang iyon, sa Lido beach sa Cavite, ay makikitang nagbabasaan ang dalawa ng tubig dagat habang naliligo.
“Sana ganito tayo habang buhay.” Tumatawang badya ni Maribeth.
Muling sinabuyan ng tubig ni Ramir ang dalaga. “Ang ibig mong sabihin,” tumatawa niyang wika, “kahit na walang kasalan, basta masaya tayo ay ayos na?”
Gumanti si Maribeth, ilang ulit niyang inihampas ang kamay para masabuyan ng tubig ang binata. “May kato ka rin, ano..,” aniya, “bakit mo iisiping ayoko ng kasalan, hindi ako lasing ano!”
Sinisid ni Ramir ang dalaga. At nang ito ay lumabas sa tubig ay kinabig si Maribeth at saka ginawaran ng halik sa labi. Nang sila ay maghiwalay ay saka nagsalita.
“Ilang taon na ba tayong magnobyo?” Tanong niya sa dalaga.
“Tingnan mo ito, kahit na ‘yon ay hindi alam.” Sa halip na sumagot ay turing ni Maribeth.
“Mahigit ng apat..,” ani Ramir, “pero hindi pa natin napag-uusapan ang tungkol sa pagpapakasal.”
Hindi kumibo ang dalaga. Minasdan lamang niya ang kasintahan.
“Siguro..,” patuloy ni Ramir, “ay ito na ang panahon para lumagay tayo sa tinatawag nilang tahimik na buhay. Ano sa palagay mo?”
Ngumiti si Maribeth. “Siryoso ka ba?” Tanong niya.
“Oo naman,” sagot ni Ramir at hinila ang dalaga sa pampang. “Maupo ka diyan, mayroon lang akong kukunin.” At nagpatuloy itong tumakbo patungo sa inupahan nilang silid.
Nang bumalik si Ramir ay lumuhod ito sa harap ng dalaga. Binuksan ang hawak na lalagyan ng sinsing at saka nagwika. “Will you marry me?” Pagkawika noon ay iniabot sa kasuyo ang sinsing.
Pumatak ang luha ni Maribeth sa katuwaan. “Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito.” May luha sa matang bulong niya. “Oo.., oo.., pakakasal ako sa iyo!” Hindi magkantututong dugtong pagkatapos.
Niyakap siya ni Ramir. “Salamat!” Wika nito at muling idinampi ang kanyang mga labi sa labi ng dalaga.
Sakay ng eroplanong patungo sa Palawan nang muling sumumpong ang sakit ng dating Pangulo. Malubha ang sumpong na ito na hindi napigilan ni Gabriel ang mapasigaw. Napatingin sa kanyang kinauupuan ang lahat ng pasahero. Maagap namang tumayo si Rosita at sinaklolohan ang kanyang asawa.
“Inumin mo ito.” Wika niya habang inaalis ang takip ng bote ng tubig na hawak.
Isinubo ng dating Pangulo ang iniabot na tabletas ng asawa at sinundan iyon ng paginom ng tubig. Dahil sa sakit na nadarama ay hindi napigilan ang pagpatak ng kanyang luha. Habag na habag si Rosita sa nakitang pamimilipit at pagkagat sa labi ng asawa. Umiiyak siyang tumingala at nanalangin. Yaon lamang ang alam niyang makatutulong sa kalagayan ng asawa.
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
