Operation: 'MJ' (13 to 16)

20 0 0
                                        

13

Dalawang van ang pumarada sa tapat ng mataas na bakod na pader ng isang lote sa Tundo. Bumaba ang ilang kalalakihang naka-jacket na itim na sa likod ay kinasusulatan ng katagang ‘PULIS’. Kasama ng mga iyon si Kardo. Lumapit sila sa tapat ng maliit na butas sa gate na bakal ng lote. Kumatok si Kardo tulad ng usapan nila ni Det. Lt. Ramir dela Serna.

Isang mata ang nakita ni Kardo nang mabuksan ang maliit na butas. Nang makilala siya ng sumilip ay narinig niyang nagtanong ito. “May kasama ka ba?”

“Wala!” Tanging sagot na narinig mula kay Kardo.

Nabuksan ang gate. At kasunod noon ay ang ginawang pagtulak at pagpasok ng ilang armadong pulis. Agad nagtaas ng kamay ang dalawang bantay sa gate nang makita ang nakatutok na baril sa kanila.

Pumasok na lahat ang may sampung armadong alagad ng batas na kasama ni Ramir. Inilibot muna ni Ramir ang kanyang paningin sa loob ng bakod bago nag-utos kung saan-saan dapat lumugar ang kanyang mga tauhan. Nang nasa pwesto na ang lahat at matapos maiposas sa gate ang dalawang bihag ay saka nito iniutos ang paglusob.

Lumusob ang mga pulis. Pinalibutan nila ang bahay. Ang hindi nila alam ay ang tungkol sa buton na ginagamit para magbigay babala sa nasa loob ng bahay. Ang butong iyon ay maaabot ng paa ng bantay na kanilang ipinosas.

Malapit na sila sa bahay nang bigla silang salubungin ng mga balang mula sa awtomatikong baril. Mabuti na lamang at lahat sila’y nakasuot ng bullet proof jacket kung kaya’t tumama man ang bala sa kanilang katawan ay wala namang nasawi.

Nagpagulong ang mga pulis hanggang marating ang bahaging malapit sa bakod kung saan mahihirapan silang patamaan ng namamaril. Ang iba namang nakarating sa gilid ay sumandal sa pader ng bahay. At mula doon ay unti-unting lumapit sa kinalalagyan ng pinto.

Gamit ang kanilang sandata ay pinaputukan ang seradura ng pinto at kasabay ang malakas na pagsipa. Nang mabuksan ay isa sa mga naroong pulis ang pabalentong na pumasok. Pagsapit sa loob ay tumayo at pinaputukan ang parte ng bahay kung saan naroon ang bumaril sa kanila. Isa pang pulis ang kasunod na pumasok at sa kabilang panig naman itinuon ang kanyang sandata. Pero hindi na niya napaputok iyon nang makitang nagtaas ng kamay ang kalaban.

Pumasok si Ramir at Rey, iniutos na posasan ang ilang lalaking nagsisuko. Ilang pulis ang patakbong nagtungo sa kusina. Wala silang dinatnan sino man kaya binuksan ang pinto sa likod at siniyasat kung may tao doon. Nang walang makita ay nagsibalik sa loob ng bahay.

Isa-isa namang binuksan ni Ramir at Rey ang pinto ng mga silid. Wala silang nakita sa dalawang naunang silid. Ang ikatlong pinto ay nakapinid, indikasyon na may tao sa loob. Kaya nagtig-isang panig sila ng pinto hawak ang kani-kanilang sandata.

Sumuko na ang iyong mga kasama,” sigaw ni Ramir, “kung ayaw mong mamatay ay buksan mo ang pinto at lumabas na nakataas ang kamay!”

Naghintay sila. Nang walang nangyari ay may ibinulong si Rey na pinayagan naman ni Ramir sa pamamag-itan ng pagtango. Umalis si Rey at makalipas ang ilang sandali ay muling sumigaw si Ramir.

Kung hindi ka susuko ay papasukin ka namin!”

At pinaputukan ni Ramir ang seradura ng pinto. Kasabay noon ay marami ring putok mula sa labas ang narinig na bumasag sa salaming bintana ng silid. Natulala si Alipio. Hindi niya malaman kung saan siya dapat gumanti, sa pinto ba o’ sa bintana. Nasukol siya.., sa kaliwa’t sa kanan sumulpot ang mga pulis. Kaya wala siyang nagawa kundi ang bitiwan ang tangang sandata at itaas ang dalawang kamay sa pagsuko.

Agad siyang pinosasan ni Ramir at inilabas ng silid. Isinama siya sa iba pang mga bihag.

“Kilala mo ba ang mga ito?” Tanong ni Ramir kay Kardo matapos ipunin ang mga bihag sa sala ng bahay.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now