Operation: 'MJ' (9 to 12)

24 0 0
                                        

9

Ipinarada ni Det. Sgt. Rey Ignacio ang kanyang sasakyan sa harap ng gate sa 73 Oroqueta Street. Ginawa niya iyon para kung sakaling naroon sa loob ang sadya nilang tao at nag-isip na tumakas ay wala itong madaraanan.

Ilang ulit na pinindot ng Sarhento ang buton ng door bell. Ilang ulit din siya sumilip sa pag-itan ng dalawang pohas na pintong bakal. Natanaw niya ang isang babaing lumabas sa pinto ng bahay. Nagmamadali itong nagtungo sa gate.

Ipinakita ng Sarhento sa babae ang kanyang tsapa nang mabuksan ang gate. “Nariyan ba si Mr. Alipio Coronel?” Tanong niya sa nagbukas ng gate.

“Ay, wala po siya.., umalis po.”

“Kailan.., kailan siya umalis?”

“Kangina lang po, siguro mga dalawang oras ang nakalilipas.”

“Alam mo kung anong oras siya babalik?” Muling tanong ni Rey.

“Ay hindi po siya babalik dito. Siguro po ay mawawala siya ng mga ilang araw.”

“Gan’un? Bakit mo nalaman? Sino ka ba?”

“Kasi po ay may dala siyang mga damit at kasama ang kanyang ampong bata. At pinagbilinan akong ako raw muna ang bahala dito sa bahay hangga’t siya ay wala. Ako po ang katulong dito.”

“Saan daw siya pupunta?”

“Ay, hindi ko po alam..., wala naman po kasing sinabi, eh.”

Namaywang ang Sarhento. Hindi siya makapaniwalang naunahan sila ni Alipio. Makaraan ang ilang sandaling pag-iisip ay saka nagsalita. “Pwede bang pumasok kami para lang tumingin sa paligid?”

“Sige po, gusto ninyo sigurong matiyak na wala nga siya dito.”

“Naniniwala kami sa iyo,” ani Rey, “kasi walang kotse dito sa loob. Talagang gusto lang naming tumingin sa paligid. Alam mo na, ibig lang naming masiguro na ikaw lamang ang tao dito na pwedeng pagtanungan tungkol sa kinaroroonan ni Alipio.”

“Ako lang pong talaga ang narito.”

At gayun nga ang nabatid ng tatlong pulis. Wala sila kasing nakita sinuman sa loob ng bakuran. Kaya nagpaalam sila sa katulong na babae.

Sa City Hall, magalang na lumapit at nagpakilala si Benji sa namamahala sa opisinang may kinalaman sa real property sa lunsod ng Maynila. Agad namang iniutos nito sa isang empleyada ang kailangan ng pulis, kaya matapos ang mahigit kalahating oras ay bumalik ito at sinabing wala siyang makita kundi ang bahay at lote sa 73 Oroqueta Street.

“Narito Tinyente ang kailangan mo.” Wika ni Benji at iniabot ang kapirasong papel na sinulatan niya sa impormasyong nakalap sa City Hall.

Kinuha ni Ramir ang iniabot na kapirasong papel na kinasusulatan ng report ni Benji.

“Mr and Mrs Gaspar Salitre,” ‘yun ang nabasa ni Det. Lt. Ramir sa iniabot na papel ni Benji, “walang ibang property sa lunsod.“ At sa dakong huli ay may nakasulat na malaking halaga. “Bakit may nakasulat ditong malaking halaga?” Tanong niya.

Tumawa si Benji. “Akala kasi nu’ng clerk na tumingin ay inaalam ko kung magkano ang halaga ng amilyar na hindi nababayaran ng may-ari.”

“Gan’un ba?” Tumatawang pakli ni Ramir. “Eh ano ang sabi mo?”

“Wala, hindi lang ako kumibo.”

Pag-alis ni Benji ay siya namang dating ni Det. Sgt.Rey Ignacio. Naupo ito sa harap ng mesa ni Ramir. “Wala tayong swerte,” wika niya nang ang Tinyente ay tumingin, “nakaalis bago kami nakarating.”

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now