Operation: 'MJ' (1 to 4)

125 1 0
                                        

Operation ‘MJ’ Nobela ni Virgilio R. Alvarez

1

Huminto si Ben de Castro sa pinto ng restaurant at inikot ang paningin sa loob. Nang makita ang hinahanap ay saka nagpatuloy na pumasok at pinuntahan ang mesang kinauupuan ng lalaking sadya.

Si Ben ay body guard ni Senate President Emilio Canete. Nagtungo siya sa restaurant na iyon dahil sa imbitasyon ni Det. Lery Montes ng Homicide Section ng Manila Police. 

Tumayo si Det. Lery nang makita ang paglapit ni Ben sa kanyang kinauupuan. Nagkamay sila at sa alok ng detektib ay naupo si Ben sa katapat na upuan.

“Kumusta?” Bati ng detektib matapos silang makaupo. “Mabuti’t pinagbigyan mo ang aking imbitasyon.”

“Oo,” Nakangiti nguni’t pormal na sagot ni Ben. “Naalarma ako sa sabi mong may kinalaman ito sa aking gawain.”

“Tama ka. Pero bago natin simulan ang tungkol diyan ay umorder muna tayo.” Wika naman ng detektib. “Ano ba ang sa iyo?”

“Kape lang.”

Kumaway si Ben at nang lumapit ang taga-pagsilbi ay humingi ng dalawang tasa ng kape. Nang makaalis na ang nagsisilbi ay saka nagsalita ang detektib.

“Inanyayahan kita dito dahil gusto kong malaman kung mayroon kang alam na pagtatangka sa buhay ni Senate President.” Wika ni Lery.

“Wala.., wala pang pagtatangka.” Sagot ni Ben. “Pero hindi nangangahulugang ligtas na siya. Marami kasing bagay na tinututulan siya bilang senador, at dahil doon ay hindi mawawala ang mga taong galit sa kanya.”

“Maaari bang sabihin mo sa akin ang mga bagay na tinututulan niya?” Muling tanong ng detektib.

Dumating ang taga-pagsilbi na dala ang isang tray na kinalalagyan ng kanilang hininging kape. Isa-isang ibinaba ang laman ng tray sa ibabaw ng mesa. At nang umalis ito ay saka lamang sinagot ni Ben ang katanungan ng kanyang kaharap.

“Unang-una ay yaong tungkol sa pagla-logging. Ang ibig niya ay magkaroon ng kontrol sa pag-i-issue ng permiso at higpitan ang pagpapasunod sa mga alintuntunin. Ang ikalawa’y may kinalaman sa weteng. Iginigiit niyang dapat itong mahinto. Nais niyang magkaroon ng isang task force na pamumunuan ng isang taong walang bahid ang record. Wala itong gagawin kundi ang pagsugpo sa nasabing sugal.”

Tinimplahan ni Det. Lery ang kapeng nasa harap niya. Mula sa tasa ay itinaas niya ang paningin at itinutok iyon kay Ben. “Ano ang dahilan at hindi nangyayari ang mga gusto niya?” Tanong nito sa kaharap.

“Dahil ang kanyang panukala ay hindi magkaroon ng sapat na boto. Marami ang tumututol sa di malamang dahilan.”

Dinala ni Lery ang tasa sa kanyang bibig. Pagkatapos uminom at maibaba ang tasa sa platitong pinapatungan ay tumango-tango. “Ganoon pala!” Usal na narinig mula sa kanya. “Talagang mahirap magkaroon ng pagbabago dito sa ating bansa.”

“Tama ka!” Ayon ni Ben. Uminom din ito ng kape bago muling nagsalita. “Pero bakit mo naitanong sa akin ang tungkol sa tangkang pagpatay?”

Dumukhang si Lery sa mesa para malapit sa kausap at mahinang nagwika. “May tip kasi akong naku...”

Hindi natapos ang sasabihin ng detektib dahil sa isang putok na umalingawngaw. Humaging ang bala kay Ben na naging dahilan kung bakit siya nagpatumba sabay bunot sa sandata. Alam niyang sa may pinto nagmula ang bala kaya’t doon niya itinutok ang kanyang baril. Natanaw niya ang tumatakbong lalaki palayo sa restaurant, kaya’t tumayo siya at humabol. Nguni’t huminto siya nang makitang sumakay sa likuran ng isa pang lalaki na nakaupo sa isang motorsiklo. Mabilis na tumalilis ang dalawa.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now