Operation: 'MJ' (5 to 8)

45 0 0
                                        

5

Sa NLEX, bago magdilim, ay isang cargo truck na patungo sa Maynila at may kargang buhay na baboy, ang hinarang ng isang kotseng sinasakyan ng apat na lalaki. Pinosasan ang driber at dalawang pahinante ng truck at saka pinasakay sa kotse. Umalis ang kotse. Nagpaiwan ang dalawang lalaki para sila ang mangalaga sa truck.

Kinabukasan ng hapon, matapos ang blessing ceremony na ginawa sa isang bagong bukas na restaurant sa Ayala, ay nagpaalam si Senate President Emilio Canete sa may-ari na kumumbida sa kanya. Ayaw pumayag ang may-ari dahil hindi pa sila kumakain.

“Huwag na,” tanggi ng Senate President, “marami pa akong gawain sa opisina, pagpasensiya mo na kami.” At tuluyan ng umalis ito kasama ang dalawang bodyguard.

Sa unahan ng sinasakyang van, katabi ang tsuper, naupo ang isa sa dalawang bodyguard ni Senator Canete. Si Ben de Castro, ang pinuno ng security detail ng senador, ay sa pinaka likod na upuan pumwesto. Sa harap niya naroon ang Senate President.

Nang malapit na sila sa tulay ng Gudalupe ay mayroong isang cargo truck na sumingit sa kanilang kaliwa. Nang ang unahan ng truck ay nasa tapat na ng Senate President ay biglang kinabig ng driber pakanan ang manubela. Salpok ang truck sa van. Sa lakas ng bangga ay nawalan ng malay ang lahat ng pasahero ng van. Dalawang tao ang mabilis na bumaba sa cargo truck at walang lingong tumalilis.

Maraming tao ang sumaklolo. At nang makilala ng ilan na ang Senate President ay isa sa mga nasugatan at nawalan ng malay ay agad silang tumawag ng ambulansiya, kaya madaling nadala sa ospital ang mga nasugatan.

Naupo si Ramir sa harap ng hapag kainan habang abala naman si Maribeth sa pag-aayos at paghahanda ng kanilang hapunan. Nang matapos at makaupo sa kanyang lugar ang dalaga ay tumunog ang cellphone ng binata.

“Hello,”: wika ni Ramir at nakinig sa sinabi ng kausap. “Ano ikamo, ang Senate President? Saan sa EDSA?” Sandaling katahimikan. “Sa Guadalupe? Saang ospital dinala? Sige.., sige.., lalakad na ako.” At saka ipinamulsa ang cellphone.

“Naaksidente si Senate President. Kailangang puntahan ko siya.” Habang tumatayo ay wika ni Ramir sa dalaga.

Tumayo rin si Maribeth. “Naaksidente?” Wika niya at humabol sa paalis na katipan. “Babalik ka pa ba dito?” Tanong niya sa binata.

“Hindi ko alam. Tatawag na lang ako.” At tuloy-tuloy ng nanaog.

Sa Makati Medical Center, kung saan dinala si Senate President at ang tatlong kasama niya sa van, ay abala ang maraming mga duktor at nars na tumitingin sa kanila. Ang

Senador ay natapos ng lapatan ng nararapat na gamot nguni’t hanggang sa mga sandaling iyon ay nakaratay ng walang malay. Naroon na rin at nagbabantay ang asawa at ang dalawang anak na babae. Luhaan ang maybahay dahil sa sinabi ng manggagamot na sa kalagayang iyon ng Senador ay natatakot silang, magkamalay man ito, ay maaaring magbunga ng di mainam ang pagkakabangga ng ulo sa matigas na bagay.

Si Ramir nang malamang wala pang malay ang Senador ay lumipat sa silid na pinagdalhan kay Ben de Castro. Itinaas ni Ben ang kanyang paningin nang makita ang paglapit ni Ramir sa kanya.

“Kumusta?” Unang salitang narinig mula sa detektib. “Ano ang pakiramdam mo?”

“Ayos naman.., bagama’t masakit pa ang aking katawan sa matinding pagkakahampas sa dinding ng van.” Sagot ni Ben at hinawakan ang parte ng katawang nananakit.

“Nakita mo ba ang nangyari?” Muling tanong ni Ramir.

“Oo,” may tango pang tugon ng tinanong, “kitang-kita ko na sadyang kinabig ng tsuper ng truck ang manubela para kami banggain.”

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now