Nangiti si Alipio nang maramdamang umandar ang makina ng bapor. Matagal niyang nadama ang yanig na dulot ng makinang umaandar, at pagkatapos ng ilang sandali ay ang pag-usad ng barko. Tuwang-tuwa siya bagama’t alam niyang yaon ay paraan lamang para paniwalaan niyang wala na ang mga alagad ng pulis doon. Napakakitid ng kanilang pag-iisip kung inaakala nilang paniniwalaan niya ang kanilang patibong. Ngayon ay sila ang bibigyan niya ng surpresa. Isang surpresang magpapakilala sa kanila kung ano ang kalibre ni Alipio Coronel.
Nahiga siya sa kama, kailangang maghintay ng ilang oras bago isagawa ang kanyang balak. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Kung ano-anong mga bagay ang binuo sa kanyang isipan. Naroong pangarapin na ang sarili ay nasa isang bar sa tabi ng ilang magagandang babae. Hawak ang malamig na baso ng inuming nakasandal sa halos walang saplot at mayayamang dibdib ng kasama.
Kaya niyang gawin ang lahat ng iyon sa sandaling sumakamay niya ang malaking bahagi ng salaping ginagamit nila para sa ‘operation mj’. Nakalagak iyon sa bangko sa ibang pangalan at lagda lamang niya ang kailangan para iyon makuha. Siya lamang at ang kanyang ina ang nakaaalam ng tungkol doon.
Nakadama siya ng kasiyahan. Mapayapa ngayon ang kanyang isipan sa kabila ng pagod na naranasan sa maghapong iyon. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Nais niyang manatili ang pakiramdam na iyon sa kanyang kalooban.
Nakabantay sa magkabilang dulo ng pasilyo ang dalawang tauhan ni Ramir. Binabantayan nila ang paglabas ni Alipio sa kamarote. May bilin sa kanilang kailangang mahuli ito ng buhay. Kailangang panagutan din nito ang pagkamatay ni Lery at Pepe.
Naroon din si Ramir. Ipinadala lamang niya si Rey sa ospital. Siya ay nanatiling naroon dahil ibig niyang matiyak na maibabalik nila si Alipio sa kulungan. Ibinilin din niya kay Rey na ipakuha ang baril na sinasabi ni Speaker na nasa kotse ni Solidad at kunan ‘yon ng finger prints.
Nagmulat ng mata si Alipio. Una niyang tiningnan ay ang kanyang orasan. Hinihintay niya kasi ang oras ng pagsasara ng mess hall. Ibig niya kasing tumawag at umorder na lamang ng pagkain. Natitiyak niyang sa ganoong gagawin ay tiyak na si Ramir ang magpiprisintang magpasok noon sa kanyang kamarote. Ito ang surpresang ibig niyang gawin.
Matapos sumangguni sa naroong nakasulat na tagubilin sa mga pasahero, ay dinampot ang telepono at pinindot ang mga numerong nakatala. Sandwich lamang at kapeng mainit ang kanyang hiningi. Sinabi niyang dalhin iyon sa kanyang kamarote.
Matapos maisagawa iyon ay kumuha ng isang face towel sa banyo at saka naupo at sumandal sa tabiki ng kamarote sa dakong kaliwa ng pinto.
Lumapit sa kinauupuan ni Ramir ang isang steward at may ibinulong.
“Gan’un ba?” Wika ni Ramir. “Salamat! Pagkaluto ay dalhin mo dito at bigyan mo ako ng uniform ninyo. Ako ang magpapasok ng order niya.”
“Sige po.”
Hindi nagtagal ay bumalik ang steward na may dalang uniporme. Iniabot iyon kay Ramir at nangakong babalik agad para sa inorder na pagkain ni Alipio.
Suot ang uniporme at bitbit ang tray ng sandwich at kapeng hiningi ni Alipio, ay kumatok si Ramir sa pinto ng kamarote.
“Tuloy.., bukas ‘yan!” Narinig ni Ramir mula sa loob ng kamarote.
Kaya marahan niyang itinulak ang pinto. Hindi niya natanaw si Alipio. Nakita lamang ito nang makapasok na siya. Nakaupo iyon sa dakong kaliwa ng pinto nakataas ang kanang kamay na natatakpan ng tuwalya.
“Good evening Lieutenant,” nakangising wika ni Alipio, “tama ang hula ko, nariyan ka pa rin.”
Hindi nagpakita ng pagkabigla si Ramir. “Saan ko ibababa ito?” Sa halip ay tanong niya.
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (21 to end)
Start from the beginning
