Kitang-kita ni Ramir ang paggulong ng katawan ni Joaquin sa sahig ng barko. Hindi siya nag-atubili, sunod-sunod na putok ang kanyang ginawa. Ilang igtad ang nakita ni Kardo na nangyari sa katawan ng kanyang tinadyakan bago iyon huminto sa paggulong.
Nilapitan ni Ramir ang katawan ni Joaquin. Tinutop ang ugat sa leeg para alamin kung ito’y may buhay pa. Nang matiyak na patay na ay isinukbit ang sandata sa kanyang baywang.
“Salamat,” wika kay Kardo, “isa na lamang ang ating problema. Pagpanhik mo sa itaas, pakisabi sa Kapitan kung maaari ko siyang makausap dito.”
“Gagawin ko!”
Sa loob ng kanyang kamarote ay hindi malaman ni Alipio ang kanyang gagawin. Hindi nga niya alam kung ano na ang nangyayari sa labas. Wala silang kumunikasyon ng mga kasama. Hindi siya makalabas dahil alam niyang naroon at inaabangan siya ng mga pulis. Ano ang dapat niyang gawin?
Lumapit siya sa pinto at itinuon doon ang kanyang taynga. Ibig niyang makarinig ng kahit anong magpapahiwatig kung ano ang nagaganap doon. Pero wala.., wala siyang marinig kahit ano. Ang ibig kayang sabihin noon ay wala na ang mga pulis doon? Saan naroon si Dado at Joaquin? Iniwanan ba siya ng mga iyon? O nahuli na sila?
Magulo ang isip niya. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Kailangan marahil na maghintay pa siya ng kaunting panahon bago isipin ang nararapat.
Dumating ang Kapitan ng barko. Pumasok siya sa kamaroteng kinalalagyan ni Ramir at Rey. Nagpakilala si Ramir sa kanya at ipinakilala rin ang sugatang si Rey.
“Mga pulis pala kayo.” Anang Kapitan matapos makilala ang dalawa.
“Sorry po at hindi na kami nagkaroon ng panahon para ipaalam sa inyo ang tungkol sa paghabol na ginawa namin.” Pagpapaumanhin ni Ramir.
“Wala kayong dapat ikabahala.” Anang Kapitan naman. “Biglaan ang lahat ng nangyari..., kaya nagkaganoon.”
Nilapitan ni Ramir ang Kapitan at halos pabulong nang muling magsalita. “Ang ibig ko sanang mangyari ay ganito.” Wika niya at sinabi sa Kapitan ang kanyang balak.
Tumango naman ang Kapitan at magkasabay silang lumabas at doon nag-usap sa pasilyo na malapit sa pinto ng kamaroteng kinalalagyan ni Alipio.
Si Alipio ay nanatiling nakasandal sa pinto ng kamarote. Nang mangawit ay nagpadulas hanggang mapaupo. Doon siya nagpahinga hanggang marinig ang usapan sa labas.
“Kapitan,” narinig niyang wika ng isang lalaki, “mabuti at narito ka, talagang pupuntahan ka namin para humingi ng paumanhin sa nangyari at magpaalam.”
“Narinig ko nga na may hinahabol kayong takas,” narinig niyang sagot ng Kapitan. “Narinig ko nga ang putukan kaya ako nanaog. Nahuli na ba ninyo ang tumakas at mga kasama niya kaya kayo magpapaalam?”
“Napatay namin ang isa, ‘yung isa ay sugatan. ‘Yun nga ang nagsabi sa aming hindi nila kasama dito si Alipio, nagpaiwan daw, ayaw raw sumama sa kanila.”
“Gan’un ba? Ang ibig sabihin ay pwede na naming ituloy ang aming biyahe?”
“Matapos kaming bumaba..., nariyan na rin naman ang ambulansiyang kukuha sa kanila. Paalam Kapitan.”
“Paalam!”
Bumaba na rin si Kardo nang malamang patatakbuhin na ng Kapitan ang barko ayon sa kasuduan nila ni Ramir.
Napatayo si Alipio. Hindi siya naniniwala sa kanyang narinig. Naniniwala siyang maaaring totoo na nasugatan lamang ang isa sa dalawa. Pero sino kaya iyon? Yaon ang kailangang malaman niya. Kailangang magkasama silang muli..
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (21 to end)
Start from the beginning
