Operation: 'MJ' (21 to end)

Start from the beginning
                                        

Matapos ibaba sa loob ng kamarote ng Bombay ang mga kargamento, ay magkahiwalay na ginalugad ni Ramir at Rey ang paligid ng barko. Nguni’t hindi nila nakita ang kanilang hanap. Noon naalala ni Ramir ang larawang itinago sa kanyang wallet. Agad niyang kinuha iyon at ipinakita sa unang steward na kanyang nasalubong.

“Nakita mo ba ang taong ito?” Tanong niya at ipinakita ang hawak na retrato.

Tumingin muna ang steward sa kanya. “Bakit? Sino ka ba?” Tanong nito.

Hinawi ni Ramir ang polong tumatakip sa tsapang nakakwintas sa kanya. “Nakita mo ba siya?” Muli niyang tanong.

Sa pagkakataong ito ay sumagot ang steward. “Naroon po sa cabin number 7.”

“Salamat,” Ani Ramir, “at ayokong malaman ng iba ang tungkol dito.”

“Opo!”

Oh, paano,” wika ni Dado at lumakad patungo sa pinto ng cabin, “iiwan muna kita, papalitan ko naman si Joaquin.”

Bumukas ang pinto ng cabin number 7. Lumabas si Dado. Una niyang nakita si Rey at nang ibaling ang kanyang mga mata kay Ramir, ang unang nakita ay ang nakalabas na tsapa sa gitna ng polo nito.

“Pulis!” Malakas na sigaw ni Dado kasabay ang pagbunot ng baril.

Bagamat nabigla ay maagap namang nakabunot din ng armas sina Rey at Ramir. Halos sabay ang mga itong nagsitumba para iwasan ang bala mula sa sandata ni Dado. Sabay din silang nagpaputok habang gumugulong. Ilang bala ang kumitil sa buhay ni Dado.

Nang marinig ang putok ng baril ay patakbong lumapit si Alipio sa pinto para iyon ipinid. Pagkatapos ay lumayo at nagbunot ng baril. Hindi nagtagal ay narinig niya ang isang malakas na tinig.

“Alipio..,” anang tinig, “napaliligiran ang kamarote mo. Sumuko ka na. Buksan ang pinto.., ihagis ang iyong sandata at lumabas ng nakataas ang mga kamay.”

Narinig ni Joaquin ang putukang naganap sa ibabang palapag ng barko. Kaya noon din ay nanaog siya. Hawak ang sandata ay sumilip sa pasilyo makababa ng hagdan bago nagpatuloy. Sa sumunod na pagliko niya nakita ang dalawang armadong lalaki na kapwa may nakakwintas na tsapa sa kanilang leeg. Ang dalawa ay nakaabang sa pinto ng kamarote ni Alipio.

Walang malay ang dalawang alagad ng batas na naroon si Joaquin. Kaya sa unang putok pa lamang ay tinamaan si Rey. Mabuti na lamang at sa kaliwang balikat lamang tinamaan kung kaya’t nakaganti pa ito ng putok. Dahil sa ganting putok na iyon ay nagkubli si Joaquin. Sinamantala naman ni Ramir ang pagkakataon, binuksan niya ang pinto ng katapat na kamarote at sa loob noon pinagyaman ang tamang tinamo ng kasamang siRey.

Sa itaas ng barko ay nagulo ang mga pasahero. Hindi nila alam kung ano ang nangyari. Ang pangamba nila ay lalong sumidhi nang makita ang pagbaba ni Joaquin na may hawak na baril. Kinailangan tuloy ang pakikialam ng Kapitan at ng ilang steward na naroon.

Iniutos ng Kapitan na dalhin ang mga pasahero sa loob ng dining room. At doon ay sinabihan ang lahat na huminahon. Na aalamin kung ano ang nangyari at saka ipagbibigay alam sa kanila. Ibiniling huwag silang lalabas sa silid na iyon hanggang hindi nasasabihan.

Bahagyang ibinukas ni Kardo ang pinto ng kamarote ng Bombay. Tapos na siya sa pakikipag-usap kaya balak na niyang lumabas. Pero dahil sa putukang narinig ay naging maingat siya. Alam niya kasing yaon ay may kinalaman sa mga pulis at sa pangkat ni Alipio.

Sa kanyang pagsilip ay agad niyang nakita si Joaquin at ang hawak nitong sandata. Nakatalikod at nakamasid sa pasilyong kinaroroonan ng kamarote ni Alipio. Dahan-dahang lumabas si Kardo at patingkayad na lumapit sa kinalalagyan ni Joaquin. At pagkatapos ay ubod lakas na tinadyakan iyon sa likod kasabay ang malakas na sigaw.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 18, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now