Operation: 'MJ' (21 to end)

Start from the beginning
                                        

Isang kotse ang pumarada sa malapit sa gate ng pier. Tatlong lalaki ang bumaba. Sabay-sabay na lumakad ang mga iyon papasok sa pier. Ang lahat ng iyon ay minamasdan ni Kardo. At nagulantang siya nang ipihit ng isa ang kanyang ulo.

“Si Alipio?” Bulong ni Kardo. “Si Alipio ba ‘yon? Pero hindi maaari, nakakulong siya!”

Dumukhang si Kardo. Ibig niyang matiyak ang kanyang nakita. Kamukha nga ni Alipio, pati ang kilos. Kinuha niya mula sa lukbutan ang kanyang cellphone. Sandaling kinalikot iyon at nang matapat ang numerong hinahanap ay saka pinindot ang call button.

22

Narinig ni Ramir at Rey mula sa two way radio na nakita ang van sa isang maliit na bakanteng lote makalagpas ng Del Pan Bridge. Kaya mabilis na iniliko ni Rey ang kanilang sinasakyan para pumunta doon.

Noon tumunog ang cellphone ni Ramir. Kinuha iyon ng binata na tila nagdadabog pa. “Bakit kaya ngayon pa tumunog ito!” Habang kinukuha sa bulsa ang telepono ay pagalit na bulong nito.

“Hello?!” Sigaw niya sa cellphone.

“Si Lt. Ramir ba ito?”

“Ako nga..., sino ba ito?”

“Si Kardo po, gusto ko lang tiyakin kung nakalabas na si Alipio.”

“Bakit?” Tanong ni Ramir na tila nagkaroon ng interes sa narinig kay Kardo.

“May kamukha po siyang nakita ko dito sa pier kaya ko naitanong.”

“Saang pier?”

“Pier 12 po sa North Harbor.”

“Huwag kang aalis, papunta na kami diyan.”

Lumapit ang Bombay sa jeep. “Kangina ka pa ba?” Tanong nito na ikinagulat ni Kardo.

Ibinalik ni Kardo ang cellphone sa kanyang lukbutan bago inalam kung sino ang nagtanong. “Ah, ikaw pala.” Nang makilala ang Bombay ay wika niya. “Kararating ko lamang. Saan mo ba gustong idiskarga itong mga kahaon?”

“Doon na sa barko! Halika, sasamahan kita.., ipasok mo na ang jeep sa loob.” Anang Bombay sabay sakay sa unahang upuan.

Ini-start ni Kardo ang jeep. Nang tumatawid siya ng daan para ipasok ang sasakyan sa loob ng pier ay natanaw niya si Ramir at Rey sa isang kotseng pumarada sa tapat ng gate. Binusinahan niya at kinawayan ang mga iyon para sumunod sa kanya.

Nang huminto ang jeep sa malapit sa andamyong akyatan na kasunod ang kotseng pumarada sa kanilang likuran ay nagsalita ang Bombay. “Sino ang sakay ng kotse?” Tanong nito kay Kardo.

“Ah.., mga kargador.” Naisipang isagot ni Kardo. “Hindi ba’t dadalhin natin sa kamarote mo ang mga iyan?”

Tumango ang Bombay.

Nasa loob ng kamarote si Alipio kasama ang isa sa dalawang lalaking tumulong sa kanyang pagtakas. Ang kamaroteng ginagamit nila ay nasa pangalan ng ikalawang lalaki, si Dado. Nag-book siya sa barko dahil alam niyang aalis iyon sa araw ng paghatol kay Alipio at naisip niyang iyon ang pinakamagandang paraan para sila makalabas ng Maynila. Bukod sa kamarote, ay may dalawa pa silang ordinaryong ticket na hawak. Ibig kasi ni Dado na makatakas sila sa tamang paraan.

Si Joaquin, nang mga sandaling iyon, ay nakadungaw sa malapit sa akyatan ng mga pasahero. Nais nila kasing tiyakin na walang alagad ng batas na makapapasok at magsisiyasat sa bapor nang hindi nila alam.

Sunod-sunod na pumanhik ang Bombay, si Ramir, Rey at Kardo sa rampa. Bukod sa nauunang Bombay, ang tatlo ay may mga pasang kahon na kinalalagyan ng mga bed sheets. Hindi sila pinansin ni Joaquin sa pag-aakalang mga pangkaraniwang pasahero lamang sila.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 18, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now