Agad sinamsam ni Alipio sa pamamag-itan ng nakaposas na kamay ang mga sandata ng tatlong pulis bago iniutos sa mga iyon ang paglulan sa sasakyan. Sa loob ng van, nang maalis ang posas sa kamay, ay ang tatlong pulis naman ang itinali sa upuan.
Pinatakbo ni Joaquin, ang lalaking nagsuot ng uniporme ng pulis, ang van. Alam niya kung saan sila pupunta mula sa City Hall. Malapit lamang ang kinalalagyan ng kotseng gagamitin nila sa pagtakas. Kailangang marating niya at makalipat sa kotse bago malaman ng mga maykapangyarihan ang nangyari.
Pinakikinggan ni Ramir at Rey ang naging hatol ng hukuman sa kaso ni Alipio sa maliit na transistor radio sa kanyang opisina. Dadalo sana sila para personal na marinig ang hatol pero hindi nangyari dahil sa trabahong kailangan nilang tapusin.
“Nalaman din natin ang hatol.” Ani Rey matapos marinig ang balita. “Pareho din, hindi ba? Hindi pa tayo napagod at natapos pa natin ang ating trabaho.”
“Tama ka.” Tumatango pang ganti ni Ramir sa sinabi ng kaibigan. “Pero.., ngayong narinig mo na ang naging hatol, ano ang masasabi mo?”
Nagkibit ng balikat si Rey. “Sa dalawang pinatay na napatunayan dahil kay Kardo ay naniniwala akong pwede na ‘yung hatol dahil umamin naman siya. Pero ang kamatayan ni Lery at Pepe, na sa palagay ko ay siya rin ang gumawa ay parang nawalan ng saysay. Kung sa bagay ay kakulangan na rin ng piskalya ang tungkol sa bagay na iyon, dahil hindi nila naisama sa demanda.”
“Huwag kang mag-alala,” wika ni Ramir, “pwede pa naman siyang idemanda ng tungkol doon. Ang kailangan lang natin ay makuha ang baril na ginamit niya sa pagpatay sa dalawa. Tandaan mo na napatunayan na natin na ang balang pumatay kay Pepe ay buhat sa baril na pumatay kay Lery. At alam mo ba na nagkausap kami ni Speaker sa telepono at sinabi niya sa aking may dalawa raw na baril siyang nakita sa kotse ni Solidad?”
“Oh, eh bakit hindi natin kunin?”
“Kukunin natin,” paliwanag ni Ramir, “bukas ng umaga.., kasi may lakad ngayon si Speaker.”
May sasabihin pa sana si Rey nguni’t hindi natuloy dahil sa pagpasok ni Sofia.
“May tawag sa telepono.” Anang dalaga sa kanila. “Nag-report daw ang tsuper ng van na sinakyan ni Alipio. May dalawa daw lalaking pumalo sa kanyang ulo at kinuha ang van.”
“Ang ibig sabihin ay nakatakas si Alipio?” Pasigaw na tanong ni Ramir.
“Oo,” sagot ng sekretarya, “sinimulan na nga nila ang paghahanap. Naipagbigay alam na rin sa lahat ng mobile police.”
“Kung ganoon ay kailangan ding kumilos tayo.” Ani Ramir at sinabayan ng pagtayo.
Sumunod si Rey at magkasabay silang lumabas ng opisina. Sumakay sa kotse at mabilis na pinatagbo iyon palabas ng compound.
Dinampot ni Ramir ang two way radio. “Control, this is Lt. Ramir dela Serna on police radio Delta 21, please report detail of Alipio’s escape, over.”
“Delta 21.., Delta 21.., escape van seen at del Pan bridge going toward north harbor, do you copy.., over.”
“Copy.., will pursue, thanks and out.”
“Narinig mo ‘yun?” Tanong niya sa nagmamanehong si Rey.
Tumango lamang si Rey.
Maagang narating ni Kardo ang pier kung saan naroon ang barkong sasakyan ng Bombay na kanyang suki. Ayon sa usapan ay maghihintay sa isang tindahan sa labas ng pier ang negosyante kung kaya’t sa tindahang tinukoy ipinarada ang kanyang jeep. Wala pa roon ang kanyang kausap kung kaya’t sumandal siya sa upuan para maghintay.
BINABASA MO ANG
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (21 to end)
Magsimula sa umpisa
