Operation: 'MJ' (21 to end)

Start from the beginning
                                        

Sa unang simbahan ay wala ng bakante sa ika 30 ng Nobyembre. Sa ikalawa naman ay alas tres lamang ng hapon ang oras na maibibigay sa kanila. Ang ibig sabihin ay hapunan ang dapat nilang ihanda. Pinuntahan nila ang huling simbahan at bumalik sila sa ikalawa nang matiyak na wala ring bakante doon.

Ang sumunod na inayos nila ay ang catering service ngayong alam na nila ang oras ng kanilang kasal. Namili sila ng mga putaheng ihahanda. At matapos makapagbigay ng paunang bayad ay umalis sila na ang nasa isip ay ang tungkol sa iba pang kailangan.

Sa madaling sabi ay nagawa nilang ayusin ang lahat ng kailangan sa loob ng apat na araw. Naayos ang tungkol sa potograpo, sa mangangasiwa at mag-aayos ng kasal at ang lugar kung saan gagawin ang handaan. Naipakiusap din ni Maribeth sa isang kaibigan ang kakanta sa simbahan. 

Naroon ang halos lahat ng kaibigan at kakilala ni Maribeth. Magkakakilala silang lahat dahil kapwa sila nanunungkulan bilang reporter ng iba’t-ibang pahayagan at magasin sa kalakhang Maynila. Karamihan sa kanila ay sa Malacanang naka-destino.

“Iilan na lang tayong dalaga,” anang isa sa mga naroon, “at ngayong mag-aasawa ka na ay mababawasan na naman kami.”

“Oo nga!” Sang-ayon naman ng ikalawa. “Mabuti yata ay sundan na kita, mahirap na ang mahuli.”

Tawanan ang lahat.

“Bakit hindi mo sabihin sa BF mo?” Tanong naman ng isa pa.

Nagtakip ng mukha ang ikalawa. “Nakakahiya mang sabihin..., ay wala pa akong boy friend.”

“Talaga?” Patanong na wika ng nauna. “Sayang, sasabihin ko pa namang magsabay na tayo para mas menos sa gastos.”

“Hoy! Hoy! Tumigil nga kayo diyan.” Anang nag-organize ng party. “Baka nalilimot ninyong ito’y shower party para kay Maribeth.”

“Tama siya,” sang-ayon ng isa, “kaya ang dapat ay si Maribeth ang kausapin ninyo. Teka,” dugtong nito, “bago ninyo gawin iyan ay magsalin muna tayo ng wine. Eto’t umiinit na dahil hindi nagagalaw.”

Nagsikilos ang mga bisita. Ang bawat isa ay nagsikuha ng paper glass at nagsalin ng wine. Nang ang lahat ay may hawak ng baso ay itinaas ng organizer ang sa kanya at nagsalita.

“Uminom tayo para sa matagumpay na paglagay ni Maribeth sa buhay may asawa!” At saka dinala ang basong papel sa kanyang bibig.

Ganoon din ang ginawa ng ibang naroon kabilang si Maribeth.

“Salamat sa inyong lahat,” wika ng ikakasal, “asahan ninyong walang magbabago sa akin sa aking pag-aasawa.”

“Sabi mo lang ‘yan,” anang isang may dalawa ng anak, “kapag nagsimula na ang inyong pagsasama, ang pag-aasikasong dapat mong gampanan, at saka mo masasabing kailangan mo palang baguhin ang ilang ginagawa mo noong ikaw ay dalaga pa.”

“Gan’un?” Patanong na wika ni Maribeth.

“Totoo ‘yon!” Sang-ayon naman ng organizer.

Marami pang mga bagay ang napag-usapan nila. Mga bagay na kung hindi dahil sa pagtitipong iyon ay hindi matututuhan ni Maribeth. Kaya bago siya nagpaalam ay gayon na lamang ang kanyang pasasalamat sa lahat ng kaibigan.

Tatlumpong bed sheets ang order na tinanggap ni Kardo mula sa isang negosyanteng Bombay. Kasama sa bayad ang pagde-deliver noon sa North Harbor. Aalis ang barko ng alas tres ng hapon kung kaya’t nagagahol sila sa pag-iimpake. Panay ang tingin ni Kardo sa kanyang orasan.

“Ilan pa ba ang ilalagay mo sa kahon?” Tanong ni Kardo sa kasamang nagkakahon ng bed sheets.

“Tapos na,” anang tinanong, “itini-tape ko na lang. Pwede ka ng magbihis.”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 18, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now