Operation: 'MJ' (21 to end)

Start from the beginning
                                        

“Maaari mo ng hagkan ang iyong asawa.” Pahayag ng Pari.

Itinaas ni Ramir ang tumatakip sa mukha ni Maribeth at hinagkan sa bibig ang kanyang mahal na asawa. Palakpakan ng mga naroon ang sumunod na narinig.

Matapos ang seremonya sa simbahan ay magkakasunod ang sasakyan ng bawat bisita na nagtungo sa lugar kung saan gaganapin ang salo-salong inihanda ng mga bagong kasal. Maraming bisitang buhat sa simbahan at lalong marami ang dinatnan nila sa pagdarausan ng piging. Nang nakaupo na ang lahat ay saka sinimulan ang maikling programang inihanda para sa okasyon.

Tinawag sa gitna ng bulwagan ang lahat ng dalagang dumalo. Matapos maipon sa isang panig ang mga iyon ay patalikod namang inihagis ni Maribeth ang punpon ng bulaklak na dala niya habang ikinakasal. Sigawan at tilian ang narinig mula sa mga kadalagahang naroon. Niyakap pa ng nakasalo ang bulaklak na tila ba tuwang-tuwa sa nangyari. Pahiwatig, na marahil, ay pinananabikan niya ang araw na may maghahatid sa kanya sa altar na tulad ng naganap sa araw na iyon.

Isang binata naman ang napili ng bagong kasal na kumuha at maglagay ng garter sa hita ng dalagang nakasalo ng bulaklak. Lalong malakas ang naging sigawan ng mga bisita sa pagkakataong iyon.

Bumalik sa kanilang upuan ang ikinasal. Mula noon hanggang makatapos sa pagkain ang mga bisita ay kung ilang ulit na pinatutunog ang mga kupita sa mesa, na sa bawat tunog naman, ay halik ni Ramir kay Maribeth ang kanilang hinihintay.

Sa bawat kasalan ay ginaganap ang pag-inom ng bagong kasal ng wine na magkakrus ang mga braso. Ito raw ay para maging matibay ang kanilang pagsasama. Gayon din naman ang paghahati at pagsubo ng cake, na nagpapaalala sa bagong kasal, na dapat na magkatulong nilang gampanan ang lahat ng bagay na dumating sa kanilang buhay, sa hirap man o’ sa ginhawa. Nagpakawala rin ng dalawang puting kalapati, na ang ibig sabihin ay ang kalayaang kumilos ng bawat isa sa ikauunlad ng kanilang pagiging mag-asawa.

Maraming regalo ang kanilang tinanggap. Wala silang binuksan isa man. Nilapitan lamang nila ang bunton nuon sa paglabas nila para umalis. Natawag ang pansin ni Maribeth ng isang kahon na natatalian ng ribbon mula sa pinagduktong na retaso. Kinuha niya ang card na kinasusulatan ng pangalan ng nagpadala.

“Sino ang Mr.and Mrs. Kardo Tamayo?” Tanong niya kay Ramir na noon ay nakamasid din sa hawak niyang card.

Ngunot ang nuo ni Ramir nang sumagot. “Siya yaong nagturo kung saan makikita si Alipio. At siya rin ang nakakita kay Alipio sa barko. Dalawang beses na natulungan niya ako. Hindi ko nga matandaan kung napadalhan natin siya ng imbitasyon.”

“Siguro’y napadalhan,” ani Maribeth, “paano niya malalaman ang ating kasal?”

“Sa dyaryo,” sagot ni Ramir, “hindi ba’t nalagay sa society page ang tungkol sa ating kasal?”

“Oo nga pala.” Wika naman ni Maribeth. “Hindi bale, narito naman ang kanilang address..., sulatan na lang natin para magpasalamat.”

Nang nasa loob na sila ng wedding car ay saka nagsalita si Maribeth. “Saan ba ang punta natin ngayon?” Tanong niya kay Ramir na siyang nag-asikaso ng kanilang gagawing honeymoon.

“Saan pa,” tugong winika ni Ramir, “eh di sa ating honeymoon.”

Ibinaling ni Maribeth ang kanyang paningin sa mukha ng asawa. “Saan nga ‘yon?” May pananabik sa tinig niya.

“Basta hintayin mo na lang.” Turing ni Ramir.

“Surpresa ba ito?”

Tango lamang ang naging tugon sa kanyang tanong

Patuloy sa pagmamaneho ang kanilang tsuper. Alam nito kung saan sila pupunta dahil naibilin na iyon sa kanya ni Ramir bago pa niya sinundo si Maribeth. Nang malapit na sila ay dinukot ni Ramir ang kanyang panyo at itinakip iyon sa mga mata ng asawa.

“Teka.., teka!” Tutol ni Maribeth. “Bakit mo tinatakpan ang mata ko?”

“Pumayag ka na!” Giit ni Ramir. “Gusto ko lang namang surpresahin ka sa lugar ng ating honeymoon. Huwag ka ng tumutol!”

“Sige na nga.., baka atakihin ka pa kung hindi ako pumayag.” At tumalikod sa asawa para malayang mailagay nito ang piring sa kanyang mga mata.

Hindi nagtagal at huminto ang sasakyan. Inakay ni Ramir ang kanyang asawa. Huminto sila sa tapat ng main door ng bahay at saka inalis ni Ramir ang piring ni Maribeth.

Nang maalis ang piring ay ilang ulit na pumikit-dilat si Maribeth. Pilit niyang iwinaksi ang panlalabo ng kanyang mga mata. Nang yaon ay luminaw ang una niyang nakita ay ang nakaparadang kotse ni Ramir sa dakong kaliwa ng malapad na pinto ng bahay. Nang idako niya ang paningin sa bandang kanan ay natanaw niya ang loob ng bahay. Noon niya tiningnan ang kanyang katabi.

“Ano ito? Dito ba tayo magha-honeymoon? Hanggang kailan tayo dito?” Sunod-sunod na tanong niya kay Ramir.

Nakangiti si Ramir nang sumagot. “Dito tayo magha-honeymoon. Didito tayo hanggang sa katapusan ng daigdig dahil ito ang regalo ko sa iyo.”

“Regalo?” Pasigaw na nawika ni Maribeth. “Ang ibig sabihin ay atin ang bahay na ito?” At niyakap niya ang katabi ng ubod higpit.

Pumasok sila sa loob ng bahay. Isa-isang ipinakita ni Ramir sa kanyang asawa ang bawat silid sa bahay. Ang lahat naman ay may kapalit na halik at yakap mula kay Maribeth. Hindi mawari kung anong saya ang naging laman ng kalooban nito sa regalong tinanggap mula sa asawa.

Nakita ni Maribeth ang maluwag na sala, ang silid-kainan at ang kusina. Bagama’t wala pang mga kasangkapan ang mga iyon, ay nakita niya ang kaluwagan at kagandahan ng pagkakaayos. Nanabik tuloy siya na maiayos ang mga iyon.

Ang dalawang silid, ayon kay Ramir, ay ilalaan nila sa dalawa nilang magiging anak. Doon nahiling na sana’y maging isang lalaki at babae ang maging anak nila. Nagkatawanan pa sila sa pangarap na iyon.

Maluwag ang master’s bedroom. Ito ang inihanda ni Ramir para sa kanilang honeymoon. May isang king size na kama doon at kompleto sa mga side table at lampshade. Mayroon ding cabinet sa dakong paanan ng kama na may malaking TV sa ibabaw. Sa ilalim noon ay may DVD at CD player. Sa tabi ay nakasalansan ang maraming disc at ang mga luod speaker.

Lumapit si Ramir sa cabinet at kinuha ang isa sa mga control na nakapatong doon. Matapos pumindot ng ilang buton ay lumapit sa kama at inilawan ang isang lampshade. Bumalik ito sa kinatatayuan ni Maribeth at matapos patayin ang ilaw sa silid ay inakay ang asawa patungo sa malapit sa kama..

Isang malumanay na tugtugin ng pag-ibig ang pumailanglang sa loob ng silid. Niyakap ni Ramir ang maganda niyang asawa. Matapos ang halik na iginawad ay dahan-dahang ibinaba ang zipper sa likod ni Maribeth. Si Maribeth naman, nang madama ang ginawa ng asawa, ay sinimulan ding alisin ang suot na barong ni Ramir. Sa bawat kilos ay nagdidiit ang kanilang mga labi.

Dinala sila ng init ng pagniniig sa malambot na kutson ng kama. At matapos ang ilang sandali ay kinalabit ni Ramir ang switch ng lampshade. Nagdilim ang buong paligid...., ang tanging maliwanag ay ang kaligayahang dala ng pagmamahalan ng dalawang nilalang na pinag-isa ang damdamin.

Operation ‘MJ’ nobela ni Virgilio R. Alvarez

. .

.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 18, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now