Operation: 'MJ' (21 to end)

Start from the beginning
                                        

Kinuwenta ni Mang Teo sa kanyang daliri ang bilang ng taong nakalipas mula ng sila ay ikasal. “Samakatwid,” wika niya pagkatapos, “ay mga trenta y siete na siya ngayon?”

“Kita mo na!” Maypagmamalaki sa tinig na sabi ni Aling Julia. “Malilimutin kang talaga. Kung hindi ko sinabi ay hindi mo maaalala.., gayong iisang taon lamang naman ang tanda mo sa akin.”

Nagkamot ng ulo si Mang Teo. “Malilimutin na kung malilimutin.” Nakangiting amin nito. “Ang ibig kong malaman ay kung saan tayo bibili ng pangregalo at ano ang balak mong ibigay sa kanila?”

Huminto sa kanyang ginagawa si Aling Julia. “Dapat lang na sa Maynila na tayo bumili para hindi na natin problemahin ang pagdadala.”

“Tama ka,” tumatangong sang-ayon ng ama ni Ramir. “Pero ano nga ba ang iniisip mong ibigay?”

“Refrigerator sana eh,” nakangiting wika ni Aling Julia, “ano sa palagay mo, ayos ba ‘yon?”

“Wala akong tutol,” ani Mang Teo, “ang gusto kong malaman ay kung kailan mo balak lumuwas?”

Nagtaas ng ulo si Aling Julia. “Mga dalawang araw bago ang kasal.” Wika niya.

“Dalawang araw bago ang kasal.” Ulit ni Mang Teo.

Lingid sa kaalaman ni Maribeth ay maagang nagsumite si Ramir ng request para magbakasyon. Usapan nilang sabay na gagawin iyon isang linggo bago ang nakatakdang araw ng kanilang kasal. Hindi niya sinabi dahil ibig niyang magkaroon ng sapat na panahon para mabili ang regalong balak gawing isang surpresa sa magiging asawa.

Mayroon na siyang tinatawaran sa likod ng San Beda College sa Mendiola. Nagkasundo na sila ng may-ari at sa araw na ito sila magpipirmahan. Masaya siya dahil bukod sa maganda at bago pa ang bahay ay mura lamang niyang nabili iyon. Ang may-ari ay nagmamadali dahil kailangang makarating silang mag-anak sa Amerika ng hindi lalagpas sa taning na panahon. Kung hindi nila magagawa iyon ay mababale wala ang pagnanasa nilang maging American citizen.

Nagkamayan sila ng may-ari ng bahay matapos ang bayaran at pirmahan. Binati siya ng may-ari ng bahay sa nalalapit niyang kasal at sinuklian naman iyon ni Ramir ng pagbati rin dahil sa magiging American citizen na ang mag-anak. Kapwa sila masaya nang maghiwalay.

Maganda ang pagkakaayos ng simbahan. May pulang carpet mula sa pagpasok hanggang sa altar. Sa magkabilang panig ay may puting telang harang at posteng pinapatungan ng kumpol ng bulaklak bawat tatlong metro. Maliwanag ang loob ng simbahan sa dami ng ilaw na nakasindi. Sa madaling sabi, naroon na sa simbahang iyon ang lahat ng bagay na nanaisin ng isang babae sa kanyang kasal.

Kasama ni Ramir na nakatayo sa malapit sa altar ang kanyang mga magulang. Hinihintay nila ang pagdating ni Mang Magno at Aling Anita para iabot sa kanya ang kamay ni Maribeth. Mula doon ay tutungo sila sa harap ng altar para pag-isahin ang kanilang mga puso.

Habang lumalakad ang mag-iina para ihatid si Maribeth ay kinakanta ang isang awit ng pag-ibig. Tahimik na nakikinig ang lahat. Ang awit kasi ay totoong madamdamin. Marami tuloy ang naroon, na tulad ni Maribeth, ay hindi napigilan ang pagtulo ng luha.

Totoo marahil ang kasabihang, ang pag-aasawa ng isang babae ay nangangahulugan ng simula ng kanyang kalbaryo. Masahol pa ito sa kamatayan. Ang kamatayan ay pamamahinga samantalang ang pag-aasawa ay simula ng katakot-takot na problema. Gayon pa man, ang kasal ay isang seremonyang pinapangarap na marating ng bawa’t babaing natutong umibig. Ito ang simbolo ng pagmamahalan.

Humarap ang magkasi sa Paring magkakasal. Sa harap ng altar ay sinabi nila ang kani-kanilang pangako. At sa huli ay ipinahayag ng Pari na sila ay pinagbuklod sa harap ng Panginoon at mula sa oras na iyon ay tatawaging mag-asawa.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 18, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now