Iniabot ni Ramir kay Rey ang sulat matapos mabasa iyon. Mahaba ang sulat at ganito ang nilalaman:
'Dear Gabriel, Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan sa iyo. Una ay gusto kong malaman mo na si Alipio ay hindi ko pamangkin. Anak ko siya sa pagkadalaga. Sinabi kong anak siya ng aking kapatid na namatay sa Amerika, sa gayon ay magamit niya ang apelyidong Coronel.’
'Hindi ko malaman kung bakit sinabi ni Alipio na ikaw ang nag-plano ng operation mj. Siguro para iligtas ako. Pero inaamin kong ako ang may gusto at nag-plano ng lahat. Sorry! Hindi ko matitiis na pagdusahan mo ang isang bagay na hindi mo ginawa. Pinasasalamatan ko rin si Alipio dahil sa kagustuhan niyang mailigtas ako. Pero hindi ko kayang tanggapin ang ganoon. Hindi ko rin matanggap na dahil sa aking pagnanasang maging First Lady ay ito ang kinahinatnan ni Alipio.’
'Kaya ang marapat siguro ay wakasan ko na ang lahat. Paalam sa inyong dalawa.’
'Nagmamahal, Solidad'
Matapos basahin ang sulat ay iniutos na buhatin ang bangkay ni Solidad at dalhin sa morge para ma-awtopsya. Kapwa sila sumakay sa kani-kanilang sasakyan at bumalik sa tanggapan.
Dalawa pang makinang de motor ang binili ni Kardo. Gulat na gulat ang kanyang asawa nang dumating ang mga makina.
“Ano ito?” Manghang tanong ng asawa ni Kardo. “Bakit nagdagdag ka ng makina?”
“Humanap ka ng mananahi.” Ani Kardo, “ngayon ay hindi lang basahan ang ating gagawin. Subukin nating gumawa ng iba. Halimbawa’y punda ng unan at bed sheets. Kaya ang dapat mong kuning mananahi ay yaong may karanasan sa mga ganoong bagay.”
“Kung sa bagay ay maraming nagsisipunta dito, pero hindi ko matanggap dahil wala tayong makina.” Paliwanag ng kanyang asawa. “Ngayong mayroon na ay hindi problema.”
“Mabuti naman kung ganoon.”
Malungkot na tinanggap ni Alipio ang ibinalita sa kanya ni Rey sa nangyari kay Solidad. Lumuluha siyang napasubsob sa mesa. Hinintay ni Rey na humupa ang kalooban ng bilanggo, marami kasi silang ibig itanong ni Ramir base sa sulat na iniwan ni Solidad.
“Totoo bang ikaw ay anak at hindi pamangkin ni Solidad?” Unang tanong ni Rey nang magtaas ng ulo ang bilanggo.
Tinanaw muna ni Alipio ang dalawa bago tumango.
“Sagutin mo ang tanong.” Ani Ramir at bahagyang inilapit ang mikropono sa kinauupuan ni Alipio.
“Opo, anak niya ako.” Pag-aming wika ni Alipio.
“Kailan mo pa alam ang tungkol sa bagay na iyon?” Muling tanong ni Rey.
“Noon pa pong maliit akong bata.”
“Kailan ka naman naging pamangkin?” Si Ramir naman ang nagtanong.
“Mula nang kami ay lumuwas ng Maynila.”
“Kailan iyon?”
“Matagal na. Mga sampung taon pa lamang ako noon.”
“Hindi alam ni Speaker ang tungkol dito?”
“Hindi po.”
“Sa sulat ng iyong ina, bago siya mamatay, ay sinabing siya ang nagplano ng operation mj..., totoo ba ito?” Tanong mula kay Ramir.
Muling tumango si Alipio at saka sinundan ng “Opo!”
Nagkatinginan si Rey at Ramir.
“Bakit mo idinawit si Speaker?” Tanong ni Rey.
“Para iligtas sa hinala ang aking ina. At saka si Speaker lamang ang maaaring pagsuspetsahan dahil siya ang makikinabang.” Sagot ni Alipio.
“’Yun lamang ba..., wala ng iba?” Si Ramir naman ang nagtanong. “Hindi ba may sama ka ng loob sa kanya?”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (17 to 20)
Start from the beginning
