Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

Samantalang kumakain ay tinanggap ni Ramir ang tawag mula kay Rey. Sinabi nitong kailangan nilang pumunta sa bahay ni Speaker Salitre dahil sa report tungkol sa asawa nito. Hindi na inusisa kung ano ang tungkol kay Solidad, nag-apura ito sa pagkain at pagkatapos ay inihatid ang mga magulang sa kanyang tirahan at saka nagmamadaling tinungo ang tahanan ng mga Salitre.

Laking gulat ni Ramir nang siya ay makarating at makita ang kalagayan ni Solidad. Wala na itong buhay sa kanyang pagkakahiga. Nakita niya ang walang takip na bote ng gamot sa ibabaw ng mesita. Natanaw din niya ang sulat na nakaipit sa telepono. Pero hindi niya iyon ginalaw, sa halip ay hinarap ang katulong na sang-ayon kay Rey ay siyang tumawag sa himpilan ng pulisya para sabihin ang nakita.

“Ano ang pangalan mo?” Tanong ni Ramir sa katulong.

“Rosario, po!” Sagot ng katulong.

“May susi ka ba sa pinto ng kwartong ito?” Muling tanong ni Ramir.

“Wala po,” anang tinanong, “hindi po kasi naka-lock kaya ako nakapasok.”

“Gawi mo ba ang pumapasok sa silid na ito kung hindi pa lumalabas ang iyong amo?”

“Hindi po, pero itong araw na ito, dahil sa ilang beses na akong kumatok na hindi niya sinasagot ay nabahala po ako.”

“Bakit, hindi ba lagi naman siyang atrasadong bumabangon?”

“Hindi po, kung minsan nga po ay nauuna pa siya kaysa akin.”

“Ano ang ginawa mo nang hindi siya sumasagot?”

“Sinubukan ko pong buksan ang pinto. Natuwa nga po ako dahil hindi naka-lock.”

“Ano ang ginawa mo pagkatapos?”

“Nakita ko pong nakahiga siya. Ang akala ko nga po ay tulog pa, pero nang makita ko ang boteng iyon,” at itinuro ang boteng nakapatong sa mesita, “ay lumapit ako para takpan. Noon ko po nakitang may bula ang kanyang bibig.”

“Ano ang ginawa mo?”

“Tumakbo po akong palabas. At mula po sa telepono sa sala ay tumawag ako sa pulis.”

“Mabuti’t alam mo ang telephone number ng pulisya?”

“Mayroon pong emergency numbers doon sa malapit sa telepono.”

Napatingin si Ramir sa kasamang si Rey na noon ay nakikinig lamang sa kanilang usapan. Matapos sabihan si Rosario na maaari na itong umalis ay saka inilibot ang paningin sa loob ng silid.

Iniutos sa potograpo na kunan ng litrato ang lahat ng bahagi ng silid pati ang nakahiga at wala ng buhay na si Solidad. Pagkatapos makunan ng larawan ang lahat ay nagsuot ng gwantes bago dinampot ang bote ng gamot na walang takip. Nabasa niya sa itiketa na ang laman noon ay sleeping tablet. Muling ibinaba ang bote at ang dinampot naman ay ang nakatiklop na papel matapos iangat ng bahagya ang telepono. Binasa niya ang nakasulat doon.

19

Masayang nagtatakbuhan ang mga apo ni Gabriel. Kaya nga, kahit na matindi ang sakit na nadarama, ay nakangiti niyang pinanonood ang kanilang paglalaro. Hanggang sa dumating ang pagkakataong ang sakit ng tagiliran ay hindi niya natiis. Impit na sigaw ang narinig ng mga batang naglalaro. Napahinto sila sa pagtakbo. Ibinaling ni Vivian ang kanyang paningin.

“Si Lolo,” sigaw niya, “si Lolo..., nahulog!”

Napasugod si Rosita nang marinig ang sigaw ni Vivian. Patakbo siyang pumasok sa sala kung saan naglalaro ang mga bata. Nakita niya ang tatlong bata na tulong-tulong na binubuhat ang kanilang Lolo. Lumapit siya para tumulong, noon niya nakitang walang malay ang asawa. Matapos maibalik sa upuan si Gabriel ay lumapit si Rosita sa telepono at tumawag ng ambulansya.  

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now