Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

Tuwang-tuwang niyakap ni Maribeth ang kanyang mga magulang nang sunduin niya ang mga iyon sa domestic airport. Sa loob ng sasakyan papauwi sa apartment ng dalaga lamang sila nakapag-usap ng husto.

“Nagulat nga kami nang tanggapin ang tawag mo.” Nakangiting wika ng ina. “Bakit nga ba nasumpungan mong anyayahan kami dito sa Maynila?”

Tinapunan ng sulyap ng dalaga ang kanyang ina. “Ano bang tanong iyan,” nasabi niya, “bakit hindi ninyo ba alam na nananabik din akong makasama kayo?”

“Ang ibig sabihin ng iyong ina ay ngayon mo lamang ginawa ang ganito.” Paliwanag ng amang nasa likod ng sasakyan.

Tinanaw ni Maribeth ang ama sa rear view mirror. “Hindi kasi ako makapagbakasyon sa dami ng gawain, kaya naisip kong kayo ang pumunta dito. Tutal matagal na kayong hindi nakakapunta dito sa Maynila, hindi ba?”

“’Yun nga ang sabi ko sa Mama mo,” banat ng ama at tumingin sa kinauupuan ng asawa, “pero, tulad ng dati, ayaw niya akong paniwalaan.”

Umismid si Aling Anita, ang ina ni Maribeth. “Naku, nagsalita si Magno,” sagot nito, “nasabi ko lang naman ‘yon dahil talagang hindi ko inaasahan.”

“Ang mabuti pa ay ibahin na natin ang paksa ng usapan.” Mungkahi ni Maribeth. “Baka kung saan pa makarating iyan. Teka, hindi ba kayo nagugutom? Mag-aalas dose na, mabuti pa yata ay dito na sa labas tayo kumain, wala rin lamang akong naihanda sa bahay.”

“Mabuti pa nga,” sang-ayon ni Mang Magno, “gutom na nga ako eh.”

Habang kumakain sina Maribeth at ang kanyang mga magulang ay panay naman ang tingin ni Ramir sa kanyang relo. Huli na ng mahigit kalahating oras ang bus na sinasakyan ng kanyang ama’t ina. Hindi niya malaman kung ano ang dahilan at naatraso ito ng dating. Kaya lumapit siya sa dispatcher’s office para magtanong.

“Bakit po ba naatraso ng dating ang bus mula sa La Union?” Tanong niya.

“Masyado hong ma-traffic sa NLEX.” Sagot ng dispatcher. “Huwag ho kayong mabahala, siguro’y mga sampung minuto na lamang ay narito na iyon.”

Hindi nga nagkabula ang sinabi sa kanya. Dumating ang bus na kanyang hinihintay. Magkasunod na umibis ang kanyang mga magulang. Lumapit si Ramir at matapos yumakap sa dalawa ay ang bagahe ng mga magulang ang inasikaso niyang kunin.

“Kumusta ang biyahe ninyo?” Tanong ni Ramir nang nakasakay na sila sa kanyang kotse.

“Ayos naman,” sagot ni Mang Teo, ang ama ni Ramir. “Matrapik lang masyado diyan sa North Diversion Road.”

“Ang gusto kong malaman ay kung ano ang pumasok sa isipan mo at bigla mo kaming inanyayahan dito?” Singit naman ni Aling Julia sa usapan.

Tumawa si Ramir. “Una,” wika niya, “ay matagal na rin naman tayong hindi nagkikita at sa palagay ko.., mabuting pagkakataon ito para naman makarating kayo dito sa Maynila. Pangalawa, gusto kong mag-asawa na, at dahil narito ang mga magulang ng aking kasintahan, minabuti kong anyayahan kayo dito para mamanhikan.”

Nagkatinginan ang mga magulang ni Ramir sa narinig.

“Baka yaong huli mong sinabi ang totoo.” Tumatawang sabi ni Mang Teo.

“Sang-ayon ako.” Pahayag naman ni Aling Julia. “Siguro’y malaki ang matitipid niya sa ganitong paraan.”

Ngumiti si Ramir. Hindi siya tumutol sa narinig. Yaon naman ang totoo, kung sa bagay.

Tulad ni Maribeth, dinala rin ni Ramir ang ama’t ina sa isang restaurant para mananghali. Habang kumakain nila pinag-usapan ang tungkol sa pamamanhikan.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now