Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

Alam ni Gabriel na lumalala ang kanyang kalagayan. Yaon ay dahil sa patindi ng patindi ang pananakit ng kanyang tagiliran. Yaon at ang pangyayaring mas madalas ang pagsakit ngayon, ang nagbigay babala sa kanya na nalalapit na ang katapusan.

“Pati ikaw ay nagdurusa sa aking kalagayan.” Pabulong na wika ni Gabriel sa asawa. “Ayoko na ngang nakikita mo akong nahihirapan. ‘Yon ang dahilan kung bakit ako lumalabas ng silid. Gusto ko sanang sarilihin ang lahat.”

Sumulyap si Rosita sa asawa. “Hindi mo ba natatandaan ang sinabi natin sa harap ng altar nang tayo ay ikasal?” Tanong niya sa dating Pangulo. “Hindi ba’t nangako tayong magsasama sa hirap man o’ ginhawa? Bakit..., tila yata gusto mong talikuran ko ngayon ang pangakong iyon?”

Hinawakan ni Gabriel ang kamay na humihimas sa kanya. “Hindi ko gustong talikuran mo ang ano man. Masakit lang sa kalooban ko na nakikita kang nagdurusa ng dahil sa sakit ko. Wala na tayong magagawa, ito ang nakatakda sa buhay ko. Dapat sigurong tanggapin natin ng maluwag sa ating mga puso. Inaamin kong sa tuwing susumpong ang sakit, ay naluluha ako, pero maniwala ka sanang maluwag na tinatanggap ko ang kapalarang ibinigay sa akin. Kaya sana ay maging maluwag din sa kalooban mo ang lahat.”

Mabigat man sa kanyang kalooban ay tumango ng pagsang-ayon si Rosita. “Kung makapagbibigay sa iyo ng kasiyahan ang bagay na iyon, hayaan mo’t sisikapin kong masunod.” At pinahid ang luha sa kanyang mga nata.

Ng umagang iyon, tulad ng ginagawa sa araw-araw, ay naglilinis ng bahay ang katulong ni Solidad. Natapos na nito ang buong bahay ay nakasara pa rin ang silid ng kanyang amo. Marahan siyang kumatok nguni’t walang sagot siyang natanggap. Naisip niyang marahil ay ginabi ng pagtulog kaya’t hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa bumabangon.

Bumalik siya sa kusina at sinimulang magluto ng tanghalian. Matapos ang pagluluto at maihanda ang hapag kainan, ay saka lamang muling bumalik para tawagin ang among si Solidad. Ilang ulit na namang katok ang kanyang ginawa na walang tinanggap na sagot. Sa dakong huli ay sinubukan niyang pihitin ang seradura.

“Aba,” bulong ng katulong, “hindi pala nakakandado ang pinto.”

Dahil doon, ay bahagyang itinulak ng katulong pabukas ang pinto. Sumilip siya sa loob. Nakita niyang nakahiga ang kanyang senyorita sa kama. Lumikha siya ng ingay sa kagustuhang magising si Solidad. Inulit niya iyon ng ikalawang beses, nguni’t walang nangyari. Kinabahan siya. Lalo na nang makita ang bote ng pilduras sa ibabaw ng maliit na mesang pinapatungan ng telepono.

Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa kama. Huminto siya sa tapat ng ulo ng nakahigang si Solidad. Nanlaki ang kanyang mga mata. May bula sa bibig nito. At tila hindi humihinga. Napaatras siya. Patakbong lumabas ng silid.

Pumipito nang dumating si Ramir sa kanyang opisina ng umagang iyon. Ang lahat ay napatingin dahil ngayon lamang nangyari ang bagay na iyon. May pagtatakang nalarawan sa mukha ng bawa’t nakakita. Ano kaya ang dahilan at masaya ngayon ang kanilang boss?

Sumunod si Sofia dala ang pang-umagang dyaryo at ilang papeles. “Masaya ka yata ngayong umaga?” Tanong niya habang ipinapatong sa mesa ang hawak na pahayagan at papeles. “Baka sumaya rin ako kung malaman ang dahilan?”

Ngumiti si Ramir. “Talagang magugustuhan mo ang dala kong balita.” Wika nito na kumindat pa sa kanyang sekretarya. “Mag-aasawa na ako.”

Napanganga sa gulat ang sekretarya. “Gan’un? Ang akala ko pa naman ay nakalimutan mo na ang tungkol doon dahil naging abala ka sa trabaho.” Wika nito at inilahad ang kanang palad para siya kamayan. “Congratulations!”

Inabot ni Ramir ang kamay ng dalaga at nagdaop-palad sila. “Salamat..., salamat!” At tinapik niya ang kamay ng sekretarya.

Nang umabot sa pandinig ng mga tauhan ang tungkol sa nalalapit niyang kasal ay masaya silang nag-ipon-ipon at bumuo ng balak na bigyan si Ramir ng isang stag party.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now