Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

“Ngyon ay kailangang pag-usapan natin kung kailan mo gustong gawin ang ating kasal.” Wika niya sa dalaga.

Hindi agad sumagot si Maribeth. Nasa isip niya kasi ang tungkol sa pamamanhikan na ginagawa ng lalaki bago maitakda ang araw ng kasal.

“Bakit?” Usisa ni Ramir matapos lumipas ang ilang sandaling katahimikan. “Bakit tila hindi ka makasagot?”

“Wala ka bang nalilimutan?” Sa halip na sumagot ay tanong ng dalaga.

“Nalimutang ano?” Patanong ding tugon ni Ramir.

“Ang pamamanhikan!” Paalala ng dalaga na hindi naman ikinagulat ng binata.

“Ah.., ‘yun ba?” Nakangiting wika ni Ramir. “Nasa isip ko iyon. Pero, kung tayo ay pupunta sa probinsya para gawin iyon, ay maaaksaya hindi lamang pera kundi gayon din ang panahon. Biruin mo kung kukunin ko si Ama’t si Ina, pagkatapos ay pupunta kami sa probinsiya ninyo para mamanhikan. Kay daming pera at kay habang panahon ang kailangan. Kaya ang naisip ko ay anyayahan sila dito para magbakasyon. Tayo ang gagastos sa lahat ng kailangan. At kapag narito na sila ay saka ako mamamanhikan at tuloy kasalan. Di ba isang gastusan lang iyon?”

Tumatawang nakurot ni Maribeth si Ramir. “Talagang may kasalbahihan ka, ano. Biruin mong maisip mo ang tungkol doon.”

“Kasalbahihan ba ‘yon?” Nawika ng binata. “Gusto ko lang makatipid at mapadali ang lahat. Ang totoo nga ay ibig kong mag-file na bukas para sa wedding license, medyo matagal din kasi bago iyon maaprubahan.”

Napalakas ang tawa ni Maribeth. “Naku, ikaw oo...,” tumatawang sambit niya, “kung hindi matibay ang bait ko ay loka na ako siguro.”

Tumawa rin si Ramir bago nagtanong. “Kailan mo sasabihin sa kanila na magbakasyon dito?”

“Ngayon din.” Sagot ng dalaga at kinuha ang kanyang cellphone.

Ganoon din ang ginawa ni Ramir para sa kanyang mga magulang.

Bumangon si Gabriel na hawak ang tagiliran. Dahan-dahan siyang lumayo sa kama para hindi mabulabog ang asawa. Pero, nang maramdaman ang pagkilos ng katabi, ay nagmulat ng mata si Rosita.

“Bakit?” Usisa nito sa asawang lumalakad ng palayo sa kama. “Bakit ka tumayo?”

“Sumusumpong, hindi ako makatulog.” Sagot ni Gabriel at binuksan ang pinto para lumabas.

“Sandali lang,” pahabol na wika ni Rosita, “uminom ka ng pain killer, kukuha ako.”

“Huwag na.” Pigil ni Gabriel sa asawa. “Hindi na tumatalab sa akin ang mga gamot na ‘yan. Kailangang tiisin ko na lamang pagsumumpong.” At patuloy itong lumabas ng silid.

Tumayo si Rosita at sinundan ang asawa. Pagdating sa veranda ay naupong katabi ng dating Pangulo. Sinimulan niya ang laging ginagawa sa tuwing sasakit ang tagiliran ng asawa. Mariing paghimas sa tagiliran. Sa edad niyang iyon ay totoong madali na siyang mapagod. Pero patuloy pa rin siya dahil sa nakikitang paghihirap ni Gabriel.

Sa ganoong pagkakataon ay hindi mapigil ni Gabriel ang pagluha. Hindi niya gustong nakikita ng mahal niyang si Rosita ang pagtulo ng kanyang luha. Pero hindi niya iyon mapigilan. Kusang lumalabas kasabay ng pagsakit ng kanyang tagiliran. Kaya nga lagi siyang lumalabas ng silid para itago sa asawa ang luhang pumapatak sa kanyang mga mata.

Lalo siyang naiiyak sa tuwing maririnig ang pabulong na dalangin ni Rosita. Lumuluha din ang asawa sa tuwing mananalangin, bagay na nagpapalala sa sitwasyon. Hindi naman niya masabi o’ mapigilan ito sa ganoong gawain. Batid niyang kaagapay noon ang paghihirap ng kalooban dahil sa nakikitang pagluha niya sa sakit na nararamdaman.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now