Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

“Eh bakit ka umiiyak kung nawala ang sakit?” Puna ng bata. “Hihimasin ko na lang kapareho ng ginagawa ni Lola.”

Lalong napaiyak si Gabriel sa narinig. Kay liit pa’t kay bata ni Vivian, pero parang matanda na kung magsalita at magmahal. Nayakap niya tuloy ang apo. At dahil sa nangyari ay nalimutan niya ang sakit na kanyang nararamdaman.

Nagulat nga si Rosita nang makitang magkayakap ang maglolo. At nagtaka ito nang makitang may luha sa mga mata ang asawa.

“Bakit?” Tanong ni Rosita. “Ano ang nangyari?”

“Walang anuman,” sagot ni Gabriel, “gusto ko lang suklian ang ipinakitang pagmamahal sa akin ni Vivian.”

Isang maliit na puwesto na may mezzanine floor ang naupahan ni Kardo at ng kanyang maybahay. Ang mezzanine ang gagawin nilang tulugan, at sa harapan sa ibaba, doon sila maglalagay ng gawaan. Sa dakong likod, kung saan naroon ang CR at kusina, ay doon naman sila maglalagay ng hapag kainan.

Sa halip na tindahan, ang naisip ni Kardo ay ang paggawa ng basahan gamit ang mga retasong mabibili sa Divisoria. Sa ngayon ay basahan muna ang kanilang gagawin. Kapag medyo lumago na ang kanilang puhunan ay saka siya mag-iisip kung ano pa ang maaaring gawin gamit ang retaso.

Alam niyang ang gusto ng kanyang maybahay ay bigas ang gawing negosyo. Wala naman siyang tutol doon, lamang ay mas malaki ang kikitain nila sa maliit na puhunan sa paggawa ng basahan. ‘Yon ang lumalabas sa ginawang niyang pag-aaral.

Noong una ay isang makinang de motor ang binili ni Kardo. Ang kanyang asawa ang gumagawa ng basahan at siya naman ang nagtitinda sa daan malapit sa palengke. Ang bumibili sa kanya ay mga tsuper at ibang mamamayan.

Mabilis manahi ang kanyang asawa lalo na nang magtagal at makita ang lalong mabilis na paraan. Kaya napilitan silang kumuha ng makakatulong sa pagtitinda. Hanggang sa makarating ang ibang nagtitinda sa lahat halos ng lugar sa siyudad na kinalalagyan nila.

18

Hindi matanto ni Gaspar kung ano ang dahilan at hindi dumating ng araw na iyon ang kanyang asawa. Wala siyang naging dalaw. Bagay na nagbigay sa kanya, hindi lamang ng kalungkutan kundi pag-aalala rin. Kung ano-ano tuloy ang pumapasok sa kanyang isipan.

Naroon ang maisip niyang humahanap ng mas mahusay na abugado ang kanyang asawa doon sa naunang naghain sa husgado para mabigyan siya ng piyansa. Naroong pumasok sa isipang baka si Alipio ang dinalaw ni Solidad. Di siya mapalagay. Malakas ang tibok ng kanyang puso. May kakaibang bagay na bumabalot sa kanyang katauhan na hindi niya malaman kung ano.

Hindi siya mapakali. Naroon ang tumayo at maglakad. Maupo at mahiga. Pero anuman ang gawin ay hindi mawala ang kaba niyang nadarama. Ano kaya ito? Balisa ba siya dahil sa kaso? O’ may ibang kahulugan ang lahat ng ito.

Ganoon siya sa loob ng kinakukulungang silid. Balisa, hindi malaman ang gagawin, hanggang makatulog sa kanyang pagkakahiga.

Pumasok si Solidad sa banyo. Binuksan ang medicine cabinet. Kinuha ang isang bote na puno ng tabletas. Binasa ang itiketa noon at nang matiyak na tama ang dinampot na gamot ay bumalik sa kanyang silid. Kinuha ang isang bote ng mineral water bago naupo sa kanyang kama.

Huminga siya ng malalim. Bumulong ng dasal. Luha ang umagos sa kanyang pisngi mula sa nakapikit na mga mata. Impit ang paghikbing maririnig mula sa kanya. At matapos ang mahabang sandali ng pagdalangin ay binuksan ang bote ng gamot. Ibinuhos at pinuno ng tableta ang kanang kamay bago ibinuka ang bibig. Matapos mailagay ang gamot sa bibig ay sinundan ng ilang lagok ng tubig. Nahiga siyang umiiyak.

Matapos maupong magkatabi sa sofa ng hapong iyon sina Ramir at Maribeth ay inilabas ng binata ang biniling wedding ring. Ipinakita iyon sa dalaga at saka nangusap.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now