Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

Dalawa lamang ang dahilang pumasok sa kanyang isipan. Una, marahil ay ibig ni Alipiong gumaan ang maging hatol sa kanya, ang mabigat na hatol kasi ay sa mastermind laging iginagawad. Pangalawa, maaaring gusto ng pamangking maalis ang hinala ng pulis sa tunay na mastermind, kay Solidad. Naisip niya ang bagay na ito dahil alam niyang pangarap ng asawa ang maging First Lady at siya ang nakaalam na may sakit ang Pangulo.

Gayon pa man, ang hinalang iyon ay sinarili niya sapagka’t nais din niyang ilayo ang minamahal sa maaaring kahinatnan kung sakali. Ang tanging hinihintay niya ay ang pagtatapat ng asawa kung totoo ngang sila ng pamangkin ang nagplano ng lahat.

Pumasok si Ramir sa tindahan at isa-isang tinanaw ang mga naroong naka-display. Nilapitan siya ng babaing nasa kabila ng iskaparate.

“Gusto ninyo bang tulungan ko kayo?” Tanong ng babae sa kanya.

Nagtaas ng ulo si Ramir at nakangiting tumugon. “Siguro nga mas mainam na hingin ko ang tulong mo.” Wika niya.

Itinulak ng saleslady pabukas ang sliding door ng iskaparate. “Engagement ba o’ wedding ring ang hanap n’yo?”

“Wedding,” tugon ng binata.

“Naku,” anang babae, “sana swertihin din ako na katulad niya.”

Tiningnan ni Ramir ng nakatawa ang kausap. “Bakit,” tanong niya, “hindi pa ba siya nagpropropos sa iyo?”

“Nagpahayag na ng kanyang layunin,” tugon ng saleslady, “kaya lang hindi ko pa sinasagot.”

“Dapat sagutin mo para maisunod niya ang proposal.”

Umiling ang babae. “Hindi ko siya gusto, eh.”

“Bakit naman?”

“Kasi.., hindi siya poging katulad mo.’

“Palabiro ka pala.” Ani Ramir at saka itinuro ang sinsing na naibigan niya.. “Magkano ba ang ang isang pares na ‘yon?”

“Mura lang ito,” anang saleslady at saka kinuha ang itinuro ni Ramir. “Bibigyan kita ng special diascount dahil sa kapogian mo. At isa pa ay dahil type kita.”

Tumawa lang si Ramir bago binayaran ang sinsing at umalis.

Kahapon dumating si Merced, anak na babae ng dating Pangulo, kasama ang ang asawang si Dino at ang limang taong gulang na anak na babae, si Vivian. Ngayon naman ay ang pamilya ng anak na lalaki ang dumating. Si Romeo at asawang si Lara at ang dalawang anak, sina Delano at Elena. Ang dalawang pamilya ay masayang sinalubong ng mag-asawang Gabriel at Rosita.

Malaking kasiyahan ang dulot ng pagdating ng dalawang anak, manugang at mga apo sa dating Pangulo. Ang totoo, dahil sa mga apo, ang kaunting sakit na nararamdaman ni Gabriel, ay hindi niya napapansin lalo pa’t kausap niya ang batang si Vivian. Marami kasing salitang nakatutuwa ang apo.

“Lolo,” minsang puna ni Vivian, “bakit ganyan ang mukha mo? Parang gusto mong umiri. Gusto mo bang pumunta sa CR?”

Sumasakit noon ang kanyang tagiliran, nguni’t dahil sa sinabi ni Vivian ay nalimutan niya ‘yon. “Hindi,” sagot niyang nakangiti, “pumupo na ako kangina. Kaya lang medyo masakit ang aking tagiliran.”

“Gusto mo bang himasin ko, tulad ng ginagawa ni Lola?” Tanong ng bata.

“Huwag na lang,” nangilid ang luha sa kanyang mga mata ng magsalita. “Mapapagod ka kasi. Yakapin mo na lang ako at halikan para mawala ang sakit.”

Lumapit si Vivian at yumakap ng mahigpit bago iginawad ang kanyang halik. “Ayan,” wika matapos humiwalay sa Lolo, “ano naalis ba?”

Tumango ang dating Pangulo pero hindi niya napigilang pumatak ang luhang kangina’y nangilid sa kanyang mga mata.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now