Makalipas ang maraming sandali ay nakaramdam ng ginhawa si Gabriel. Nawala ang nalarawang paghihirap sa kanyang mukha. Kinuha niya ang humihimas na kamay ng asawa at tinapik iyon ng ilang ulit.
“Tama na,” bulong niya, “ayos na ang pakiramdam ko.”
“Salamat sa Diyos!” May luha pa ring nawika ni Rosita. “Sige, ipikit mo ang iyong mga mata. Samantalahin mo ang pagkakataon para ka makatulog.”
Umiling ang dating Pangulo. “Alam mo,” sa halip ay wika niya, “naisip ko.., na sa halip na ituloy natin ang pagbabakasyong ito, hindi ba mas mainam na umuwi na lang tayo?”
Napatitig si Rosita sa kabyak. “Kung nag-iisa tayo at walang pinaglilibangan ay lalong magiging mahirap para sa iyo, hindi ba?” Tanong niya.
Muling umiling si Gabriel. “Hindi ganoon.” Paliwanag niya. “Ang balak ko ay anyayahan ang dalawa nating anak at ang kanilang pamilya sa bahay. Dumuon muna sila para natin makasama hanggang ako ay narito pa. Sa ganoon ay magiging masaya ang lahat.., at makakasama ko pa ang ating mga apo bago dumating ang oras ko.”
Nakagat ni Rosita ang kanyang labi. Hindi niya napigilan ang nag-uunahang luhang pumatak sa kanyang pisngi. Gusto nga niyang magkasama-sama silang mag-anak, una ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga anak at apo na makapiling ang kanyang asawa, at ikalawa dahil natatakot niyang haraping mag-isa ang sandali ng kanilang paghihiwalay.
“Ano sa palagay mo?” Nakangiting tanong ni Gabriel.
“Kung ‘yon ang gusto mo.” Magiliw na sagot ni Rosita.
“Kung gan’un,” masayang pakli ng dating Pangulo, “paglapag natin sa airport ay kanselin mo ng lahat ang ating booking. Siguro naman ay may makukuha pa tayong refund sa ating naibayad. Magbook ka para papauwi sa Maynila. The earlier the better.”
Tumango lamang si Rosita.
Matapos basahin ang ginawang sulat ay itiniklop iyon ng dalawang ulit. Itinaas ang telepono at iniipit ang sulat sa pag-itan noon at sa kinapapatungang mesita. Tumayo at nanungaw sa bintana ng silid.
Malayo ang tingin ni Solidad. Para bang pinipilit niyang itanim sa isipan ang mga bagay na kanyang natatanaw. Tila siya isang baliw na nakangiti nguni’t tumutulo ang luha sa mga mata. Nasaisip niya kasi na noon ay dalawa silang tumatanaw at masayang pinag-uusapan ang mga bagay na kanilang nakikita. Ngayon ay nag-iisa siya, at ito ay dahil sa kanyang kabuktutan
Naalala niya tuloy ang laging sinasabi ng kanyang ama nang iyon ay nabubuhay pa. Bakit nga kaya ang tao ay hindi maging masaya sa kung ano mayroon sila. Ang lahat halos ng tao ay sakim, ultimo kaliit-liitang bagay ay ibig nilang sumakamay kung ito ay mabibigay sa kanila ng ginhawa. Bakit kaya hindi sila masiyahan kung ano meron sila?
Umiling siya. Kung alam lang niyang sa ganoon magwawakas ang lahat, disin sana’y hindi na niya ninais na maging Unang Ginang. Pero huli na ang lahat. Dumating na ang wakas na hindi niya inaasahan. Ang kailangan ngayon ay tibay ng loob para magawa ang tanging paraang naisip niyang tatapos sa problemang kinakaharap.
Hindi sa bilibid nakakulong si House Speaker Gaspar Salitre. Doon siya dinala at ikinulong sa isang silid sa NBI. Marahil binigyan siya ng konsiderasyon dahil sa pagiging pinuno ng kamara. Yaon ay sa rekomendasyon ng Justice Secretary. Marami ngang pagtutol na nalalathala at naririnig sa radyo at telebisyon dahil ang Speaker ay kapartido ng dating Pangulo at ng Justice Secretary na hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa napapalitan ng bagong Pangulo. .
Sa kabila ng lahat, ang pagkakakulong ng Speaker sa silid na may airconditioner, may refrigerator at kung ano-ano pang mga bagay na nagbibigay ginhawa sa pamumuhay, ay hindi masaya si Gaspar. Hindi niya kasi mawari kung bakit siya idinawit ng pamangkin ng kanyang asawa sa kaso gayong wala naman siyang kinalaman doon. At ang bagay na iyon ay alam ni Alipio.
BINABASA MO ANG
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (17 to 20)
Magsimula sa umpisa
