“’Yon naman ang ipinangako niya nang magbitiw ang iyong ama.” Ani Maribeth. “Sana lang ay hindi maging bukang-bibig lamang.”
“Sana nga!”
Halos mapuno ang bulwagan sa dami ng taong nagsidalo at nagkaroon ng interes sa kasong didinggin ng husgado. Sa araw na iyon nakatakda ang pag-amin o’ pagtanggi ni Alipio sa kasong inihain ng piskalya laban sa kanya.
Tumayo ang lahat sa loob ng bulwagan nang ianunsyo ang pagdating at pagpasok ng huwes. Inihampas nito ang kanyang mallet at iniutos ang pag-upo ng lahat.
Ang iskribyente naman ang sumunod na tumayo. “Dinidinig sa hukumang ito ang ‘case number 2011-3297-055’ People of the Philippines vs Alipio Coronel na may kinalaman sa tinatawag na ‘operation mj’. Kinakasuhan dito ang nasasakdal ng ‘murder at frustrated murder’.”
Matapos ang pagpapahayag ng iskribyente ay muling pumalo ang hukom. “Nakahanda na ba ang dalawang panig?” Tanong nito at sinulyapan ang nangakaupo sa mesa sa kanyang kaliwa at kanan.
“We are ready, your honor,” narinig mula sa mesa ng prosikyusyon.
“Ready!” Anang depensa naman.
Muling narinig ang palo ng hukom. “Ikaw ay nasasakdal sa salang pagpatay at tangkang pagpatay ayon sa dimandang inihain ng piskalya. Ngayon ay tinatanong kita. Totoo ba ito o’ hindi?”
Tumayo ang manananggol at si Alipio. Tumingin muna ang abugado sa kanyang kliyente at nang makita ang pagtango nito ay saka nangusap. “Inaamin po ng akusado ang lahat ng ibinibintang ng prosikyusyon sa kanya. We plead guity, your honor.”
“Para magkaroon ng katiyakan ang sinabi ng iyong abugado,” anang Hukom, “ay ibig kong marinig mula sa iyo, Mr. Coronel, ang pag-amin.”
“Opo, inaamin ko ang sakdal laban sa akin.” Ani Alipio bilang patotoo.
Muling narinig ang tunog ng mallet. “Decision will be rendered next session, date and time will be announced in the subpoena the court will send to all concerned. Court is now adjourned.”
Umugong ang bulung-bulungan sa loob ng sala. Nagsitayo ang mga tao. Iba’t-iba ang saloobin ng bawat isa. Mayroong nanghihinayang dahil agad natapos ang inaasahan nilang mahabang proseso kung saan maririnig ang maraming paraan ng bawat panig para malusutan ang itinalaga ng batas. Ang iba naman ay natuwa sapagka’t maagang makakamit ng mga naging biktima ang katarungan.
Pasado alas dose ng tanghali nang simulang ilakad ang libing ng dating Pangulo. Maraming sasakyan ang sumunod sa karo at trak ng korona. Sa magkabilang panig ng daan ay naroon ang maraming mamamayan na may hawak ng bandilang pilipino. Ikinakaway nila ang watawat na hawak, marahil, para ipakita ang kanilang kalungkutan at pakikiisa sa pamilya ni Pangulong Gabriel Benipayo, na kanilang iniidolo.
Halos mag-iika-apat na ng hapon nang dumating ang libing sa Libingan ng mga Bayani kung saan ilalagak ang katawan ng dating Pangulo. Matapos maisaayos ang lahat, ay isa-isang nagsalita ang mga matataas na pinuno ng bayan at ilang kaibigan ng namatay. Ang kahuli-hulihang nagsalita ay ang anak na lalaki ni Gabriel.
“Mula sa araw na ito,” simula ni Romeo sa mabagal na salita, “matapos ipasok ang kanyang kinalalagyan sa loob ng nitsong iyan, ay hindi ko na makikita ang kanyang anyo. Maiiwan na lamang, hindi lamang sa akin at sa aming pamilya, kundi gayon din sa lahat ng ating kababayan na nagtiwalang ilagay siya sa pagka-Pangulo, ang kanyang ala-ala. Noong siya ay nabubuhay, may pagkakataong dinaramdam ko, at marahil ng aking ina, ang paminsan-minsang pagkalimot niya sa amin, lalo na sa mga sandaling binabagabag siya ng suliranin tungkol sa bayan. Para bang mas mahal niya kayo kaysa sa amin. At ngayong mawala na siya, ay saka ko nakita ang katotohanang sa kanyang puso ay naroon, hindi lamang ang pagmamahal sa pamilya kundi ang pagmamahal sa bayang nagluklok sa kanya para gampanan ang tungkulin ng isang Pangulo.”
Sandaling huminto sa pagsasalita si Romeo. Para kasing sasabog ang kanyang dibdib. Nais niyang itago ang paninikip na yaon ng kanyang kalooban. Ibig niyang ikubli sa madla ang pangingilid ng kanyang luha. Nagpatuloy lamang nang madamang nagluwag na ang kanyang pakiramdam.
“Marami siyang balak para sa ating mahihirap na kababayan.” Patuloy ni Romeo. “At inaasahan kong sa kabila ng mga nangyaring ito, ay magpapatuloy pa rin ang mga adhikaing iyon. Naniniwala akong mananatiling buhay siya sa ating alaala.”
Matapos ang pagsasalitang iyon ay sinimulan ng masdan ng bawat isa, sa huling pagkakataon, ang anyo ng dating Pangulo. Matagal na minasdan ni Rosita at ng anak na babae ang mukhang alam nilang hindi na muling masisilayan. Kasama sa pagmamasid na iyon ang masaganang pagtulo ng kanilang mga luha.
Humihikbi pa rin ang mag-ina habang ipinapasok sa nitso ang kabaong na kinahihimlayan ng dating Pangulo. Nang maisara na ang nitso at makapagpaalam na ang lahat ng nagsidalo sa libing ay saka lamang umalis ang mag-iina, manugang at mga apo.
Malungkot ding nilisan ng magkasintahan ang libing ni dating Pangulong Gabriel Benipayo. Mula sa libingan ay sinundo nila ang mga magulang dahil sa pangakong sa labas sila maghahapunan ng gabing iyon. Ito ang paraang ginawa ng magkasi para magkalapit ang mga damdamin ng kanilang mga magulang.
Magkakasama sila sa van na inarkila ni Ramir. Nasa harapan silang magkasintahan at ang apat na matatanda ay naroong lahat sa likuran. Sa ganoong paraan ay malayang nagkakausap ang kanilang mga ama’t ina.
“Saan ba ang punta natin ng lagay na ito?” Tanong ni Mang Magno at tiningnan ang anak.
Tumingin si Ramir sa rear view mirror. “Kakain po tayo sa labas.” Sagot niya sa tanong ng ama ni Maribeth. “Doon sa isang restaurant na lagi naming kinakainan ng inyong anak.”
“Ayoko ng mga steak.., steak ha?” Paalala ni Mang Teo. “Alam mo namang mahina na ang aking mga ngipin.”
Inirapan ni Aling Julia ang asawa. “Ayaw pang sabihin nitong pustiso na ang kanyang mga ngipin.” Wika nito at saka lumabi.
Tawanan ang lahat sa kanilang narinig.
“Ikaw talaga,” ganting wika naman ni Mang Teo, “bakit mo ibinulgar ay hindi naman nila alam ang tungkol doon?”
“Huwag ka ng tumutol, balae,” sabat naman ni Mang Magno, “pare-pareho lang naman tayo. Walang lamangan!”
“Siguro, ang dapat,” ani Maribeth naman, “ay sa lugawan tayo pumunta.”
Lalong lumakas ang pagtawa ng lahat.
“May kapilyahan din pala itong si Maribeth,” punang sinabi ni Aling Julia.
“Naku, maliit pa’y ganyan na ‘yan.” Patotoo naman ni Aling Anita.
Nahinto lamang ang masayang pag-uusap nang marating nila ang sadyang kainan. Nagsibaba sila at sama-samang pumasok sa restaurant. Doon sa loob nila ipinagpatuloy ang masayang pag-uusap. Habang kumakain ay nagkakatawanan sila. Ang pagtitipon ay naging masaya at bago naghiwa-hiwalay ay nagkalapit ang kalooban ng dalawang panig na ikinatuwa naman ni Ramir at Maribeth.
ESTÁS LEYENDO
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
AcciónAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (17 to 20)
Comenzar desde el principio
