Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

Luhaan ang mga mata nang ihagis ni Alipio sa pamamag-itan ng naka-posas na kamay ang bulaklak sa ibinababang kabaong ng ina. Si Gaspar naman ay hinagkan muna ang puting rosas bago iyon inihulog sa hukay. Kapwa sila nanatili sa kinatatayuan hanggang sa matabunan ang hukay.

Lumapit si Alipio sa kinatatayuan ng Speaker at saka nagsalita. “Tito,”: wika niya sa gumagaralgal na tinig, “hindi ko alam kung magkikita pa tayo. Pero gusto ko sanang malaman mo na sa kabila ng lahat ay mahal kita. Nagawa ko lamang na ituro ka dahil alam kong ‘yon lamang ang maaari nilang paniwalaan. Sana’y maintindihan ninyo.” At saka ito tumalikod at umalis ng hindi hinintay ang isasagot ni Gaspar.

Malalaking letra sa headline ng bawat pahayagan ang balita tungkol sa pagkamatay ng dating Pangulo. Ang mga watawat sa bawat tanggapan ng pamahalaan at gayon din naman sa mga pribadong gusali, ay nakataas sa kalahatian ng kinasasabitang poste. Ang buong bayan ay nagluluksa.

Mapupuna ang katahimikan sa lahat ng dako. Ipinagluluksa ng sambayanan ang pagkamatay ng kinikilalang pinuno ng bayan. Marami ang naniniwala sa katapatan sa tungkulin ng namayapang si Gabriel Benipayo. Malungkot ang bawat mamamayan. Hindi nila matanto kung bakit nagaganap ang ganoon. Na kung sino ang inaasahang magbabago at magtataas ng antas ng pamumuhay, ay siya pang pinagkakaitan ng matagal na panunungkulan.

Sa ilalim ng balita sa pagkamatay ng dating Pangulo, ay naroon ang tungkol sa paglilibing sa bangkay ni Solidad Salitre, ang maybahay ng Speaker na nagpakamatay. Ang balitang ito ay hindi gaanong pinansin ng mga tao. Marahil dahil sa inamin nitong pakay na pagpatay sa tinawag na ‘operation mj’.

Gayon din sa radyo at telebisyon. Una ring binanggit at napag-ukulan ng mas mahabang oras ang tungkol sa pagkamatay ng dating Pangulo kaysa sa ginawang paghahatid sa huling hantungan ni Solidad.

Magkasamang dumalaw sina Ramir at Maribeth sa burol ng dating Pangulo. Palibhasay kapwa kilala, sinalubong sila ni Rosita nang matanaw nito ang kanilang pagdating.

Nagyakap ang dalawang babae at kinamayan ni Rosita si Ramir. “Salamat sa pakikiramay ninyo.” Wika at sinamahan ang magkasi hanggang marating ang kinahihimlayan ng asawa.

Malayo sila sa kabaong dahil sa mga nakapilang ibig masilayan ang dating Pangulo sa huling pagkakataon. Nakasingit lamang sila nang huminto sa paglakad ang isang lalaking nasa pila at inihudyat ang kanilang paglapit. Ilang saglit nilang tinanaw ang mukha ni Gabriel Benipayo, ang Pangulong napamahal sa buong bayan. At matapos magpasalamat sa lalaking nagbigay sa kanila ng pagkakataon, ay pumaroon sila sa umpukan ng mga kaanak at mga nakikiramay.

“Kay buti niyang Pangulo,” narinig nilang wika ng asawa ng isang senador. “Hindi ko nga alam kung bakit kay aga niyang kinuha sa atin.”

“Gayon nga ang kadalasang nangyayari,” sang-ayon naman ng isang kongresista, “pero wala tayong magagawa. Siguro’y ganoon ang nakatakda sa kanyang buhay.”

Kilala ni Maribeth ang anak na babae ng dating Pangulo kaya doon siya naupo sa tabi nito. Hinawkan niya sa kamay si Merced at pabulong na nagwika. “Nakikiramay kami.”

Itinaas ni Merced ang kanyang paningin at nang makilala ang nakiramay ay ngumiti. “Salamat,” wika niya, “mabuti’t nakarating ka?”

“Oo naman,” ganting sagot ni Maribeth, “kabilang ako sa maraming humahanga at nagmamahal sa kanya bilang Pangulo. Nakakalungkot ngang isipin ang nangyaring ito. Kung kailan nadarama ng bayan ang pagbabago ay saka pa siya nawala.”

Huminga ng malalim si Merced. “Tama ka, pero siguro naman ay ipagpapatuloy ng kanyang kapalit ang napasimulan niya. Sana naman, para magkaroon ng katuparan ang kanyang pinangarap para sa ating lahat.”

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now