Operation: 'MJ' (17 to 20)

Magsimula sa umpisa
                                        

Nakangiti nang magsalita si Ramir. “Tama po ang sinabi ng Mama ni Maribeth.” Wika niya. “At nakakahiya man po..., ay inaamin ko na pumayag ako sa suhestiyon niya,” at tinapunan ng tingin ang dalaga, “na dito na lamang kami mamanhikan. Kasi raw, ang matitipid namin sa biyahe papuntang Mindanao, ay maidadagdag na sa handaan.”

“Huwag kang mabahala, naiintindihan namin ang tungkol doon.” Pahayag ni Mang Magno.

Hindi na kumibo ang ina ni Maribeth hanggang sa matapos ang usapan. Marahil ay naunawaan na rin niya ang lahat. At sa huli ay nagtanong siya sa magkasintahan.

“Eh, kailan naman ninyo balak magpakasal?” Tanong niya at tumingin sa kinauupuan ng magkasi.

“Naisip naming gawin iyon sa Bonifacio Day sa Nobyembre.” Ani Ramir na nakatingin kay Maribeth.

Tumango ang dalaga.

20

Nagkaipon-ipon ang dalawang anak ni dating Pangulong Benipayo at ang kanyang mga apo sa ospital. Kapiling ni Gabriel ang tatlo niyang apo samantalang nangakaupo naman ang asawa, mga anak at dalawang manugang sa paligid ng kama.

Masaya si Gabriel sa pakikinig sa mga sinasabi ng kanyang mga apo. Lalo na si Vivian, ang pinakabata sa tatlo. Matabil kasi at ang bawat sabihin ay talaga namang nakatatawa.

“Teka lang, Lolo,” sa isang pagkakataon ay wika ni Vivian, “bakit ba umalis ka doon sa palasyo? Kung sa bagay gusto ko naman ‘yon, kasi panay ang bigay nila ng chocolate sa akin.”

“Binibigyan ka pala ng chocolate eh,” si Delano ang nagsalita, “bakit ayaw mo doon?”

“Si Mommy ang ayaw, hindi ako,” at sumulyap ito ng pairap sa kanyang ina, “kasi nakakasira daw ng ngipin ang chocolate.”

Nagkatawanan silang lahat. Nahalinhan ng sakit ng tiyan ang sakit na nararamdaman ni Gabriel sa kanyang tagiliran.

Sa kahilingan ni Gabriel ay doon sa ospital nagpalipas ng gabi ang kanyang mga anak at apo. Hatinggabi nang muling sumumpong ang sakit sa kanyang tagiliran. Maliban sa tatlong mga bata, ay nagising ang lahat.

Ilang duktor at mga nars ang tumalima sa panawagan ni Rosita. Lahat sila ay abala sa pag-aasikaso sa may sakit. Namimilipit sa sakit ang dating Pangulo. Si Rosita at ang anak niyang babae ay nakatayo sa ulunan ng kama at bumubulong ng dasal. Tahimik ang lahat sa kabila ng kanilang mga ginagawa. Walang maririnig kundi ang mahinang pit.., pit..., pit na tunog ng electronic monitor na nakakabit sa puso ng may sakit.

Ang tunog na paulit-ulit ay biglang nawala. Nahalinhan ito ng mahabang tunog na nagbabadya ng paghinto ng tibok ng puso. Agad kinuha ng duktor ang defibrillator at ginamit iyon sa pagtatangkang iligtas ang buhay ng dating Pangulo. Bigo siya.

Nahinto sa pagdarasal ang mag-ina nang makita ang nangyari. Nagyakap silang umaagos ang luha sa kanilang mga mata.

Umaga, malamig pa ang simoy ng hangin nang ipasok sa gate ng sementeryo ang karong kinalululanan ng kabaong ni Solidad. Napili ni Gaspar ang oras na ito dahil batid niyang sa ganitong oras tumatanaw sa malayo ang kanyang asawa noong ito’y nabubuhay pa. Sa oras na iyon daw, paniwala ni Solidad, isinasabog ng Diyos ang Kanyang biyaya.

Sa kabila ng maagang paggising ay marami pa rin ang dumalo sa libing. Ang karamihan ay mga kasamahan sa kongreso ni Gaspar, mga pribadong kaibigan at mga dignitaryo mula sa ibang bansa. Naroon din ang anak na si Alipio, na pinayagan ng husgadong maghatid sa ina sa huli nitong hantungan.

Matapos magsalita ng ilang kaibigan, kakilala at ng asawang si Speaker at pagpapakawala ng mga puting lobo sa himpapawid, ay sinimulang ibaba ang kabaong sa hukay. Ang bawat isa ay nagpupukol ng bulaklak.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon