“Ano ang sinabi mo?” Ibig malinawan ni Aling Anita ang tinuran ng kanyang anak.
“Sabi ko,” ulit na sabi ng dalaga, “ay dadalaw dito si Ramir kasama ang kanyang mga magulang. Gusto nila kasing mamanhikan.”
“Mamanhikan?” Si Mang Magno naman ang nagsalita. “Ang ibig sabihin ay hihingin nila ang aming pahintulot para kayo makasal?”
“Ganoon nga po.” Sagot ni Maribeth.
Tumingin si Aling Anita sa kanyang asawa bago ipinukol iyon sa dalaga. “Hindi ba ang dapat ay sa Probinsya sila magpunta para doon?”
“Naku si Mama,” pakli ni Maribeth, “kung ganoon ang gagawin nila ay gagastos ng malaki. Kaya nga nang malaman nilang narito kayo ay binalak na ngayon na gawin iyon para makatipid ng kaunti.”
“Sa palagay mo ba ay tama ‘yon?” Tanong ni Mang Magno.
“Bakit naman hindi,” katwiran ng dalaga, “hindi ba’t ang matitipid doon ay maidadagdag sa aming kabuhayan kung mag-asawa na kami?”
Muling nagkatinginan ang dalawang matanda.
“Kung sa bagay,” nasabi ni Aling Anita. “Eh anong oras ba magsisidating ang mga iyon?” Tanong nito pagkatapos.
Sinulyapan ni Maribeth ang kanyang relo bago sumagot. “Malapit na silang dumating.”
Maaga pa nang ihatid ni Gaspar ang huling dumalaw sa burol ng asawa. Tinanaw niya hanggang mawala sa kanyang paningin ang lumayong sasakyan. Bumalik siya sa silid kung saan naiilawan ang maputing kabaong na kinalalagyan ng katawan ng kanyang maybahay. Nag-iisa na siya! Malungkot na isiping, matapos maihatid sa huling hantungan ang asawa, ay uuwi siyang mag-isa.
Lumapit siya sa kabaong ng asawa. Mula sa kinatatayuan ay minasdan ang magandang mukha ni Solidad. Maaliwalas na mukha ang kanyang natanaw. Mapayapa ito sa kanyang pagkakahiga.
Bakit kaya ang tao ay dumaranas ng iba’t-ibang uri ng suliranin habang nabubuhay? Ang tangi bang lunas para matakasan ang mga problema ay kamatayan? Kaya ba ito ang ginawa ni Solidad? Hindi ba niya naisip na susugat iyon sa damdamin ng mga taong nagmamahal sa kanya?
Kagat ang labi ay marahang tumalikod si Gaspar. Lumakad siya hanggang marating ang mahahabang upuang nakahilera sa di kalayuan. Naupo siya. Tumatahip ang kanyang dibdib dahil sa pinipigilang simbuyo ng kalooban. Nang hindi mapigil, ay tuluyan ng umagos ang luha sa kanyang mga mata.
Pasado alas otso ng gabi nang dumating ang mag-anak na dela Serna sa apartment ni Maribeth. Matapos maipakilala ang bawat isa ay naupo silang lahat sa anyaya ng dalaga.
“Kumusta po ang inyong bakasyon?” Si Mang Teo ang unang nagsalita.
“Maayos naman,” tugon ni Mang Magno, “eh kayo, pagbabakasyon din ba ang ipinunta ninyo dito sa Maynila?”
“Ah, hindi po,” si Aling Julia ang sumagot. “Naparito kami para mamanhikan. Naibalita kasi ni Maribeth na naririto daw kayo.”
“Mamanhikan?!” Madiing ulit ni Aling Anita bagama’t alam na niya ang tungkol doon. “Hindi ba ang marapat ay....,”
Pinutol ni Maribeth ang pagsasalita ng kanyang ina. “Ako kasi ang nagsabi kay Ramir na dito na lamang kayo kausapin para naman kami makatipid.”
Hindi rin marahil ibig ni Mang Magno na sa unang pagkikita ay magkaroon ng isasama ng loob ang kanilang babalaihin kaya’t maagap itong sumabat sa usapan. “Tama ang anak mo,” wika niya na nakatingin sa asawa, “dapat naman talaga na maging tuso ang tao. Lalo pa nga ang mga bagong ikakasal. Sa palagay ko, dahil sa unang pagkakataong ito ay lumagay sa isipan nila ang pagmimenus, ay hindi magtatagal ay makaiipon sila. Na siya namang dapat na gawin ng mag-asawa, di ba?”
YOU ARE READING
Operation: 'MJ' ni Virgilio Alvarez
ActionAng kwentong ito ay may kinalaman sa pagpatay sa mataas na pinuno ng pamahalaan. Si Pepe, isang repair man ng lighter, na nag-imbento sa tinatawag niyang 'listening device' ang nakarinig ng tungkol sa assassination plot na iyon. Hindi naniwala si...
Operation: 'MJ' (17 to 20)
Start from the beginning
