Operation: 'MJ' (17 to 20)

Start from the beginning
                                        

“Wala.., ginawa ko lang iyon para iligtas si Mama!”

Pagdating sa ospital ay agad ipinasok sa ER ang dating Pangulo. Maraming duktor ang tumingin sa kanya, kabilang si Dr. Mario Atienza. Nang magkamalay si Gabriel ay inilipat siya sa isang pribadong silid.

“Wala na tayong magagawa para sa kanya.” Mahinang wika ni Dr. Atienza kay Rosita. “Ikinalulungkot kong sabihin, pero hindi na magtatagal at iiwanan na niya tayo.”

Hindi umimik si Rosita. Sukat ang kagatin nito ang kanyang mga labi kasabay ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. Hindi niya matanggap ang katotohanang ang buhay ng tao ay may katapusan. Pero sa kabila noon, sa tuwing makikita ang paghihirap na tinitiis ng asawa, laban man sa kalooban, ay hinihingi niya sa Diyos na sana’y wakasan na ang paghihirap na iyon.

Lumapit si Rosita sa kama ng asawa. “Kumusta ka na?” Halos pabulong niyang tanong. “Mayroon ka bang gusto?”

Ngumiti lamang ang dating Pangulo. “Wala.., wala akong gusto kundi ikaw.” Mahina niyang wika. “D’yan ka sa tabi ko. Hawakan mo ang aking kamay.”

Tumalima si Rosita sa kahilingan ng kanyang asawa. Naupo siya sa silyang katabi ng kama. Pinahiran ang luha bago humawak sa kamay ni Gabriel.

“Nasaan ang ating dalawang anak? Ang ating mga apo?”

“Gusto mo bang narito sila?” Tanong ni Rosita at tinapunan ng tingin si Dr. Atienza.

Naunawaan naman ng manggagamot ang tinging iyon, kaya’t noon din ay dinukot ang kanyang cellphone at tinawagan ang panganay na anak ng dating Pangulo.

“Oo, gusto kong magsama-sama tayong lahat. Para kasing nanlalabo ang aking mga mata. Gusto kong makita sila bago tuluyang mawala ang aking paningin.”

“Huwag kang mainip,” ani Rosita na pinipilit na maitago ang pag-iyak sa asawa, “nasa daan na sila.”

Dahil sa pagpapakamatay ni Solidad at sa iniwang sulat nito ay iniurong ng piskalya ang demanda laban kay Speaker Salitre. Sa kanyang paglabas, ang unang inasikaso ay ang tungkol sa asawa. Kumausap ng punerarya para maiburol at kunin ang bangkay ng asawa na dalawang araw na sa morgue.

Nang matapos ang tungkol sa asawa ay pinaasikaso naman sa abugado na si Alipio, sa kabila ng ginawa sa kanya, ay panandaliang makalabas para makita ang inang nakaburol.

Maraming nagsidalaw at nakiramay kay Speaker Salitre. Isa na rito ang dumating na bulaklak mula sa dating Pangulo at sa kanyang maybahay. Dumalaw din sa burol ang bagong Pangulo, mga miyembro ng gabinete, mga congressmen, senador at ibang matataas na pinuno ng pamahalaan.

Malungkot ang naging eksena nang dumating si Alipio. Alam na ng lahat na siya ay hindi pamangkin kundi tunay na anak, tulad ng napalathala sa lahat ng pahayagan at naging balita sa radyo at telebisyon.

May luha sa mata nang lumapit si Alipio at yumakap sa kabaong ng ina. Hindi napigilan nito ang humagugol bagay na nagpasidhi sa kalungkutan ng mga bisitang naroon.

Matapos iyon at bago tuluyang umalis ay lumapit si Alipio kay Speaker Gaspar Salitre. Yumakap ito at sa gumagaralgal na tinig ay humingi ng tawad.

“Tito,” wika niya na umiiyak, “sana’y maintindihan ninyo kung bakit ko nagawa ang ganoon.”

Tinapik ni Speaker sa likod ang nakayakap sa kanya. “Naiintindihan ko,” bulong niya, “at wala kang dapat alalahanin tungkol doon. Pinatatawad kita!”

“Salamat!” Humakbang ito palayo. “Paalam!”

Nang gabing iyon, habang naghahapunan ay kinausap ni Maribeth para maihanda ang kalooban ng mga magulang sa pamamanhikang gagawin ni Ramir. Sa gabing ito kasi nila napagkasunduang dadalaw ang binata kasama ang kanyang ama’t ina.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now