Operation: 'MJ' (13 to 16)

Start from the beginning
                                        

14

Pumasok si Rey sa opisina ni Ramir at matapos maupo ay saka nagsalita. “Ipinatawag mo raw ako?”

“Oo,” sagot ni Ramir sabay abot ng isang papel na kinasusulatan ng makinilyadong report.

Tinunghayan iyon ni Rey at ibinalik matapos mabasa. “Mabuti’t naisipan nilang doon ilagay ang dalawa.” Wika niya.

“’Yun ang bilin ko.” Sagot ni Ramir. “Sinabi ko ‘yon dahil may sapantaha akong may kasabwat si Alipio sa operation mj. At gusto ko ring mabatid kung paano nalamang may sakit si President.”

“Ngayon ay alam na nating si Solidad ang pinagmulan.” Ani Rey. “Pero hindi natin alam kung paano niya nalaman iyon, hindi ba?”

“Simple,” paniniyak ni Ramir, “tatanungin natin si Misis Speaker tungkol doon.”

“Paano mo sasabihing alam mong sa kanya nagmula ang impormasyon?”

“Sasabihin kong sinabi ni Alipio. Hindi ba ‘yun naman ang totoo?”

“Tama ka.” Amin ni Rey. “Pero ang hindi ko matanggap ay ang sinabi ni Alipiong siya lamang ang nagplano noon.”

“Gayon din ang nasa isip ko.” Sang-ayon ng Tinyente. “Pero wala tayong magawa dahil wala naman tayong katibayan na may iba pang involved sa plano.

Sa Palasyo, ng umagang iyon, ay tinawag ng Pangulo ang kanyang sekretaryang si Linda at iniutos na ipagbigay-alam sa lahat ng Department Secretary ang tungkol sa miting na gusto niyang ganapin kinabukasan.

“Anong oras po ninyo gustong gawin ang miting at ano po ang agenda?” Tanong ni Linda.

Sandaling nag-isip ang Pangulo. “Alas diyes ng umaga,” wika niya, “at ang agenda ay..., report.., report tungkol sa kanilang mga departamento.”

Matapos isulat ang mga sinabi ng Pangulo ay tumalikod na si Linda para bumalik sa kanyang opisina. Nguni’t pinigil siya ng Pangulo.

“Sandali lang,” anang Pangulo, “gusto kong anyayahan mo ring dumalo si Vice President at Dr. Atienza. Thank you.”

Kasabay halos ng pagkausap ng Pangulo sa kanyang sekretarya ang pagdating ni Ramir sa bahay ni Speaker Salitre. Pinapasok siya ng katulong na nagbukas ng pinto. Hindi pa siya nagtatagal sa kanyang upuan nang dumating si Solidad kasunod ang Speaker. Tumayo si Ramir at nagbigay galang sa dalawang pumasok.

“Narito pa pala kayo,” Wika ni Ramir nang makita ang Speaker.

“Naghintay ako,” pagtatapat ng Speaker, “nang malaman kong gusto mong makausap si Solidad. Gusto ko kasing marinig ang itatanong mo at isasagot naman ng aking asawa.”

“Gusto ko lang pong marinig mula kay Misis,” nakangiting turing ni Ramir, “kung paano niya nalamang may sakit ang Pangulo.”

“May sakit?!” Ulit ni Speaker at napatingin sa kanyang asawa. “Alam mong may sakit si Presidente?”

Tumango si Solidad. Tumayo ang Speaker. Lumakad patungo sa bintana. Itinukod ang dalawang braso sa pasamano at tumingin sa malayo.

“Diyos ko!!!” May himutok na nawika ng Speaker at huminga ng malalim.

Lumapit si Solidad at yumakap sa asawa. “Sorry,” bulong niya.

Kumawala ang Speaker sa pagkakayakap ni Solidad. “Bakit hindi mo nasabi sa akin ang tungkol diyan?”

“Kasi nga ay inililihim nila ang tungkol doon.” Katwirang sinabi ni Solidad.

“Kung inililihim ay paano mo nalaman?” Usisa ng Speaker.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now