Operation: 'MJ' (13 to 16)

Start from the beginning
                                        

“Alam ko.., alam ko!” Nakangiting badya ni Alipio. “Kung malalaman kasi ang tunay na kalagayan ng Pangulo, ay tiyak na siya ang paghihinalaang may plano ng lahat.”

“Pero bakit mo sinabing.....” Hindi natapos ni Solidad ang kanyang sasabihin dahil itinaas ni Alipio ang kanyang kamay para siya pigilin.

“Tulad ng sinabi ko,” singit ni Alipio, “ginawa ko ito dahil sa kagustuhan kong maranasan ang pagiging pamangkin ng isang Pangulo.” Tumawa ito bago idinugtong ang, “baka nga dahil wala kayong anak, ay ako pa ang maging first child ninyo.”

Natawa rin si Solidad. Pero tawang may kasamang pagluha. Hindi niya kasi matanto kung bakit sa kabila ng katotohanang siya ang nagplano sa mga nangyari ay inako itong lahat ng kanyang pamangkin.

“Sige, aalis na ako,” sa gumagaralgal na tinig ay wika ni Solidad, “naparito lamang ako para sabihin ang tungkol sa abugado. At gusto ko ring malaman mo na sa kabila ng lahat, ay hindi nagbabago ang aking pagtingin sa iyo.”

Hindi nagsalita si Alipio. Sinabayan niya sa pagtayo ang kanyang Tita at inihatid iyon ng tingin hanggang sa pinto ng silid. May luha sa matang kumaway ng paalam si Solidad bago ito tuluyang lumakad paalis.

Bumalikwas ng bangon ang Pangulo. Tumayo siya at patakbong pumasok sa banyo. Pagdating sa loob ay humawak ng mahigpit sa lababo at saka, kagat ang labi, ay pilit na pinigil na mapasigaw. Ayaw niyang marinig ng sino man ang dinaranas niyang hirap na dulot ng sakit niyang cancer.

Hindi niya alam na nang siya ay bumangon ay nagdilat ng mata ang kanyang asawa. Sumunod si Rosita sa banyo. Kumatok ito sa pinto.

“Gabriel? Gabriel, ayos ka ba?” Mahinang tawag nito.

Bagamat may masakit pang nadarama ay inayos ng Pangulo ang kanyang mukha. Binuksan ang pinto at nang makaharap ang asawa ay saka nangusap.

“Nagising ka pala.” Wika niya at umakbay sa asawa. “Ihing-ihi kasi ako kaya ako nagmadaling tumayo. Sorry nagising kita.”

Lumabi si Rosita. “Huwag mo na ngang itinatago sa akin ang iyong nararamdaman.” Kasabay ng pagsasalita ang pagtulo ng kanyang luha. “Alam kong ayaw mong ipakita ang iyong paghihirap..., pero asawa mo ako, hindi ba dapat na katuwang mo ako sa lahat?”

Tinapik ng Pangulo ang balikat ng asawa. “Alam ko..,” wika niya at itinaas ang mukha ng asawa, “ayoko lamang na kaawaan mo ako. Sana ay maunawaan mo.”

Yumakap si Rosita. “Huwag kang mag-isip ng ganoon. Tandaan mong kapwa tayo sumumpa na magsasama tayo sa hirap at ginhawa.”

Nagpakawala ng malalim na hininga ang Pangulo. “Sige..., kung ‘yon ang gusto mo.”

Sabay silang lumakad pabalik sa kama. At matapos maupo ay itinaas ni Rosita ang kanyang mukha at tumingin sa asawa.

“Hindi ba ang mainam,” sabi niya na pisil ang palad ng Pangulo, “na sabihin mo na ang totoo sa bayan at magbitiw ka sa pwesto? Kailangan mong magpahinga.”

Hindi agad sumagot ang Pangulo. Tumayo ito at ilang ulit na lumakad pabalik-balik. Iniisip niya ang tinuran ng kanyang maybahay. Matapos ang ilang sandali ay bumalik ito sa kinauupuan ni Rosita.

“Payag ako.” Wika niya na nakatingin sa asawa. “Payag ako sa sinabi mo. Bukas na bukas ay kakausapin ko ang aking gabinete at ipapahayag sa kanila ang aking pagbibitiw. Siguro nga, ang kailangan ay sarilihin natin ang mga huling araw ko dito sa mundo.”

Bilang tugon ay niyakap ng mahigpit ni Rosita ang Pangulo. “Salamat,” wika niya sa pag-itan ng paghikbi, “salamat, sa wakas ay masasarili kita, maipadadama ko sa iyo ang aking pagmamahal.”

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now