Operation: 'MJ' (13 to 16)

Start from the beginning
                                        

“Pero pinatay mo ang ditektib?!

“Oo, pinatay ko pero walang nag-utos.” Muling sigaw ni Alipio.

Nang gabing iyon, nang dumating si Ramir sa apartment ni Maribeth, ang unang pinag-usapan nila ay ang tungkol sa maraming katanungang naipon sa isipan ng dalaga. Nagulat nga ang binata nang magtanong ang kasintahan tungkol sa kasong kanyang hawak.

“Bakit yata nagkaroon ka ng masidhing interes tungkol dito?” Tanong ni Ramir sa dalaga.

“Mayroon ka kasing hindi sinasabi sa akin tungkol doon.”

Tumawa si Ramir. “Bakit,” patanong niyang wika, “kailangan bang sabihin ko sa iyo ang lahat tungkol sa kaso?”

“Hindi naman sa lahat ng kaso,” tumatawa ring tugon ni Maribeth, “itong kasong ito lamang. At ang dahilan ay ang pakiusap mong kapanayamin ko ang Pangulo nang may magtangka sa buhay ni Bise.”

Nakamot ni Ramir ang kanyang ulo. “Alam mo,” nakangiti niyang sabi, “may mga bagay na gustuhin mo mang ibahagi sa taong pinagkakatiwalaan mo, ay hindi mo magawa. ‘Yon ay dahil ayaw mong malagay ang kanyang buhay sa panganib. Kaya kung mayroon man akong inililihim sa iyo, ‘yon ay dahil doon.”

Tumango ang dalaga sa narinig na sinabi ni Ramir. Naalala niya kasi ang ginawang paghahalughog sa kanyang apartment. Dahil doon, maaari ngang naragdagan ang pag-iingat ng binata na nauwi sa paglilihim.

“Sige, payag na ako,” sa halip na damdamin ang narinig na tinuran ng binata ay wika niya. “Tayo.., doon na tayo sa dining, maghahain na ako.”

Maaga pa ay nasa Manila Detention Cell na si Misis Solidad Salitre. Hiniling niyang makausap ang pamangking naka-ditine doon. Sinulyapan ng jail official ang kanyang relo at nang matiyak na wala pa sa oras ang pagdalaw ay dinampot ang katabing telepono.

“Sir,” wika ng jail official nang may tanggaping sagot, “narito si Misis Salitre, dumadalaw kay Alipio Coronel, papapasukin ko ba?”

Ilang sandaling nakinig ito bago ibinaba ang telepono at hinarap si Solidad. “Halika ‘yo,” wika nito at nagpaunang lumakad patungo sa isang maliit na silid. “Dito raw kayo mag-usap ni Alipio para walang makakita. Hindi pa kasi oras ng pagdalaw.”

“Salamat.” Tanging nasabi ni Misis Salitre.

Hindi nagtagal ay muling nabuksan ang pinto ng silid. Pumasok ang isang pulis at si Alipio. Matapos maihatid ang preso ay lumabas ang pulis at tumayong nakasandal sa pinto ng silid.

Matapos maupo ay nagtaas ng tingin si Alipio. “Salamat sa dalaw mo,” wika niya, “maaga ka yata, hindi pa oras ng dalaw. Mabuti’t pinayagan ka nila.”

Ngumiti si Solidad. “Kahit paano’y iginagalang nila ang pagiging asawa ng Speaker.”

“Oo nga,” sang-ayon ni Alipio. “Sorry sa nangyari. Nagawa ko ito dahil gusto kong maranasan ang pakiramdam ng pamangkin ng isang Pangulo.”

Hindi mawari ni Solidad kung bakit ganoon ang sinabi ng kanyang pamangkin. Tututol sana siya nguni’t maagap na inagaw ni Alipio ang tangka niyang pagsasalita.

“Binuo ko ang lahat ng ito nang masabi mo sa akin na may malubhang sakit ang Presidente.” Patuloy ni Alipio. “Salamat Tita, sa kabila ng lahat ay narito ka at dinalaw ako.” Pagkawika noon ay itinaas ang kanyang paningin na tila may ipinahihiwatig sa kausap.

Sinundan ni Solidad ang tingin ng pamangkin. At nakita niya ang isang maliit na butas na bilog sa kisame sa tapat ng mesang inuupuan nila. Pumasok sa isipan niya na mayroong nakikibig sa kanilang usapan.

“Hindi ko maunawaan kung bakit mo nagawa ang ganito.” Nasumpungang sabihin ni Solidad. “Pero gan’un pa man, bilin ng Tito mo na bigyan daw kita ng abugado. Pero ‘yun lang ang gusto niyang itulong ko sa iyo.., hindi ko nga maintindihan kung bakit.”

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now