Operation: 'MJ' (13 to 16)

Magsimula sa umpisa
                                        

Tinutunghayan ni Ramir ang report mula sa kanilang laboratoryo tungkol sa bakas ng daliri. Sa report ay sinasabing walang duda na ang bakas na nakuha sa riple ay katulad ng kinuha kay Alipio. Tunay na mapatototohanan nito na si Alipio nga ang lalaking nasa mataas na gusali, pero hindi masasabing naroon siya para sa tangkang pagpatay sa Pangalawang Pangulo. Kailangang magkaroon ng testigo na magpapatunay sa aligasyong ito. Wala sila noon, kaya pinatawag niya ang bihag para tanungin.

Hindi nagtagal, sa interrogation room ay naipon si Ramir, Rey at ang bihag na si Alipio. Nasa isang dulo ng mesa ang nakaposas na preso. Nakatayo naman ang dalawang alagad ng batas sa malapit sa kabilang dulo ng mesa.

“Gusto kong malaman mo na ang finger print sa riple ay katulad ng print na kinuha sa iyo.” Simula ni Ramir sa kanyang pagtatanong. “Ang ibig sabihin ay ikaw ang lalaking hinabol namin mula sa building sa Quiapo. Tama ba ako?”

Hindi kumibo si Alipio. Nakatingin lamang siya sa Tinyente.

“May kasama ka bang nagplano ng pagpatay kay Vice President at Senate President?” Muling tanong ni Ramir.

Hindi pa rin kumibo si Alipio.

“Alam mo bang may sakit na malubha ang Pangulo?”

Tahimik pa rin ang bihag. Pero inilipat ang kanyang paningin kay Rey nang ito ay kumilos.

“Na ang ibig sabihin,” si Rey ang nagpatuloy sa sinasabi ni Ramir, “na kung wala na ang dalawa at namatay ang Pangulo.., walang ibang makikinabang kundi si Speaker Salitre, hindi ba?”

“Si Speaker ba ang kasabwat mo?” Tanong ni Ramir.

Nang hindi pa rin umimik si Alipio ay nagpatuloy sa pagsasalita si Ramir.

“Oh ang kanyang asawa na tiyahin mo?”

Nag-angat ng mukha si Alipio. “Wala akong kasabwat. Mag-isa kong ginawa ang lahat.” Wika niya at pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawang kaharap.

“Mahirap yatang paniwalaan iyon? Anong pakinabang ang mahihita mo?” Tanong ni Rey.

“Marami!” Sagot ni Alipio. “Mabait sila sa akin.., hindi ako magdadalawang salita ay ibibigay nila ang magustuhan ko.”

“Bakit mo naman nasabi ‘yan?” Usisa ni Ramir.

“Dahil ako ang itinuturing nilang anak!”

“’Yun pala ang dahilan.” Tumatangong wika ni Ramir. “Ang ibig sabihin, kaya ka naroon sa mataas na building sa may simbahan ay para ituloy ang balak mong pagtapos sa buhay ni Bise? Ganoon ba?”

Tumango si Alipio.

“Tinatanong ka ni Tinyente, bakit hindi ka sumagot.” Malakas na wika ni Rey.

“Hindi mo ba nakitang tumango ako?” Malakas ding sagot ng bihag.

Nagkatinginan ang dalawang pulis. Napaamin na si Alipio at tiyak nilang may sapat na ibidensiya para ito ay makulong. Ang hindi nila mapaniwalaan ay ang sinabing siya lamang ang kusang-loob na nagplano ng lahat. May kutob silang may kasabwat itong pinagtatakpan.

“Ang unang nakaalam ng tungkol dito ay si Pepe, ang lighter repairman na nakaimbento noong spy machine. Alam mo ‘yon di ba?” Muling tanong ni Tinyente.

Minsan pang tumango si Alipio.

“At dahil pinatay mo siya,” patuloy ni Ramir, “ay naniwala si Det. Lery na totoo ang sinabi sa kanya ni Pepe. Kaya inimbistigahan niya ang tungkol sa operation mj. Hindi ba?”

Bago nakasagot si Alipio ay nagsalita si Rey. “At dahil doon ay iniutos ng iyong kasabwat na iligpit din si Det. Lery, di ba?”

“Sinabi ng wala akong kasabwat eh..!” Pasigaw na banat ni Alipio.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon