Operation: 'MJ' (13 to 16)

Start from the beginning
                                        

“Opo,” sagot ni Kardo, “ito po si Alipio.” Wika niya sabay turo sa lalaking buhat sa silid. “Ang iba po ay mga alagad niyang nagbabantay dito sa bahay.”

“Walanghiya ka,” galit na wika ni Alipio at akmang sisipain si Kardo.

Mabilis naman ang isa sa mga pulis na naroon. Agad nitong naitulak si Alipio. Bagay na ikinasadlak ng huli sa sahig.

“Saan mo inilibing si Nomer at Antonio?” Tanong ni Ramir sa natumbang Alipio.

Hindi ito sumagot. Kaya si Kardo ang nagsalita. “Doon sa labas,” wika niya, “sumama kayo at ituturo ko.”

Lumabas ng bahay si Ramir, Rey at Kardo. Isinama si Alipio at isa pang bihag at ibinilin sa ilang pulis na bantayan ang mga naiwang bihag.

Sa labas ng bahay, nang maituro kung saan nalibing ang dalawang nasasakdal, ay pinahukay ni Ramir kay Alipio at sa isa pang bihag ang lupa. Mahigit isang oras din ang ipinaghintay nila bago natuklasan ang unang naaagnas na katawan ng tao. Kasunod noon ay ang ikalawang bangkay.

Kinunan ng larawan ang mga bangkay at ang hukay. May kuha ding ipinakikita ang ang agwat ng bahay sa hukay. Matapos ang kuhanan ng larawan ay iniutos ni Ramir na tabunan ang hukay at dalhin ang dalawang bangkay para sa awtopsiya. Kaya nagpatawag ng ambulansiya si Rey.

Iniabot ni Speaker Gaspar Salitre sa kanyang asawa ang pahayagang kinasusulatan ng balita hinggil sa ginawang pagsalakay ng mga pulis sa tahanan sa Tundo. Matapos basahin ay inilapag ni Solidad ang dyaryo sa ibabaw ng mesita at saka lumapit sa bintana at nanungaw ng walang sinasabi.

“Ang balitang iyan,” anang Speaker habang lumalapit sa kinatatayuan ng asawa, “ay patunay na si Alipio ay may kinalaman sa mga nangyayaring pagtatangka sa dalawang opisyal ng gobyerno.”

Hindi pa rin nagsalita si Solidad.

“Sabihin mo sa akin,” patuloy ng Speaker, “may alam ka ba tungkol dito?”

Hinarap ni Solidad ang asawa. “Ano sa palagay mo?” Tugon niya at tinapunan ng masamang tingin ang Speaker.

Hindi nabahala si Speaker Salitre sa inasta ng asawa. Tiningnan niya ng tuwid sa mata ang kaharap. “Alam kong pangarap mo ang maging Unang Ginang, at isa pa ay lumalabas na kasangkot sa nangyayari ang iyong pamangkin. ‘Yon ang dahilan kaya ko naitanong sa iyo ang bagay na iyan. Ang gusto kong marinig ay ang sagot mo.”

Umirap si Solidad sabay talikod. “Wala akong alam tungkol diyan. Ano naman ang mahihita ko ipapatay man ang Bise at Presidente ng Senado, magiging Pangulo ka ba kung mamatay sila?”

Mayroon mang alinlangan sa narinig na isinagot ng asawa, ay hindi nagpahalata ang Speaker. Siguro’y nanaig ang kanyang pagmamahal sa kabyak at saka totoo rin naman na hindi nga siya magiging Pangulo mamatay man ang dalawa. Kaya’t tumalikod siya at nagbalik sa upuan.

“Mabuti kung ganoon.” Nasabi ng Speaker. “Pero ang ipakikiusap ko sa iyo..., ay ayokong direkta kang tutulong sa iyong pamangkin sa pagkakataong ito. Bigyan mo siya ng abugado, ‘yun lang ang tulong na gagawin mo, maliwanag ba?”

Tumango lamang si Solidad.

Takang-taka rin si Maribeth nang matapos basahin ang balita. Bakit nga kaya tinatangkang patayin ang dalawang mataas na opisyal ng pamahalaan? Totoo kayang may kinalaman dito ang pamangkin ng asawa ng Speaker? Kung mayroon man ay bakit gagawin nito ang ganoon? Mayroon ba siyang pakinabang na makukuha kung mapatay niya ang dalawa? Siya lang ba ang mag-isang nagplano ng lahat o’ mayroon siyang kasabwat? Kung mayroon ay sino? Si Speaker ba o’ ang kanyang asawa?

Maraming katanungang hindi niya alam ang kasagutan. Marahil ay maraming bagay ang hindi sinasabi sa kanya ng kasintahang si Ramir. Aalamin niya sa oras na sila ay magkita.

Operation:  'MJ'  ni Virgilio AlvarezWhere stories live. Discover now